Ano nga ba ang maagang palatandaan ng pagbubuntis? Paano ba malalaman ng isang babae na siya ay magiging ina?
Ngayon ay pag-uusapan natin ang mga senyales at palatandaan na makapagsasabi sa isang ina na siya ay nagdadalang-tao.
Anu-ano ang mga maagang sintomas ng buntis?
Para sa mga mag-asawang gustong magkaanak, importanteng malaman ang palatandaan ng pagbubuntis. Ito ay dahil mas makakapaghanda ang mag-asawa at makakapagplano ng mabuti para sa kanilang sisimulang pamilya.
Ito ang ilan sa mga maagang palatandaan ng pagbubuntis:
Pagkakaroon ng pulikat at “spotting”
Ang isa sa pinaka-unang mapapansin ng mga magiging ina ay ang pagkakaroon ng spotting at pulikat, o “cramps” sa kanilang puson.
Kadalasan, ito ay senyales din ng simula ng “menstrual cycle” kaya’t kadalasan ay hindi agad nalalaman ang pagbubuntis base lamang sa cramps at spotting.
Hindi pagkakaroon ng buwanang dalaw
Image from Freepik
Isa pang palatandaan ng pagbubuntis ang hindi pagkakaroon ng buwanang dalaw.
Kapag napansin mo na tila hindi pa nagsisimula ang iyong “menstrual cycle,” ay mabuting kumuha ng “pregnancy test” upang malaman mo kung ikaw nga ba ay nagdadalang-tao.
Ang hindi pagkakaroon ng buwanang dalaw ay isa rin sa pinakamadaling paraan upang malaman na ikaw ay nagbubuntis.
Ngunit posible rin naman na mayroong “irregular cycle” ang isang babae, na nagdudulot upang hindi maging regular ang kaniyang buwanang dalaw.
Pagkakaroon ng matinding pagod
Ang pagkakaroon ng matinding pagod o “fatigue” ay isa ring senyales ng pagbubuntis. Ito ay kadalasan ding nararamdaman hindi lang sa simula ng pagbubuntis, ngunit sa kabuuan ng pagdadalang-tao.
Pagtaas ng temperatura ng katawan
Ang isa pang palatandaan ng pagbubuntis ay ang pagtaas ng temperatura ng katawan.
Ito ay mas napapansin kapag mainit ang panahon, o kaya naman kapag ikaw ay nag-eehersisyo. Importanteng uminom ng maraming tubig at panatiliing komportable ang sarili lalo na sa simula ng pagbubuntis.
Madalas na pag-ihi
Kapag buntis ang isang babae, mas dumadami ang dugo na ginagawa ng katawan. Dahil dito, mas maraming dugo ang dumadaan sa kidneys, na nagdudulot ng mas madalas na pag-ihi.
Minsan din ay nahihirapang ikontrol ang pag-ihi, dahil na rin sa “hormones” na inilalabas ng katawan tuwing nagbubuntis.
Paglaki ng dibdbib
Ito ay kadalasang nangyayari sa ika-apat o ika-anim na linggo ng pagbubuntis.
Mararamdaman ng isang ina na lumalaki ang kaniyang dibdib, at minsan ito ay namamaga at nagiging “tender.” Ito ay dahil sa mga hormones na nagsisimulang ihanda ang iyong katawan sa pagbubuntis.
Sa panahong ito, importante ang magsuot ng komportableng damit at bra upang maibsan ang pamamaga na dulot ng paglaki ng iyong dibdib.
Pagtaas ng timbang
Ang pagtaas ng timbang ay kadalasang nangyayari sa unang tatlong buwan ng pagbubuntis.
Mapapansin mo rin na napaparami ang iyong kinakain dahil mas maraming nutrisyon ang kinakailangan ng iyong katawan upang suportahan ang dinadala mong sanggol.
Pagsusuka o “morning sickness”
Ang pagsusuka tuwing umaga o “morning sickness” ay isang sikat na palatandaan ng pagbubuntis.
Ngunit alam niyo ba na hindi lahat ng nagdadalang-tao ay nakakaranas nito? Posibleng walang maranasan na pagsusuka, pagkahilo, o kung ano man ang isang nagdadalang-tao.
Minsan naman ay nagiging mas sensitibo ang mga nagbubuntis sa mga malalakas na amoy, at dahil dito mas madalas silang nahihilo o nagsusuka.
Ano ang dapat gawin upang masigurado na ikaw ay buntis?
Kung sa tingin mo na ikaw ay nagdadalang-tao, mabuting kumuha ng pregnancy test upang masigurado kung buntis ka nga ba o hindi.
Ugaliin ding kumonsulta sa iyong doktor upang matutukan nila ang iyong pagdadalang-tao at mabigyan ka nila ng mabuting payo sa kung ano ang dapat mong gawin.
Tandaan, kailangan mong alagaan ang iyong katawan hindi lamang para sa iyong sarili, ngunit pati na rin sa dinadala mong anak. Kaya mahalagang malaman mo agad kung ikaw ay buntis o hindi para makapagplano ka ng maigi para sa iyong magiging anak.
Source: healthline.com
Photos from: pxhere.com
READ: Ilang gabay na pwede mong subukan para mapadali ang pagbubuntis
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!