Bakit matagal maglakad si baby? Lahat ng magulang ay sang-ayon na ang unang milestones ng mga bata ay mahalaga. Ang kanilang unang beses na itaas ang ulo, gumapang, maglakad, o magsalita. Ngunit kung hindi nila maabot ang mga milestones na ito sa unang taon, maaaring dapat na itong ikabahala.
Mula sa pagkapanganak, ang iyong anak ay may pinapakitang senyales ng paglaki at pag-develop. Ang pagtingin niya sa mga bagay sa paligid, kung paano niya ito hawakan, o kung gaano kabilis siya matutong magsalita at maglakad ay pawang mga tanda na siya ay lumalaki nang malusog.
Ganon din sa pagtingin kung sila ay nahuhuli na sa pag-unlad o development. Kailangang maging alisto sa pagsunod sa development ng bata, pati na sa pagpansin kung may problema ba, pagkahuli o ang tinatawag na developmental red flags.
Mabagal ang development ng anak sa edad 1-36 buwan
Dahil ang mga magulang ang palaging kasama, sila ang makakapansin kung hindi umuunlad ang fine motor skills, cognitive skills, language at speech, pati na physical development.
Pero paano kung hindi mapansin ang red flags na ito? Narito ang ilan sa mga ito.
1. Developmental red flags (1 hanggang 3 buwan)
Magugulat ka sa kayang gawin at sa bilis ng pag-unlad ng iyong sanggol sa panahong ito. Kahit gaano kabata, masasabi nila sa iyo kung ano ang nararamdaman at kung may pag-unlad na nangyayari.
Ito ang mga dapat obserbahan:
- Hindi kumikibo kahit may malakas na tunog
- Hindi sumusunod ang tingin sa mga gumagalaw na gamit
- Hindi ngumingiti kapag kinakausap o nilalaro
- Hindi humahawak ng mga bagay
- Hindi naiaangat ang ulo sa edad na 3 buwan
- Hindi interesado sa pagsubo ng mga bagay
- Hindi nakakasipa ng mga laruan o bagay
- Hindi naigagalaw ang isa o 2 mata
Bagamat ito ay mga red flags, dapat maintindihan na may mga sanggol na minsan ay nahuhuli nang bahagya sa pag-unlad.
Hintayin at huwag kaagad maalala. Magpatingin sa doktor kung may napapansing pagkahuli sa paningin at pandinig. Kung hindi nakakaupo nang mag-isa sa edad na 6 na buwan, dapat ding ikunsulta sa doktor.
2. Developmental red flags (4 hanggang 7 buwan)
Sa edad na ito, nagiging aktibo na ang mga sanggol. Umiikot na nang sarili, inaangat ang ulo, tumatawa at humahagikgik.
Kung hindi pa kaya ang mga sumusunod, dapat nang mag-alala:
- Naninigas ang mga muscles
- Hindi naigagalaw ang mga braso at binti, at parang manyika na walang buhay
- Hindi pa rin naiaangat ang ulo sa ika-7 buwan
- Walang pinapakitang reaksiyon kapag nakikita ang mga magulang o kaanak
- Parang ayaw na may tao sa paligid
- Umiiyak o nagbubwisit kapag maraming tao sa paligid
- Hindi nakaka-focus ang mga mata
- Sensitibo sa liwanag at lumuluha, o di kaya ay tuyo ang mga mata
- Hindi kumikibo kahit maingay
- Hindi nakakasubo ng mga bagay
- Hindi tumitingin kapag may ingay, o hindi lumilingon kapag may tumatawag sa kaniya
- Hindi pa rin kayang umikot kapag nakadapa, o hindi nakakaupo sa ika-6 na buwan
- Hindi tumatawa o humahagikgik
- Payat ang mga binti kung ikukumpara sa kaniyang katawan
3. Developmental red flags (8-12 buwan)
Malapit na siyang mag-isang taon, kaya’t marami na siyang nagagawa.
Kung hindi pa nagagawa ang mga sumusunod, dapat ipag-alala:
- Hindi pa gumagapang
- Hinihila ang isang side ng katawan para makagapang
- Hindi pa nakakatayo ng may suporta
- Hindi interesado sa paglalaro at hindi naghahanap ng laruan
- Hindi nakakapagsalita ng simpleng salita tulad ng “mama” at “dada”
- Hindi gumagamit ng mga paggalaw ng kamay
- Hindi nakakaupo nang matagal sa isang lugar pagkatapos mag-10 buwan
* Ang paglakad ay maaring hintayin hanggang 18 months.
Ang mga ito ay maaaring maging hudyat ng mga neurological disorder at development delay tulad ng Down syndrome o autism.
4. Developmental red flags (12-24 buwan)
Sa edad na ito, may sariling personalidad na ang mga bata. May mapaglaro, makulit, masayahin, bugnutin.
Kung hindi pa nagagawa ang mga sumusunod, dapat ipag-alala:
- Hindi pa nakakalakad ng 18 buwan
- Nakatingkayad sa paglakad
- Hindi nagsasalita kahit ilang simpleng salita lamang tulad ng “mama” at “dada”
- Hindi pa nakakahawak ng kutsara, tinidor, o anumang bagay, sa edad na 15 buwan
- Hindi gumagaya ng salita sa edad na 24 buwan
- Hindi nakakasunod sa mga single-step instructions sa edad na 24 buwan
5. Developmental red flags (24-36 buwan)
Sa ikalawang taon, marunong na dapat maglakad, tumakbo, maglaro, magsalita ang bata. Ang kaniyang cognitive, motor at speech at language skills ay umuunlad na.
Kung hindi pa nagagawa ang mga sumusunod, dapat ipag-alala:
- Hindi pa nakakagapang at nakakapaglakad
- Nahuhulog kapag umaakyat ng hagdan
- Hindi malinaw ang pagsasalita
- Naglalaway
- Hirap humawak at maglaro ng mga laruan
- Hindi nakakasunod sa one-step instructions
- Hindi interesado o di nakikipaglaro sa kapwa bata
- Hindi nakikipag-usap gamit ang kumpletong pangungusap
- Ayaw humiwalay sa tagapag-alaga o magulang
6. Developmental red flags (3-4 taon)
Ito na ang edad ng pagpasok sa eskwela. May mga batang matatas na magsalita at maayos na ang motor at cognitive skills, pati speech skills, sa edad na 3 taon.
Kung hindi pa nagagawa ang mga sumusunod, dapat ipag-alala:
- Hindi nakakatalon i nakakapaglakad nang maayos
- Hindi nakakahawak ng mga bagay gamit ang hintuturo at hinlalaki
- Hindi pinapansin ang mga ibang bata at hindi nakikipaglaro
- Ayaw humiwalay sa magulang
- Hindi nagsasalita at ayaw makipag-usap sa mga kaanak
- Ayaw matulog, magbihis, o pumunta sa banyo
- Madaling magalit o umiyak at may bayolenteng pagbubuwisit
- Hindi gumagamit ng “ikaw” at “ako” nang maayos
Ang bawat bata ay kakaiba. Bagamat natural ang bilis ng pag-unlad o develpment ng isa, hindi nangangahulugan na ganon din ang iba.
Obserbahan nang mabuti ang anak at tandaan ang mga red flags na nabanggit. Kapag may napansin, kaagad na dalhin sa doktor.
Pagkatapos lamang ng tamang obserbasyon at screening ng espesyalista saka lamang malalaman ang tamang kongklusyon. Huwag madaliin ang pagkatuto ng mga bata.
Sources:
Isinalin sa wikang Filipino mula sa orihinal na Ingles ni ANNA SANTOS VILLAR
Basahin:
6 Bagay na dapat malaman ng mga magulang tungkol sa developmental delays