Mabisang pampaputi, iyan ang madalas na hinahanap ng nakararaming Pilipino. Pero bakit nga maraming nahuhumaling sa mga ito at gaano nga ba ka-epektibo ang paggamit ng mga whitening products na mabibili sa merkado?
Ayon sa isang research, tinatayang aabot sa 31.2 billion dollars ang global market value ng skin lightening products sa taong 2024.
Nitong 2017, naitalang ang Asia Pacific region ay may pinakamalaking share sa global skin lightening products market. Habang ang Pilipinas ang nangunguna sa listahan ng mahilig bumili ng mabisang pampaputi.
Base naman sa isang dokumentaryo ng Refinery 29 tungkol sa skin bleaching sa Pilipinas ay isa sa dalawang Pilipino umano ang nakasubok ng gumamit ng whitening products.
Para nga mas malinawagan kung bakit ganito nalang ang pagkahumaling ng mga Pilipino sa paghahanap at paggamit ng mabisang pampaputi ay nagtanong-tanong sila ng mga Pilipina na gumagamit ng mga pampaputi.
Ang naging sagot ng karamihan ay dahil mas magandang tingnan at mas confident sila kapag maputi ang balat nila.
Mga mabisang pampaputi para sa may budget
Ayon naman sa kilalang dermatologist na si Dra. Vicki Belo ang pagkakaroon ng maputing balat ay naging status symbol na tulad ng pagkakaroon ng isang Hermes bag.
Isa nga daw sa mabisang pampaputi na binabalik-balikan ng mga customers ni Dra. Belo ay ang IV drip o Cinderella drip.
Ito ay isinasagawa sa pamamagitan ng pag-iinject ng glutathione at vitamin C sa balat para pumuti. Kailangan itong gawin isang beses sa isang linggo sa loob ng sampung linggo. Para naman ma-maintain ay kailangan ng booster drips dalawa o kada apat na linggo.
Maliban dito ang ilan pang mabisang pampaputi na tinatangkilik ng may mga budget ay scrubs, wet and dry dermabrasion, lasers at whitening capsules.
Ngunit, hindi biro ang magagastos para maabot ang inaasam na kaputian sa pamamagitan nito. Pero para sa mga Pilipino ay ayos lang daw ang gastos basta sigurado.
“I think what you really get what you pay for. For some people they just go for price. They will actually risk their lives just to get whiter,” pahayag ni Dra. Belo.
Mga mura ngunit delikadong pampaputi
Pero para naman sa walang budget ay mas pinipili nila ang mga creams na ayon kay Dra. Belo ay mas delikado at destructive sa balat dahil sa taglay nitong mercury content.
Sinuportahan naman ito ni Thony Dizon, isang chemical safety campaigner mula sa Ecowaste Coalition.
“This kind of cheap whitening creams, you can buy it everywhere. We discover that these products that have a mercury concentration and that there is a risk,” pahayag ni Dizon.
Ang mga produktong tinutukoy ni Dizon ay mga pampaputi na mabibili sa mga tindahan na nagkakahalaga ng higit kumulang P50 lang.
Para mapatunayan ang kaniyang sinasabi ay sinuri ni Dizon ang mga skin whitening products na mabibili sa murang halaga sa mga tindahan. Gamit ang isang device na magpapakita ng concentration ng mercury sa bawat produkto ay nakakagulat ang natuklasan ni Dizon.
Ayon kay Dizon, ang legal limit ng mercury sa mga cosmetic products sa Pilipinas ay 1 part per million. Ngunit sa mga skin whitening products na sinuri niya ay nakita niyang 42,000 limit ang isa sa mga produkto habang ang iba ay hindi nalalayo sa nasabing numero.
Ito daw ay illegal at alarming na limit ng mercury.
Ang pag-gamit daw ng products na may mercury at pag-aapply nito sa balat araw-araw ay maaring magdulot ng tremors, kidney failures at birth defects sa baby para sa mga buntis.
Ilan nga sa mga produktong sinuri na dapat daw ay hindi na tangkilikin ng mga Pilipino dahil sa mercury content nito ay ang sumusunod:
- Ailke Boost Luster Superior Whitening
- Ailke Perfection Salvation Rosy Whitening A + B Set
- Angel Placenta Day & Night Cream
- Aneeza Gold Beauty Cream
- Goree Beauty Cream
- Meiyong (Seaweed) Super Whitening
- Glow Glowing 5 in 1 Beauty Skin
- Feique Herbal Extract Whitening Anti-Freckle Set
- Goree Day & Night Whitening Cream
- Collagen Plus Vit E Day & Night Cream
- Temulawak Day & Night Beauty Whitening Cream
- Erna Whitening Cream
- S’Zitang 7-Day Specific Whitening & Spot A B Set
- Jiaoli Miraculous Cream
- Jiaoli 7-Day Specific Eliminating Freckle AB Set
- S’Zitang 10-Day Whitening & Spot Day-Night Set
- Mifton
- JJJ Magic Spot Removing Cream
-
BG Ginseng & Ganoderma Lucidum Natural Essence
-
BG Sea Pearl & Papaya Natural Essence 6 Days Specific Eliminating Freckle Whitening Sun Block Cream
-
Golden Pearl Beauty Cream.
Kaya naman paalala ni Dizon at Dra. Belo para sa nagnanais magpaputi ay mag-ingat sa mga nabibiling skin whitening products. Bagamat mura ay hindi biro ang maaring idulot ng epekto nito sa ating mga balat at kabuuang kalusugan.
Source: Refinery 29, EcoWaste Coalition, Belo Medical Group, Global News Wire, Bandera Inquirer, Philstar
Photo: Freepik
Basahin: Baby’s skin allergies caused by mom’s fake whitening products