Ang mga magulang ngayon ay madalas mataas ang expectations sa sarili nila. Nagsa-struggle tayo upang magawa ang best natin, natatakot na hindi tayo nagtatagumpay bilang magulang. Lagi ka bang nangangamba kung isa kang mabuting magulang?
Minsan nacocompare natin ang sarili natin sa mga kaibigan, kamag-anak, o kahit na sa ibang mga magulang na sikat sa social media. Pero dapat nating tigilan ang pag-compare sa ibang magulang. Bagkus dapat nating pagtuunan ng pansin ang ating mga anak, kamusta ba sila physically, mentally, at emotionally bilang batayan kung tunay ngang nagiging mabuting magulang tayo.
Kung ikaw ay isang magulang na mapagmahal at mapagaruga, magiging natural ang mga mabuting magulang.
Ayon sa clinical psychologist na si Nadene van der Linden, mayroon daw signs na tunay ngang ginagawa mo ang best mo bilang magulang. Ito ang lima sa kanila.
1. Ipinapakita mo sa anak mo ang iba’t ibang klaseng emosyon
Ang mga bata’y maaaring maging sensitibo habang nadidiskubre pa lamang nila ang mga komplikadong emosyon. Maaaring mahirap sila sawayin o intindihin minsan, pero ang pag-express nila ng galit, kalungkutan, o takot ay isang magandang senyales.
Bakit? Ito ay dahil feeling nila ay safe sila mag-express ng mga emosyon na ito. Hindi sila takot na ma-judge o mapagsabihan. Sabi nga ng mga eksperto, mas dapat mag-alala ang parents kapag naglilihim ng tunay na nararamdaman nila ang kanilang anak. Dahil madalas ay senyales ito ng kawalan ng tiwala.
So kapag nag-open up ang anak mo, pakinggan mo sila. Ipakita mo na na-appreciate mo sila at hindi nila kailangang matakot mag-express ng nararamdaman nila. Iparamdam mo sa anak mo na maaari ka nilang pagkatiwalaan.
2. Kapag may problema sila, ikaw ang tinatawag nila
Nasa anumang edad ang bata, kapag humihingi ng advice at comfort mula sa’yo, ibig sabihin ay may matibay na bond kayo na pinapatibay ng trust. Binigyan mo ng safe space ang anak mo, kung saan nararamdaman nilang tanggap at mahal sila nina mommy at daddy.
Ito nga naman ang tinatawag na “homemaking,” dahil para sa anak mo, ang good parents ang “home” nila.
Patuloy mong i-encourage ang anak mo sa pamamagitan ng pakikinig, kahit na sa mga simpleng problema. Dahil kapag na-establish ang ganitong relationship, mas kampante na ang anak mong humingi ng tulong sa malaking problema.
3. Kapag binigyan mo sila ng feedback, hindi ito mapanghusga
Ang mabuting magulang ay umiiwas sa “labels” tulad ng pagsabi na “salbahe,” “pasaway” atbp. ang bata. Mahirap din kapag tinuruan mo ng stereotypes ang bata, tulad ng laruan o activity na pambabae o panlalaki lamang. Kung masyado mong punahin ang bata, maaaring ma-pressure sila na maging mga taong gusto ni mommy at daddy. Makakasama ang pagiging repressed at pressured sa bata, dahil dadating ang araw na sasabog na lamang silang bigla.
Kapag may ginawang hindi maganda ang bata, tulad ng pagtapon ng pagkain, huwag mong sabihin na “bad boy/girl” siya, bagkus ay mag-focus ka sa ginawa niya, “bad ang magtapon ng pagkain” pero hindi ibig sabihin nito ay bad na sila.
4. Binibigyan mo sila ng boundaries para maging ‘safe’ sila
Kasama pagiging mabuting magulang ay ang pagbigay ng mga limitasyon at boundaries para sa mga anak mo. Healthy lamang ito para lumaking masunurin ang iyong mga anak. Importante ang rules dahil kapag wala ito, maaaring lumaking “spoiled” at “entitled” ang mga bata. Maaari din silang hindi matuto maging assertive o hahayaan na lamang nilang apak-apakan na lamang sila ng mga tao.
Turuan sila na may limitasyon kung ano ang maaaring gawin sa kapwa at maaaring gawin ng kapwa sa kanila. Halimbawa, hindi na lang dapat basta-basta kumuha ng gamit ng kaklase nila at hindi rin puwedeng kunin ng classmate ang gamit nila.
Ang mga boundaries ay maaaring moral (huwag magnanakaw), tungkol sa etiquette (pag-iwas sa pagmumura), o routines (pagsesepilyo).
5. Umaamin at nag-aayos ka ng pagkakamali
Bilang magulang, walang perpekto sa atin. At wala namang masama na ipakita sa bata na paminsa’y nagkakamali o nagkukulang din si nanay at tatay. Oo, gusto natin ipakita na kaya natin lahat, kakayanin natin lahat para sa mahal nating mga anak, pero importante ding matutunan nila na sa buhay, hindi tayo laging tama. Importanteng matutunan nilang umamin at mag-ayos ng pagkakamali.
At ang best way na matututunan nila ito ay kapag mabuting ehemplo sina nanay at tatay.
Halimbawa, napasigaw ka o napamura, ang pag-amin na mali ito ay magandang leksyon sa bata na maging mapagpakumbaba. Kausapin ang iyong anak, aminin ang pagkakamali, at ipaalam sa kanila na gusto mong bumawi.
Ang pagiging mabuting magulang ay hindi lamang nakikita sa paghain ng masustansiyang pagkain o pagtulong sa kanilang makamit ang mataas na grado sa school. Importante din ang magkaroon ng healthy relationship sa kanila habang hinahanda sila para sa isang malapit at matibay na relasyon sa kanilang magulang habang sila’y lumalaki.
Kapag naging mabuting magulang ka, tinutulungan mo ang bata na maging handa sa lahat ng haharapin bilang teenager at adult.
Inedit at isinalin sa wikang Filipino mula sa orihinal na Ingles ni Bianchi Mendoza.
BASAHIN: Ano ang mga masamang epekto ng helicopter parenting?