Trahedya ang sinapit ng mag-asawa nang malunod ang mga ito sa bahagi ng Cabongaoan Beach na tinaguriang “death pool” sa Pangasinan.
Mag-asawa nalunod sa ‘death pool’ sa Pangasinan!
Nalunod ang mag-asawang Gonzalo Maglalang Jr., 47-anyos at Emelita, 48-anyos sa ‘death pool’ ng Cabongaoan Beach sa Pangasinan. Ang mag-asawang ito ay nakatira sa Antipolo City, Rizal.
Ayon sa mga awtoridad, nag-check in umano ang mag-asawa kasama ang kanilang 25-anyos na anak na si Eugene nitong June 22, Sabado sa isang resort sa Barangay Ilio-ilio, Burgos, Pangasinan.
Bandang alas-5 ng hapon nang bumisita ang mga ito sa tinatawag na ‘death pool’ sa Cabongaoan Beach. 400 metro ang layo mula sa tinutuluyang resort.
Habang naglalakad sa mabatong bahagi sa gilid ng death pool ay aksidenteng nadulas si Emelita at tinangay ng malakas na ragasa ng tubig.
Dahil sa bigla sa pangyayari ay agad na tumalon ang mister nito na si Gonzalo para sagipin sana ang kaniyang asawa. Kaya lamang ay masyadong malakas ang ragasa ng tubig kaya kapwa sila tinangay nito at nalunod.
Ayon pa sa kapulisan, ganap na alas-9 na ng gabi nang ma-recover ng mga rumespondeng mangingisda ang katawan ng mag-asawa.
Agad ding dinala sa Dasol Community Hospital ang mga ito kaya lamang ay idineklara na rin itong dead on arrival ng attending physician.
Ang ‘death pool’ sa Pangasinan ay hindi basta man-made swimming pool lamang. Isa itong natural circular tidal pool na napalilibutan ng coralline shores.
Kilala ang lugar na ito na dinarayo ng mga turista. Tuwing low tide ay maaring tumalon sa tidal pool at enjoyin ang alon nito.
Sa artikulo ng GMA Network Balitambayan, ayon umano sa programang Pinoy MD, ang tunay na tawag sa death pool ay “Depth Pool”. Umaabot daw kasi ng 20 talampakan ang lalim nito na tagos sa dagat.
Ito raw ang dahilan kung bakit tuwing malakas ang alon sa dagat ay nagkakaroon ng pagbulwak ng tubig sa loob mismo ng depth pool. Madalas itong mangyari tuwing umaga at kumakalma rin naman pagdating ng hapon.
Ayon umano sa tourism officer ng Burgos Pangasinan, mahalaga ang ibayong pag-iingat tuwing naliligo sa tidal pool na ito dahil posible talagang mahigop pailalim ang tao kapag malakas ang ragasa ng tubig.