#AskDok: Paano disiplinahin ang magkapatid na magkaiba ang ugali?

Masunurin ang panganay habang pasaway naman ang bunso? Alamin kung paano didisiplinahin nang tama kung magkaiba ang ugali ng magkapatid.

Paano nga ba disiplinahin kung magkaiba ang ugali ng magkapatid? Hindi ba gagana sa isa ang gumana sa isa? Dapat bang magkaroon ng ibang strategy sa bawat anak? Paano mo malalaman kung hindi gumagana sa pangalawa ang gumana sa unang anak?

Alamin kung saan nabibilang ang iyong anak

Ayon sa WebMD, mayroong tatlong klase ng paguugali ang mga bata. Alin sa mga ito ang naglalarawan sa iyong mga anak? Tandaan na kahit na sila ay magkakapatid, maaari parin silang mabilang sa magkakaibang kategorya.

  • Mahiyain – ang mga batang kabilang rito ay ang mga hindi masyadong kumakausap sa hindi nila kakilala o mga taong hindi nila palaging nakikita. Sa eskwelahan, sila ang mga kadalasang umoobserba ng paligid, mapagbigay, at hindi masyadong makulit.
  • Masiyahin – ang mga batang ito ay ang mga hindi masyadong mahiyain ngunit hindi rin naman hyper. Sila ay tinatawag rin na ‘easy’ dahil masasabi mong hindi ka gaanong mahihirapan sa pag papalaki sa kanila. Paminsan, ang mga batang nabibilang sa kategoryang ito ay may tendency na maging makulit ngunit madali naman ding silang pag sabihan.
  • Maligalig – kung ang iyong anak ay hindi mapirmi sa isang tabi, malamang, siya ay nabibilang dito. Sila ang mga kabataang kung saan saan sumusuot dala ng kanilang curiosity. Pero para sa mga magulang na may anak na nabibilang rito, kailangan ring maging maingat dahil sila ang mga lapitin ng mga galos o sugat.

Paano nga ba mama-manage ng isang magulang ang pagkakaiba sa ugali ng magkapatid o magkakapatid?

Ito ang ilan sa sinagot ng guest expert na si Dra. Mary Ann Marnie Prudencio. Siya ay isang neuro-developmental pediatrician sa center ng autism sa developmental medicine ng St. Luke’s Medical Center sa BGC at nagii-specialize ito sa speech o language delay at motor delay. Sa ginanap na media forum na isinagawa ng Tiger Biscuit, itinalakay nila ang kahalagahan ng kumpiyansa sa sarili.

Simpleng sagot ni Dra. Prudencio sa kung paano nga ba didisiplinahin kung magkaiba ang ugali ng magkapatid, “Ang importante is you don’t compare, once you compare then lalabas ang sibling rivalry.”

Paano disiplinahin kapag magkaiba ang ugali ng magkapatid?

Iba-iba ang approach sa bawat bata

Iba-iba nga di-umano ang pag-approach sa bawat bata lalo na kung magkaiba ang ugali ng magkapatid at dapat nga ay hindi mo sila kinukumpara sa bawat isa o sa kahit kanino mang bata.
Halimbawa nga ni Dra. Prudencio, “Once you compare for example, o, yung son kong matalino sige gawin mo itong project na ito para sa ‘kin maga-ano sila. Kung may gusto kang ipapagawa sa kaniya ipagawa mo lang sa kaniya siya yung matalino, mga ganyan, so don’t compare number 1.”
“And then the approach is talagang different for every child; there’s no cookie-cutter approach na eto lahat pareho dapat sunud-sunod, hindi e,” paliwanag niya.
“Sometimes there will be children who will be, who will test you and manipulate you,” dagdag pa ng doktora.

Posibleng epekto ito ng isang kondisyon

Pagpapatuloy niya, “Patience, so dapat medyo attuned ka rin, so kung ganito ang anak ko, anong approach ko, iba dun sa approach na madaling sumunod.”
“No. Kung approach ko ganito then probably you will have to make deals or you have to learn to see anong magwo-work sa kaniya,” aniya pa.
“For example, the discipline style sa kanya na sumusunod okay kapag pinagalitan tapos na ganyan. Eto siguro you have to make negotiations for him to follow ganyan,” isa pang halimbawa ng doktora.
“It’s different for every child, there’s no cookie-cutter approach e. Importante talaga yung no e, pero kung hirap ka, paghirap ka na you’ve tried your best and you’re at your wits end on how to handle your children seek professional help na,” bilin niya.
Paliwanag ni Dra. Prudencio, “Baka kasi may ibang kondisyon yun, it could be ADHD, it could be autism, could be oppositional disorder.”
“Face it head on and then you’re at a loss for how many years and they learn behaviors that are not healthy anymore, no sumisigaw, nagma-manipulate, so seek help,” payo niya.