Paraan ng pagdidisiplina sa anak ng kanilang mga magulang, isa mga dahilan umano kung bakit mas nagiging pasaway ang isang bata. Ito ay ayon sa isang psychologist na si Daniel Flint.
Paraan ng pagdidisiplina sa anak
Ayon kay Daniel Flint, isang psychologist na nagfofocus sa clinical child psychology, ang pangunahing tao na makakatulong para maisaayos ang behavior ng isang bata ay ang kaniyang mga magulang. Dahil isa umano sa mga dahilan kung bakit mas nagiging pasaway ang isang bata ay ang paraan ng pagdidisiplina sa anak na kanilang ginagawa.
Dagdag ni Flint, may tatlong paraan ng pagdidisiplina sa anak na marami sa ating mga magulang ang gumagawa na mas nakakapagpatigas pa pala ng ulo ng isang bata. Ang mga ito ay ang sumusunod:
1. Pagpapasok sa iyong anak sa loob ng kwarto.
Ito ang madalas na ginagawa nating parusa sa mga bata kapag sila ay may maling ginagawa. Pero ayon kay Flint, hindi nadidisiplina sa paraang ito ang isang bata. Sa halip ay nagiging oportunidad pa ito sa kaniya para gumawa ng mga bagay na maaring mas ikasakit pa ng ulo mo. Ito ay dahil hindi natin alam kung ano ang ginagawa nila sa loob ng kwarto sa oras ng time-out na ipinataw mo. Nagbibigay rin ito ng negatibong mensahe sa kanila na nagsasabing – “Kailangan niya munang malayo sayo, habang ikaw ay galit at hindi pa kalmado.” Napagsisimulan rin ito ng communication barrier sa pagitan ninyo na maaring makaapekto sa pagiging open o closeness ninyo habang siya ay lumalaki.
Payo ni Flint, kaysa laging papasukin ang iyong anak sa loob ng kwarto kapag siya ay may nagagawang mali mas mabuting papuntahin o paupuin siya sa ibang sulok ng iyong bahay. Maaring ito ay sa kusina o sa sala na kung saan makikita mo parin ang ginagawa niya. Huwag ding kalimutan na sa bawat parusang ipinapataw sa kaniya ay kailangan mong maipaliwanag kung bakit mo ito ginagawa. Kailangan mong ipaintindi sa kaniya ang pagkakamali na kaniyang ginawa at ang mangyayari kung uulitin niya pa ito.
2. Madalas na pagpansin sa mga mali nilang ginagawa kaysa sa mga tama.
Oo nga’t dapat na itama ang bawat pagkakamali ng isang bata. Ngunit hindi naman ito makakabuti sa kaniya kung lagi nalang ang mali ang iyong nakikita. At hindi mo pinapansin o pinupuri ang mga tamang nagawa niya.
Ayon kay Flint, ay dapat daw laging maging balanse ang mga magulang pagdating sa bagay na ito. Tulad nalang sa madalas na pagbibigay ng atensyon sa iyong nakakabatang anak habang lagi mong napupuna ang maling ginagawa ng anak mong nakakatanda. Hindi lang ito pagsisimulan ng ideya ng favoritism. Maari ring itong makasanayan at maging dahilan upang mas gumawa ng mali ang iyong anak para lang mapansin mo.
Para maiwasan ang epekto ng paraan ng pagdidisiplina sa anak na ito ay dapat purihin mo rin ang mga tamang gawi ng iyong anak. Ito ay para ilagay sa kaniyang isip na ang bawat tamang bagay na ginagawa niya ay nakakapagpasaya sayo at mas nagiging daan upang siya ay mas mahalin mo.
3. Pagbibigay ng sunod-sunod na utos sa iyong anak.
Tayong mga magulang gusto natin na lumaking may disiplina ang ating mga anak. Kaya napakahalaga para sa atin na siya ay makasunod sa bawat utos o paalala na ating binibigay. Ngunit ayon kay Flint, hindi daw dapat itong sumobra o magkasunod-sunod dahil maari niyang ito ikalito na magreresulta sa hindi niya pag-accomplished sa kaniyang task ng tama. Maari rin daw itong mauwi sa pagiging ulyanin ng isang bata.
Kaya naman sa pagbibigay ng order sa iyong anak ay gawin ito ng isa-isa. Tulad ng “Kunin mo ang iyong sapatos, saka bumalik ka dito para sa sunod mong task.” Mas madali niya itong matatandaan kaysa sa, “Kunin mo ang iyong sapatos. Tapos isuot mo saka mo kunin yung bag mo. Magpunta ka sa mesa kumain at magsipilyo.”
Tandaan din na sa bawat tamang task na kaniyang nagawa ay purihin siya. Upang siya ay ma-encourage na gumawa pa ng tama at iwasan na ang mga maling bagay o gawi na kaniyang ginagawa.
Ginagawa mo ba ang isa sa mga paraan ng pagdidisiplina sa anak na nabanggit? Oras na para ito ay baguhin upang lumaki ng tama at disiplinado ang iyong anak.
Source: Psychology Today
Basahin: 4 na bagay na dapat tandaan kapag kinakausap ang bata tungkol sa kaniyang pagkakamali
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!