Mahal pa ba ako ng asawa ko? Ito ba ang minsan ay naitatanong mo sa sarili mo? Kung oo, narito ang 11 palatandaan na makakasagot sa tanong mo ayon sa isang psychologist.
Mahal pa ba ako ng asawa ko?
Ayon sa psychologist na si Susan Krauss Whitbourne, action speaks louder than words. Ibig sabihin masusukat mo ang pagmamahal sayo ng asawa mo base sa mga bagay na ginagawa at ipinapakita niya sayo. Ito ay kaniyang napatunayan sa pamamagitan ng pagbuo ng 11 palatandaan na mahal ka talaga ng asawa mo ayon sa mga pag-aaral.
Mga palatandaan na mahal ka talaga ng asawa mo
1. Gusto niyang laging makasama ka.
Kung ang iyong asawa ay nais na magkaroon parin kayo ng oras na magkasama sa kabila ng kaniyang busy schedule, ito ay isang malinaw na palatandaan na mahal ka parin niya. Dahil ayon kay Whitbourne, ang pag-iinvest ng oras ng isang magkarelasyon sa isa’t-isa ay key indicator ng isang successful long-term intimacy. At ang isang taong talagang nagmamahal sayo ay gagamitin ang natitira niyang oras maging masaya lang sa piling mo.
Pero kung ang pagkakaroon ng oras sa isa’t-isa ay nagiging mahirap na sa inyo, ito ay hindi magandang palatandaan. Lalo na kung hindi kayo nagkakasundo sa kung paano ninyo gagamitin ang oras na ito. Ito ay ayon naman sa relationship therapist na si Aimee Hartstein.
2. Tinatanong niya kung kumusta ang araw mo.
Ayon parin kay Whitbourne, ang simpleng pagtatanong ng iyong asawa sa kung ano o paano ang naging araw mo ay isang palatandaan ng pagmamahal niya sayo. Ito ay dahil sa ganitong paraan ay ipinapakita niyang interesado siya sa bawat bagay na nangyayari sayo. At pinanatili niyang bukas ang komunikasyon sa pagitan ninyong dalawa.
3. Pinagkakatiwalaan ka niya.
Ang pagtitiwala ang isa sa pinaka-sensitive ngunit mahalagang aspeto ng isang masayang pagsasama. Kung wala ito ay napupuno ng alinlangan ang relasyon. Ayon kay Whitbourne, may mga simpleng bagay na ginagawa ang iyong asawa na nagpapakita ng tiwala niya sayo. Tulad ng hindi pagtatanong kung saan ka nanggaling kapag ginabi ka na ng uwi. At sa halip ay aasikasuhin ka pa at tatanungin kung ano ang kailangan mo.
4. Tinutulungan ka niya kung kinakailangan.
Maliban sa paglalaan ng oras na makasama ka sa kabila ng kaniyang busy schedule, ang paglalaan rin ng oras upang matulungan ka sa mga bagay na dapat mong gawin ay isang palatandaan ng pagmamahal ng asawa mo sayo. Tulad nalang sa mga gawaing bahay na kailangan mo ng tulong sa paggawa. O kaya naman sa mga errands o lakad na willing siyang gawin para sayo.
5. Nirerespeto niya ang mga paniniwala mo.
Bagamat bilang mag-asawa ay nagsumpaan kayo na magiging iisa, hindi naman ito nangangahulugan na kung anong gusto niya ay dapat gusto mo narin. Dahil ayon kay Whitbourne, kung talagang mahal ka ng asawa mo ay rerespetuhin niya ang paniniwala mo at hindi ka niya pipiliting baguhin ito. Tulad ng mga religious o political views mo o ang simpleng pagkahilig mo sa isang pagkain o activity.
6. Sinasama ka niya o tinatanong bago siya gumawa ng desisyon.
Ang pagtatanong sayo ng iyong asawa bago siya gumawa ng isang desisyon ay pagpapakita rin ng respeto at tiwala niya sayo. Dahil naniniwala siya na bilang kaniyang asawa ay mahalaga ang opinion mo sa bawat hakbang o yugto ng buhay niya.
7. Pinapakita niya sayo ang kaniyang pagmamahal.
Ayon kay Whitbourne, hindi naman kailangang laging nagtatalik ang mag-asawa para masabing mahal nila ang isa’t-isa. Dahil maari naman kayong maging emotionally intimate sa iba pang paraan. Gaya ng mga simpleng pag-akbay, pagsandal o pag-upo sayong tabi ay palatandaan na ng pagkakaroon ng koneksyon sayo ng iyong asawa. Dahil ang mga simpleng aksyon na ito ay nagpapahiwatig rin na komportable o panatag siya sa tabi mo.
8. Tumitingin o tumititig siya sayo.
Ang pagtingin sayo ng asawa mo sa tuwing kayo ay nag-uusap ay palatandaan rin na mahal ka parin niya. Dahil sa ganitong paraan ay sinasabi niyang mahalaga ang bawat sinasabi mo at nag-ienjoy siyang kaharap ka. Kahit ang mga simpleng tingin o pag-ngiti sa tuwing nakikita ka niya ay patunay rin na hanggang ngayon ay napapakilig mo parin ang puso niya.
9. Naaalala niya parin ang mga panahong nagsisimula palang kayo.
Kung may mga memories o experiences na naibabalik ang iyong asawa sa inyong usapan na minsan ay hindi mo na matandaan, isang palatandaan rin ito ng pagmamahal niya sayo. Dahil nagpapahiwatig ito na ang bawat oras ninyong magkasama ay pinapahalagahan at espesyal para sa kaniya. At ang pagmamahal niya sayo ay walang pinagbago mula noon hanggang ngayon.
10. Pinaglalaban ka niya at ang inyong relasyon.
Kahit kayo ay mag-asawa na ay mga tao paring susubuking buwagin ang inyong relasyon. May mga oras na makakarinig ka ng paninira sayo mula sa ibang tao o kaya naman magbibigay kritisismo sa relasyon ninyo. Pero ang mga ito hindi basta pakikinggan ng iyong asawa at sa halip ay ipigtatanggol ka pa sa iba. Dahil para sa kaniya, mas kilala ka niya kumpara sa kanila. At higit sa lahat pinagkakatiwalaan at nirerespeto ka niya.
11. Mas pinapalakas niya ang tiwala mo sa iyong sarili.
Ang isang taong tunay na nagmamahal sayo ay laging pananatilihing positibo ang outlook mo sa buhay. Laging palalakasin ang iyong loob at laging ipaparamdam sayo na ikaw ang pinakamagandang tao sa kaniyang mundo. Bagamat hindi maiiwasan na minsan ay magkaroon ng hindi pagkakaintindihan, ang taong mahal ka ng totoo ay hindi minsang hahamakin o mamaliitin ang iyong pagkatao. At sa halip ay tutulungan ka pang maging best version ng sarili mo.
Ang mga nabanggit na palatandaan ay konektado sa bawat isa. Sa oras na magpakita ng isa sa mga ito ang iyong asawa, mataas ang tiyansa na maipapakita niya ang iba pa. Pero pagdating sa inyong pagsasama, walang mas eksperto kung hindi kayo. Dahil kayo ang nasa loob ng relasyon at kayo ang nakakakilala sa ugali ng bawat isa.
Source:
Psychology Today
BASAHIN:
Help! Mas mahal ko na ata ang mga anak ko kaysa kay mister, okay lang ba ito?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!