12 rason kung bakit makati ang pwerta ng babae
Bakit ba minsan, nagkakaroon ng makati na pwerta? Ano ba ang sanhi nito, at ano ang puwedeng gawin ng mga babae tungkol dito?
Nakakaranas ng makati na pwerta? Normal lang ba ito?
Normal lang naman sa mga tao ang mangati paminsan-minsan. Posibleng dahil ito sa pantal, o mayroong bagay na nakairita sa balat. Ngunit paano kung mayroon kang makati na ari? Dapat ka bang mag-alala agad? Alamin rito ang mga posibleng sanhi at gamot sa makating ari, kasama na ang mabisang gamot sa pangangati ng pepe.
Ang ating ari o vagina ang isa sa mga pinakasensitibong bahagi ng ating katawan. Kaya naman kapag mayroon tayong nararamdaman na kakaiba sa parteng ito, nababalisa tayo at nahihirapang kumilos.
Ating alamin kung ano ang mga posibleng sanhi ng makati na ari ng babae, at ano ang puwedeng gawin upang maibsan ang pagkakaroon ng makati na ari. Magsimula tayo sa mga mabisang gamot sa pangangati ng pepe at narito ang 12 rason kung bakit makati ang pepe:
Talaan ng Nilalaman
Mga posibleng dahilan ng makati na pwerta: Bakit makati ang pwerta?
1. Epekto ng waxing, o pag-ahit
Napakasensitibo ng lugar sa paligid ng iyong ari. Kaya kung madalas kang mag-wax o mag-ahit nito, posibleng magkaroon ng irritation ang balat at magkaroon ka ng makati na pwerta.
Ang solusyon dito ay gumamit ng mga cream o lotion na mabisang gamot sa pangangati ng pepe para maprotektahan ang iyong balat pagkatapos mag-wax o mag-ahit. Puwede ring bawasan mo ang dalas ng pag-wax at pag-ahit, para hindi mairita ang iyong balat.
2. Mga beauty treatments
Sa panahon ngayon, hindi lang limitado sa mukha ang pagkakaroon ng mga beauty treatments. Pati na ang iba’t ibang bahagi ng katawan ay mayroong kani-kaniyang mga treatment o mabisang gamot sa pangangati ng pepe – kasama na rito ang vagina.
Mayroong vaginal steaming at kung anu-ano pang mga mask na inilalagay sa ari ng babae. Ngunit ayon kay Mary Jane Minkin, clinical professor of obstetrics, gynecology, and reproductive sciences sa Yale University, hindi raw ito kailangan.
Ang mga ganitong uri ng treatment ay nagiging sanhi lang ng irritation at makati at mahapding pwerta. Mas mabuting iwasan na lang.
3. UTI
Ang pagkakaroon din ng urinary tract infection o UTI ay isa rin sa mga sanhi ng makati ang pepe. Kadalasang nakukuha ang UTI kapag napasukan ng bacteria ang urinary tract, kabilang na ang urethra, kidneys, ureter, at bladder.
Ilan sa mga sintomas ng UTI ay madalas na pag-ihi, pangangati ng ari, mainit o masakit na pakiramdam kapag umiihi, o mabahong ihi.
Kapag mayroon kang UTI, mabuting pumunta sa doktor upang mabigyan ka ng tamang antibiotic na magiging lunas sa iyong karamdaman o mabisang gamot sa pangangati ng pepe.
4. Hormonal changes at perimenopause
Kapag dumarating ang iyong menstrual cycle, binabago ng mga hormones ang iyong katawan. Isang epekto nito ay ang pagkakaroon ng dry skin sa iyong ari.
Ang perimenopause, o panahon bago magsimula ang menopause ay isa ring sanhi ng pagkakaroon ng dry skin sa ari. Ito ay dahil sa pagbaba ng estrogen levels sa iyong katawan.
Kaya mabuting gumamit ng mga gentle at unscented na moisturizer upang hindi magkaroon ng dry skin at makaiwas sa makati na ari ng babae.
Bakit makati ang pwerta: Iba pang dahilan kung bakit makati at mahapdi ang pwerta
5. Lichen sclerosus: Butlig na makati sa ari ng babae
Ang lichen sclerosus ay isang uri ng sakit sa balat tulad ng eczema at psoriasis. Ito ay maputing rash na ubod ng kati, at madalas nakikita sa genital o anal na bahagi ng katawan.
Kapag sa tingin mo mayroon kang ganitong kondisyon, mabuting magpakonsulta sa doktor upang mabigyan ka ng wastong gamot para sa sakit na ito.
6. Pubic lice
Tulad ng kuto sa ulo, nagdudulot ng matinding kati ang pubic lice. Nanggagaling ang pangangati kapag kinakagat ng mga kuto ang iyong balat, at dahil rin sa mga itlog na nilalagay nila sa iyong balat. Nagiging sanhi ito ng irritation kaya nangangati ang mga mayroong pubic lice.
Ang solusyon sa pubic lice ay ang paggamit ng anti-lice na cream o lotion (tulad ng sa kuto) at ang tamang paglalaba at paglilinis ng iyong hinihigaan at ng mga underwear at damit pang-ibaba na sinusuot mo.
Subalit para makasiguro, mabuting kumonsulta sa iyong doktor para malaman kung ano ang pinakamabilis at epektibong gamot laban sa pubic lice.
7. STD
Hindi lahat ng sexually transmitted disease o STD ay mayroong sintomas na pangangati. Ngunit mayroong mga STD, tulad ng genital warts, na nagiging sanhi ng pangangati.
Ang mga genital warts ay epekto ng virus na HPV, at binabago nito ang pH level sa ari ng babae. Dahil sa pagbabagong ito, nagkakaroon ng dry skin at pangangati ang ari.
Bukod sa genital warts, ang iba pang STD na nagdudulot ng pangangati ay chlamydia, gonorrhea, genital herpes at trichomoniasis.
Kaya mahalaga na magpatingin sa doktor kapag nakakaranas ng matinding pangangati ng ari, para makasiguro na hindi ito sintomas ng mas seryosong sakit.
8. Yeast infection
Ang yeast infection ay nagmumula sa uri ng fungus na Candida. Ito ang pinakamadalas na dahilan ng makati na pwerta.
Ang mga sintomas nito ay ang pagkakaroon ng discharge na katulad ng cottage cheese, pamumula at pangangati ng ari.
Nakakairita man, madali namang gamutin ang yeast infection, at kailangan lang ng over the counter na antifungal cream. Kung matindi ang infection, mas mabuting magpakonsulta sa doktor upang makapagreseta sila ng mas malakas na gamot.
9. Contact dermatitis
Ang contact dermatitis ay nangyayari kapag mayroon kang sinubukan na bagong produkto sa iyong balat, at hindi hiyang ang balat mo dito. Nagiging epekto nito ang pagkatuyo ng balat at pangangati.
At siyempre, nangyayari rin ito sa balat sa ari ng babae. Kadalasan itong nangyayari kapag sumubok ka ng bagong napkin, feminine wash, shaving product, condom, o lubricant na hindi hiyang sa balat mo.
Mabuting umiwas sa mga produktong may mga dagdag na pabango o fragrance upang makaiwas sa contact dermatitis. Nakakatulong rin ang pagligo sa epsom salts, o ang paggamit ng cream na mayroong OTC hydrocortisone upang mawala ang pangangati.
10. Eczema o psoriasis: butlig na makati sa ari ng babae
Ang mga sakit sa balat ay posibleng sanhi rin ng pangangati sa iyong pwerta. Kasama na rito ang eczema at psoriasis.
Ang eczema ay sanhi ng allergy o problema sa autoimmune system. Ang sintomas ng eczema at psoriasis ay pamumula ng balat at pagkakaroon ng matinding pangangati.
Matagal ang gamutan sa mga ganitong sakit, at paminsan ay kailangan ng habangbuhay na pag-inom ng gamot o pag-gamit ng mga produktong banayad sa balat. Kailangan ring kumonsulta sa isang dermatologist upang malaman ang pinaka-angkop na paraan ng treatment.
11. Bacterial vaginosis
Kapag may pH imbalance ang vagina ng babae at masyadong maraming bacteria rito, nagkakaroon siya ng bacterial vaginosis. Karaniwan ang sakit na ito sa mga buntis.
Pero madalas ay hindi pangangati ang pangunahing sintomas ng bacterial vaginosis. Madalas ay magkakaroon ka muna ng discharge, mabahong amoy, at hindi komportableng pakiramdam sa iyong ari.
Nakakatulong ang pag-inom ng antibiotics at paggamit ng mga over-the-counter na gamot upang maibsan ang sintomas ng bacterial vaginosis.
12. Vulvar cancer
Sa mga bihirang kaso, ang makati na pwerta ay maaring sintomas ng cancer. Ang vulvar cancer ay seryosong karamdaman na nagsisimula sa vulva, ang labas na bahagi ng ari ng babae. Kabilang rito ang inner at outer lips ng vagina, ang clitoris at ang pwerta.
Bagamat hindi lahat ng kaso ng vulvar cancer ay nagpapakita ng mga sintomas, kung mayroon man, kasama rito ang abnormal bleeding, pananakit o pangangati ng ari.
Maari namang gamutin ang vulvar cancer kung maaagapan ito kapag nagsisimula pa lang. Kaya naman napaka-importante ng pagbisita sa iyong gynecologist taun-taon.
Bakit makati ang pwerta ng buntis?
Ang mga buntis ay madalas na nakakaranas ng vaginal itching sa ilang mga punto sa panahon ng pagbubuntis. Ito ay isang normal at karaniwang pangyayari.
Maraming bagay ang maaaring maging sanhi ng pangangati ng ari sa panahon ng pagbubuntis. Ang ilan ay maaaring resulta ng mga pagbabagong pinagdadaanan ng iyong katawan. Ang ibang mga dahilan ay maaaring hindi nauugnay sa iyong pagbubuntis.
Maliban sa mga sanhi ng makati na ari ng babae na nabanggit sa itaas, maaari ring sanhi ng makati ang pwerta ng buntis ang Cholestasis.
Cholestasis ng pagbubuntis
Ang kondisyon ng atay na ito ay maaaring mangyari sa bandang huli ng pagbubuntis. Kung bakit ito nangyayari ay hindi lubos na nauunawaan. Iniisip ng mga eksperto na ito ay konektado sa genetics at pregnancy hormones.
Nagdudulot ng matinding pangangati sa mga palad ng mga kamay at talampakan ang cholestasis. Ang pangangati ay maaaring magsimulang makaapekto sa buong katawan, kabilang ang lugar ng iyong ari.
Ang makati ang pwerta ng buntis ay kadalasang walang dapat ikabahala at kadalasang malulutas sa mga paggamot sa bahay. Gayunpaman, sa panahong ito ay maaaring makatuwiran na makipag-usap sa iyong doktor tungkol sa anumang nakakagambalang mga sintomas na iyong nararanasan.
Makati ang pwerta: Anong gamot?
Mahalagang magpatingin sa isang doktor para sa pangangati ng puwerta kung ang pangangati ay sapat na upang maantala ang iyong pang-araw-araw na buhay o pagtulog.
Bagama’t hindi malubha ang karamihan sa mga sanhi, makakatulong ang isang propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan na hanapin at gamutin ang ugat ng iyong makati na ari at mag-alok ng payo o reseta upanf makahanap ng gamot sa makati pwerta.
Dapat ka ring makipag-ugnayan sa iyong doktor kung ang iyong vaginal itching ay nagpapatuloy nang higit sa isang linggo o kung ang iyong pangangati ay sinamahan ng iba pang mga sintomas, tulad ng:
- mga butlig na makati sa ari ng babae
- sakit o lambot sa genital area
- pamumula o pamamaga ng ari
- problema sa pag-ihi
- isang hindi pangkaraniwang paglabas ng vaginal
- kakulangan sa ginhawa sa panahon ng pakikipagtalik
Ang makati na ari ng babae i ay hindi komportable ngunit karaniwang hindi seryoso. Kadalasan, ang isang makati na ari ay bumubuti nang mag-isa sa pamamagitan ng mga proper hygiene. Kung nag-aalala ka, huwag mag-atubiling kumonekta sa isang doktor para sa angkop na treatment.
Tamang pangangalaga ng ari: gamot sa makati pwerta
Kapag nakaranas na ng matinding pangangati ng ari, lalo na kung ito ay may kasamang ibang sintomas gaya ng kakaibang amoy at discharge (maliban sa clear white ang kulay), pananakit, hirap sa pag-ihi at pakiramdam na nakakabalisa at nakakasagabal sa iyong pamumuhay, kailangan mo nang kumonsulta sa iyong gynecologist.
Para maiwasan ang pagkakaroon ng makati na pwerta, kailangang ugaliin ang tamang pangangalaga at paglinis ng ating ari. Narito ang mga bagay na dapat nating tandaan:
- Gumamit ng maligamgam na tubig at banayad na sabon, feminine wash o cleanser kapag hinuhugasan ang iyong ari.
- Iwasang gumamit ng mga scented na sabon o lotion sa bahaging ito ng katawan.
- Iwasang gumamit ng mga vaginal spray at douche.
- Magpalit agad ng underwear matapos mag-swimming o mag-ehersisyo.
- Gumamit ng cotton underwear at iwasang magsuot ng masisikip na pang-ibaba.
- Ugaliing magpalit ng underwear araw-araw.
- Kumain ng mga pagkaing may live culture bacteria gaya ng yogurt para mabawasan ang posibilidad ng yeast infection.
- Kung makikipagtalik, gumamit ng proteksyon gaya ng condom
- Kapag dudumi, ugaliing magpahid mula sa harap, sa bahagi ng pwerta, papunta sa likod, sa bahagi ng pwet.
Tandaan, Mommies, huwag mahiyang kumonsulta sa iyong doktor kapag may napapansin kang kakaiba sa iyong ari o anumang bahagi ng iyong katawan.
Karagdagang ulat mula kay Margaux Dolores
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.