Normal sa mga babae na magkaroon ng regla. Nag-uumpisang magkaroon ng regla ang babae sa kaniyang puberty stage. Bago ang araw ng pagdating ng regla ay makararamdam ang isang babae ng iba’t ibang sintomas nito. Premenstrual syndrome (PMS) ang tawag sa sintomas ng pagkakaroon ng regla.
Bakit nireregla ang isang babae?
Kada buwan ang uterus ng isang babae ay kumakapal bilang paghahanda sa pagpi-fertilize ng egg na simula ng pagbubuntis. Kung sa fertilization o pagbubuntis ay hindi naganap ang namuong lining sa uterus ng babae ay kusa niyang ilalabas ito.
Ito ay lumalabas sa anyo ng dugo na dumadaan sa vagina. Ito ang tinatawag na regla o menstruation na buwan-buwang nararanasan ng kababaihan.
Paliwanag ng Planned Parenthood Organization, ang menstruation ay kontrolado ng hormones ng katawan. Ito ay nagaganap upang ihanda ang katawan ng babae sa pagbubuntis na siyang espesyal niyang papel dito sa mundo.
Nagsisimula ang menstruation o regla sa oras na tumapak na sa puberty o pagdadalaga ang isang babae. Ito ang mga edad na 12-15 anyos.
Sa oras na magsimula ang regla ay kaniya na itong mararanasan buwan-buwan. Maaari itong tumagal ng dalawa hanggang pitong araw. Subalit may iilan din na hindi nireregla kada buwan o ang tinatawag na may irregular monthly period.
Kapag paparating na ang regla ng isang babae ay maraming pagbabago siyang mapapansin at mararamdaman sa kaniyang katawan. Ang mga ito ay ang sumusunod na sintomas ng regla na palatandaan ng pagdating ng kaniyang buwanang dalaw.
Tinatawag rin itong premenstrual syndrome o PMS na madalas na nagsisimulang maranasan 3 o 4 araw bago reglahin ang isang babae.Ang PMS o premenstrual syndrome ay maaring pisikal o emosyonal. Ang mga sintomas nito ay ang mga sumusunod.
Woman photo created by freepik – www.freepik.com
Normal na cycle ng regla
Ang pagkakaroon ng regla at makaranas ng mga sintomas ng pagdating nito ay bahagi lamang ng kabuuan ng cycle ng iyong regla
Narito ang iba’t ibang phase ng menstrual cycle na normal na nararanasan ng mga kababaihan:
- Menstrual phase. Ito ang bahagi kung saan ay nakararanas ng PMS at pagreregla ang babae
- Follicular phase. Bahagi naman ito ng cycle kung saan ay lumilikha ang katawan ng small sacs na maaaring maging eggs.
- Ovulation phase. Sa phase na ito, ire-release na ng ovaries ang mature eggs patungo sa uterus.
- Luteal Phase. Ito ang phase kung saan ay ihahanda ng hormones ang uterine lining sa fertilized egg.
Matapos ang luteal phase at nanatiling unfertilized ang egg, baba ang hormone levels at mauulit ang cycle, kapag kumapal na ang uterine lining ay magshe-shed ito. Sa pag-shed ng uterine lining ay ilalabas ito ng katawan sa vagina bilang regla.
Sintomas ng regla
Narito ang mga sintomas ng pagdating ng regla na dapat mong malaman, ito ay ang mga sumusunod:
Ang pananakit ng puson o dysmenorrhea ay isa sa mga pangunahing palatandaan na malapit nang reglahin ang isang babae. Maaaring magsimula ito ilang araw bago reglahin at magpatuloy kahit habang nireregla na. Ang pananakit ay madalas maramdaman sa ibabang bahagi ng tiyan, ngunit maaari ring umabot sa balakang o itaas na bahagi ng hita.
Ayon sa Healthline, nararamdaman ang menstrual cramps dahil sa pag-contract ng uterus, na tumutulong maalis ang inner lining nito kapag walang pagbubuntis. Ito ay dulot ng hormone-like lipids na prostaglandins na nagre-regulate ng ovulation at menstruation.
Payo pa ng Planned Parenthood Organization, may maaaring gawin ang isang babae para maibsan ang menstrual cramps na kaniyang nararanasan. Ito ay ang sumusunod:
- Pag-inom ng over-the-counter pain medicine tulad ng ibuprofen, naproxen o
- Mag-exercise.
- Paglalagay ng heating pad sa tiyan o ibabang bahagi ng likod.
- Paliligo gamit ang maligamgam na tubig.
- Pag-oorgasm na maaaring gawin ng mag-isa o kasama ang iyong partner.
- Pagpapahinga.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Sora Shimazaki
Pero kung matapos ang regla ay nakakaramdam pa rin ng matinding pananakit sa puson ay mabuting magpakonsulta na sa doktor. Ito ay dahil maaaring dulot na ito ng isa sa mga sumusunod na kondisyon.
- Pelvic Inflammatory Disease o impeksyon sa reproductive organs.
- Endometriosis o ang kondisyon na kung saan ang lining ng uterus ay tumubo o lumaki sa labas nito.
- Adenomyosis o kapag ang tissue na nakalinya sa uterus ay tumubo sa muscle wall nito.
- Uterine fibroids o non-cancerous tumors na tumutubo sa loob, sa wall o sa labas ng uterus.
2. Acne breakouts.
Isa pang karaniwang sintomas ng regla ay ang pagkakaroon ng acne breakouts. Ito ay dulot ng bahagyang pagtaas ng testosterone hormones sa katawan tuwing nag-o-ovulate at kapag walang pagbubuntis. Ang acne breakouts ay maaaring lumitaw hindi lang sa mukha, kundi pati na rin sa likod at iba pang bahagi ng katawan.
Subalit may magagawa naman ang isang babae upang maiwasan ang acne breakouts. Ito ay ang sumusunod:
- Maayos na paghuhugas ng mukha para maalis ang mga excess oil, sweat at dirt.
- Pag-momoisturize ng balat.
- Pananatiling hydrated.
- Paglilimita sa paggamit ng make-up.
- Iwasan ang labis na sun exposure.
- Huwag hawakan ang mukha lalo na kung hindi siguradong malinis ang mga kamay.
3. Pananakit o pamamaga ng suso.
Ang pananakit o pamamaga ng suso ay sintomas ng regla na nararamdaman pagkatapos ng ovulation o bago magsimula ang menstruation. Dulot ito ng pagbabago sa hormone levels na nagpapamaga ng mammary glands, kaya tila lumalaki at naninigas ang suso.
Para maibsan ang pananakit ng suso ay narito ang ilan sa maaaring gawin ng isang babae:
- Paglalagay ng hot o cold compress sa nananakit na suso.
- Pagsusuot ng support bra lalo na sa tuwing nag-eehersisyo.
Woman photo created by cookie_studio – www.freepik.com
4. Fatigue o pagkapagod.
Sanhi ng pagbabago sa hormone levels ng katawan ay nakakaranas ng fatigue o labis na pagkapagod ang isang babae kapag papalapit na ang kaniyang regla. Makakaranas din siya ng mood changes at mahihirapang makatulog na dumadagdag pa sa kapagurang nararanasan niya.
5. Bloating o pagiging gassy.
Dulot pa rin ng hormonal changes, ang katawan ng isang babae ay nagre-retain ng mas maraming tubig sa tuwing nalalapit na siyang reglahin. Ito ang nagbibigay sa kaniya ng pakiramdam ng pagka-bloated o gassy feeling. Ito ay pakiramdam na tila mabigat o lumaki ang tiyan.
Para maibsan ang pakiramdam na ito ay dapat umiwas muna sa maaalat na pagkain ang isang babae. Makakatulong din ang pagkain ng prutas at gulay pati na ang pag-eehersisyo.
6. Bowel issues.
Ang uterine contractions na nararanasan ng isang babae sa tuwing nalalapit na ang kaniyang regla ay maaari ring magdulot ng contractions sa bowel o bituka niya.
Kaya naman ang resulta nito ay maaring mapadalas din ang pagpunta niya sa banyo. Siya rin ay maaaring makaranas ng diarrhea, nausea o constipation. Makakatulong ang pag-inom ng maraming tubig para maiwasan ang dehydration na maaaring idulot ng sintomas ng regla na ito.
7. Headache o pananakit ng ulo.
Kapag papalapit na ang regla ng isang babae ay mas prone rin siyang makaramdam ng sakit ng ulo o migraine. Dulot pa rin ito nang pagbabago sa hormone levels ng kaniyang katawan. Para maibsan ito ay makakatulong ang mga sumusunod na paraan:
- Pagpapahinga sa tahimik na lugar.
- Pag-apply ng hot o cold compress sa noo o batok.
- Pananatiling hydrated.
- Pagmamasahe sa sentido.
- Pag-amoy sa mga relaxing oils tulad ng lavender.
- Pag-iexercise.
Hand photo created by jcomp – www.freepik.com
Isa paring epekto ng hormonal changes sa isang babae na nalalapit na ang menstruation ay ang pagiging moody. Sa ibang babae ay maaaring mas maging malala ito.
Sila ay maaring makaranas din ng depression, irritability at anxiety. Para maibsan ito ay makakatulong ang pagme-meditate o kaya naman ay pagsasagawa ng yoga.
9. Lower back pain.
Dahil sa uterine at abdominal contractions maaari ring makaramdam ng pananakit ng likod ang babaeng malapit ng reglahin. Para maibsan ito makakatulong ang mga sumusunod na paraan:
- Pag-istretching.
- Paggalaw-galaw ng katawan.
- Paglalagay ng hot o cold compress sa likod.
- Paggamit ng mga haplas o rubbing creams.
10. Hirap sa pagtulog.
Sanhi ng mga nararamdamang sintomas ng regla ang isang babae ay maaaring makaranas ng hirap sa pagtulog. Dagdag pa ang bahagyang pagtaas ng kaniyang core body temperature na dulot parin ng hormonal changes sa kaniyang katawan.
May ilang paraang maaaring gawin na makakatulong para makakuha ng maayos na tulog ang isang babaeng papalapit na ang regla. Ito ay ang sumusunod:
- Bawasan ang blue light exposure sa gabi.
- Bawasan ang caffeine intake.
- Maligo sa maligamgam na tubig bago mahiga sa kama.
Iba pang sintomas ng pagdating ng regla
Bukod sa mga naunang binanggit na sintomas ng regla, mayroon pang ibang maaaring maranasan ang babae bago ang araw ng regla.
Ilan sa mga pisikal at emosyonal na sintomas na nalalapit na ang araw ng pagkakaroon ng regla:
- Tuyo, sticky o kaya wala talagang vaginal discharge na lumalabas sa ari
- Pagbabago sa ganang kumain
- Pagkakaroon ng food cravings
- Pagiging sensitibo sa liwanag at ingay
- Nababawasan ang sex drive o gana sa pakikipagtalik
- Hirap sa pagko-concentrate
- Pagiging iritable
- Fatigue, anxiety, at labis na kalungkutan
Lahat ng babae ay maaaring magkaroon ng PMS pero ang severity nito ay nagbabago nang babae sa babae.
Mga hindi normal na sintomas ng pagdating ng regla
Larawan mula sa Pexels kuha ni Karolina Grabowska
Ang mga nabanggit sa itaas na senyales ng PMS ay normal na nararanasan ng mga babae at hindi dapat na ikabahala. Lalo na kung hindi naman ito nagdudulot ng pagkaantala ng mga gawain sa pang araw-araw na buhay.
Sa kabilang banda, mayroon din namang mga sintomas ng pagkakaroon ng regla na maituturing na hindi normal at kailangan ng intervention ng doktor.
Makabubuting kumonsulta sa doktor kung nakararanas ng mga sumusunod na sintomas kapag malapit nang magkaregla:
- Matinding mood swings na nauuwi sa panic attacks at pagkakaroon ng suicidal thoughts
- Severe na pagsakit ng puson at fatigue na nakaapekto sa trabaho, school, o iba pang social plans.
- Malalang pananakit ng ulo o severe migraine
Tinatawag na premenstrual dysphoric disorder (PMDD) ang abnormal na sintomas ng pagkakaroon ng regla. Mahalagang magpatingin sa doktor kung nakararanas ng mga nabanggit na pakiramdam.
May PMS pero hindi niregla
Samantala, mayroon ding iba na nakararanas ng mga sintomas ng regla pero hindi dumarating ang kanilang period sa araw na inaasahan nila ito. Bakit nga ba nangyayari ito?
Narito ang ilan sa mga posibleng dahilan kung bakit nakararanas ng PMS-like symptoms pero hindi dinatnan ng regla:
Stress
Maaaring ang nararamdaman ay psychological stress. Ang matinding stress ay maaari ding magdulot ng pakiramdam na anxious, overwhelmed o pagiging emosyonal. Puwede rin itong maging sanhi ng pagsakit ng katawan, labis na pagkapagod, kawalan ng ganang makipagtalik at pagbabago sa digestion.
Irregular period
Kapag irregular ang menstrual period ng isang babae, karaniwang hindi dumarating ang regla sa araw na inaaasahan. Nagbabago-bago kasi ang length o haba ng cycle sa bawat buwan ng babaeng may irregular period.
Normal ang irregular period sa mga perimenopause o kaya sa mga babaeng nasa puberty stage pa lamang. Subalit kung wala ka sa nabanggit na stage, mahalagang magpakonsulta sa doktor kung nakararanas ng irregular period. Maaari kasing sintomas pala ito ng underlying issue.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Cotton Bro
Paggamit ng hormonal birth control
Ang paggami ng pills, pati na rin ang patches, implants, at intrauterine devices na pumipigil para mabuntis ang babae ay nakaapekto sa hormones. Ilan sa mga side effects ng mga hormonal contraceptives ay katulad din ng sintomas ng PMS.
Pagbubuntis
Maaari ding makaranas ng PMS-like symptoms sa mga unang araw ng pagbubuntis. Kung ikaw ay nakipagtalik at hindi gumamit ng contraceptive, posibleng pagbubuntis ang dahilan ng mala-PMS na sintomas na nararanasan. Makabubuting mag-take ng pregnancy test o magpatingin sa doktor para matiyak kung buntis ka ba o hindi.
Bukod pa sa mga nabanggit na rason, puwede ring maging dahilan ng pagkaantala ng regla kahit nakaramdam ng PMS ang pagkakaroon ng medikal na kondisyon tulad ng thyroid disease, polycystic ovary syndrome (PCOS), at ilang nutritional deficiencies. Kaya naman mahalagang magpatingin sa doktor kung hindi tiyak sa sanhi ng hindi pagdating ng regla sa araw na inaasahan.
Karagdagang impormasyon mula kay Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!