Mababasa sa artikulong ito:
- Bakit nireregla ang isang babae?
- Sintomas ng regla
- Mga paraan para maibsan ang discomfort na dulot ng sintomas ng regla.
Bakit nireregla ang isang babae?
Kada buwan ang uterus ng isang babae ay kumakapal bilang paghahanda sa pagpi-fertilize ng egg na simula ng pagbubuntis. Kung ang fertilization o pagbubuntis ay hindi naganap ang namuong lining sa uterus ng babae ay kusa niyang ilalabas.
Ito ay lumalabas sa anyo ng dugo na dumadaan sa vagina. Ito ang tinatawag na regla o menstruation na buwan-buwan niyang mararanasan.
Paliwanag ng Planned Parenthood Organization, ang menstruation ay kontrolado ng hormones ng katawan. Ito ay nagaganap upang ihanda ang katawan ng babae sa pagbubuntis na siyang espesyal niyang papel dito sa mundo.
Nagsisimula ang menstruation o regla sa oras na tumapak na sa puberty o pagdadalaga ang isang babae. Ito ang mga edad na 12-15 anyos.
Sa oras na magsimula ang regla ay kaniya na itong mararanasan buwan-buwan na maaaring tumagal ng dalawa hanggang pitong araw. Bagamat may iilan ang hindi nireregla kada buwan o tinatawag na may irregular monthly period.
Kapag paparating na ang regla ng isang babae ay maraming pagbabago siyang mapapansin at mararamdaman sa kaniyang katawan. Ang mga ito ay ang sumusunod na sintomas ng regla na palatandaan na dadarating na ang kaniyang buwanang dalaw.
Tinatawag rin itong premenstrual syndrome o PMS na madalas na nagsisimulang maranasan 3 o 4 araw bago reglahin ang isang babae.Ang PMS o premenstrual syndrome ay maaring pisikal o emosyonal. Ang mga sintomas nito ay ang mga sumusunod.

Woman photo created by freepik - www.freepik.com
Sintomas ng regla
1. Menstrual cramps o pananakit ng puson.
Isa sa pangunahing palatandaan na malapit ng reglahin ang isang babae ay ang pananakit ng puson o dysmenorrhea. Ito ay maaaring magsimula ilang araw bago reglahin ang babae na nagpapatuloy kahit siya ay nireregla na.
Ang pananakit ay madalas na mararamdaman sa ibabang bahagi ng tiyan. Pero maaari rin itong maramdaman hanggang sa balakang o sa itaas na bahagi ng hita.
Ayon sa Healthline, ang menstrual cramps ay nararamdaman ng isang babae dahil sa nagko-contract ang kaniyang uterus. Ang contractions na ito ang nakakatulong na maalis ang inner lining ng uterus na nagaganap sa tuwing walang pagdadalang-tao. Ito ay dulot ng hormone-like lipids na kung tawagin ay prostaglandins na nagre-regulate ng ovulation at menstruation.
Payo pa ng Planned Parenthood Organization, may maaaring gawing ang isang babae para maibsan ang menstrual cramps na kaniyang nararanasan. Ito ay ang sumusunod:
- Pag-inom ng over-the-counter pain medicine tulad ng ibuprofen, naproxen o
- Mag-exercise.
- Paglalagay ng heating pad sa tiyan o ibabang bahagi ng likod.
- Paliligo gamit ang maligamgam na tubig.
- Pag-oorgasm na maaaring gawin ng mag-isa o kasama ang iyong partner.
- Pagpapahinga.
Pero kung matapos ang regla ay nakakaramdam pa rin ng matinding pananakit sa puson ay mabuting magpakonsulta na sa doktor. Ito ay dahil maaaring dulot na ito ng isa sa mga sumusunod na kondisyon.
- Pelvic Inflammatory Disease o impeksyon sa reproductive organs.
- Endometriosis o ang kondisyon na kung saan ang lining ng uterus ay tumubo o lumaki sa labas nito.
- Adenomyosis o kapag ang tissue na nakalinya sa uterus ay tumubo sa muscle wall nito.
- Uterine fibroids o non-cancerous tumors na tumutubo sa loob, sa wall o sa labas ng uterus.
2. Acne breakouts.
Isa pang madalas na sintomas ng regla ay ang pagkakaroon ng acne breakouts ng isang babae. Ito ay dulot ng bahagyang pagtaas ng hormones na testosterone sa kaniyang katawan sa tuwing siya ay nag-o-ovulate at sa tuwing hindi nagaganap ang pagbubuntis.
Ang acne breakouts na ito ay hindi lang basta makikita sa kaniyang mukha. Kung hindi pati na rin sa iba pang bahagi ng kaniyang katawan tulad ng kaniyang likod.
Subalit may magagawa naman ang isang babae upang maiwasan ang acne breakouts. Ito ay ang sumusunod:
- Maayos na paghuhugas ng mukha para maalis ang mga excess oil, sweat at dirt.
- Pag-momoisturize ng balat.
- Pananatiling hydrated.
- Paglilimita sa paggamit ng make-up.
- Iwasan ang labis na sun exposure.
- Huwag hawakan ang mukha lalo na kung hindi siguradong malinis ang mga kamay.
3. Pananakit o pamamaga ng suso.
Ang pananakit o pamamaga ng suso ay nararamdaman naman matapos ang ovulation o hanggang sa bago magsimula ang menstruation.
Dulot pa rin ito ng pagbabago sa levels ng hormones sa katawan ng isang babae na nakakapagpamaga ng kaniyang mammary glands. Ang resulta nito ay tila lumalaki at naninigas ang suso.
Para maibsan ang pananakit ng suso ay narito ang ilan sa maaring gawin ng isang babae:
- Paglalagay ng hot o cold compress sa nananakit na suso.
- Pagsusuot ng support bra lalo na sa tuwing nag-eehersisyo.

Woman photo created by cookie_studio - www.freepik.com
BASAHIN:
Ano ang spotting at ano ang kaibahan nito sa buwanang dalaw o regla?
Matagal na regla? 10 posibleng dahilan nito
12 sanhi ng masakit na puson kahit wala namang regla
4. Fatigue o pagkapagod.
Sanhi nang pagbabago sa hormone levels ng katawan ay nakakaranas ng fatigue o labis na pagkapagod ang isang babae kapag papalapit na ang kaniyang regla. Makakaranas din siya ng mood changes at mahihirapang makatulog na dumadagdag pa sa kapagurang nararanasan niya.
5. Bloating o pagiging gassy.
Dulot pa rin ng hormonal changes, ang katawan ng isang babae ay nagre-retain ng mas maraming tubig sa tuwing nalalapit na siyang reglahin. Ito ang nagbibigay sa kaniya ng pakiramdam ng pagka-bloated o gassy feeling. Ito ay pakiramdam na tila mabigat o lumaki ang tiyan.
Para maibsan ang pakiramdam na ito ay dapat umiwas muna sa maaalat na pagkain ang isang babae. Makakatulong din ang pagkain ng prutas at gulay pati na ang pag-eehersisyo.
6. Bowel issues.
Ang uterine contractions na nararanasan ng isang babae sa tuwing nalalapit na ang kaniyang regla ay maaari ring magdulot ng contractions sa bowel o bituka niya.
Kaya naman ang resulta nito ay maaring mapadalas din ang pagpunta niya sa banyo. Siya rin ay maaaring makaranas ng diarrhea, nausea o constipation. Makakatulong ang pag-inom ng maraming tubig para maiwasan ang dehydration na maaaring idulot ng sintomas ng regla na ito.
7. Headache o pananakit ng ulo.
Kapag papalapit na ang regla ng isang babae ay mas prone rin siyang makaramdam ng sakit ng ulo o migraine. Dulot pa rin ito nang pagbabago sa hormone levels ng kaniyang katawan. Para maibsan ito ay makakatulong ang mga sumusunod na paraan:
- Pagpapahinga sa tahimik na lugar.
- Pag-apply ng hot o cold compress sa noo o batok.
- Pananatiling hydrated.
- Pagmamasahe sa sentido.
- Pag-amoy sa mga relaxing oils tulad ng lavender.
- Pag-iexercise.
Hand photo created by jcomp - www.freepik.com
8. Mood swings.
Isa paring epekto ng hormonal changes sa isang babae na nalalapit na ang menstruation ay ang pagiging moody. Sa ibang babae ay maaaring mas maging malala ito.
Sila ay maaring makaranas din ng depression, irritability at anxiety. Para maibsan ito ay makakatulong ang pagme-meditate o kaya naman ay pagsasagawa ng yoga.
9. Lower back pain.
Dahil sa uterine at abdominal contractions maaari ring makaramdam ng pananakit ng likod ang babaeng malapit ng reglahin. Para maibsan ito makakatulong ang mga sumusunod na paraan:
- Pag-istretching.
- Paggalaw-galaw ng katawan.
- Paglalagay ng hot o cold compress sa likod.
- Paggamit ng mga haplas o rubbing creams.
10. Hirap sa pagtulog.
Sanhi ng mga nararamdamang sintomas ng regla ang isang babae ay maaaring makaranas ng hirap sa pagtulog. Dagdag pa ang bahagyang pagtaas ng kaniyang core body temperature na dulot parin ng hormonal changes sa kaniyang katawan.
May ilang paraang maaaring gawin na makakatulong para makakuha ng maayos na tulog ang isang babaeng papalapit na ang regla. Ito ay ang sumusunod:
- Bawasan ang blue light exposure sa gabi.
- Bawasan ang caffeine intake.
- Maligo sa maligamgam na tubig bago mahiga sa kama.
Source:
Healthline, WebMD, Planned Parenthood Org, Mayo Clinic
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!