Hanggat hindi pa natututo ang bata na gumamit ng potty o toilet, tuloy-tuloy ang paggamit ng diapers ng bata. Ayon sa WebMD, simula ng pagkapanganak hanggang mag-isang taon ang bata, gagamit ng total na 2,300 diapers! Hindi malayong mangyari ito bilang ang newborn ay gumagamit ng pito hanggang sampung diapers sa isang araw. Sa halagang P7 bawat isa, aabot ng halos P2,000 ang gastos sa isang buwan. Hindi ito magaan sa bulsa. Tanong ng mga wais na misis: paano nga ba makatipid sa diapers?
Gaano kadalas magpalit ng diapers?
Ilan nga bang diapers ang nagagamit ng baby sa isang araw? Narito ang estimated average na bilang ng diapers na nagagamit ni baby:
|
Month |
Average bilang ng diapers kada araw |
Estimated bilang ng diapers sa isang buwan |
0-3 |
7-10 |
255 |
3-6 |
6-8 |
210 |
6-12 |
5-8 |
195 |
12-18 |
4-8 |
180 |
*Ang mga average na ito ay estimate lamang. Nakadepende sa klase ng diaper at dalas nitong mapuno ang akmang bilang ng puwedeng magamit sa isang araw.
Tipid Tips: Paano makatipid sa diapers?
Basahin ang mga tipid tips ng mga TheAsianParent mommies upang makatipid sa diapers:
1. Alamin kung anong brand ng diaper hiyang ang anak mo
Kadalasan bumibili tayo ng isa pack ng diapers tapos biglang malalaman na lang natin na hindi pala hiyang kay baby ang brand na ito. Kapag hindi hiyang sa brand ng diapers, madaling magka-rashes ang bata. Nasasayang lamang ang isang pack dahil hindi ito nauubos.
Kung susubok ng bagong brand ng diapers, mas maige na kumuha muna ng trial pack o pack na kakaunti muna ang laman. Sa ganitong paraan, masusubukan muna kay baby at malalaman kung hiyang nga ba siya rito.
2. Bumili ng maramihan kaysa tingi
Kapag nalaman mo na ang mga brand na hiyang ang anak mo, mas mainam na bumili ng maramihan kaysa pa-isa-isa. Kadalasan mayroong mga promo ang mga grocery at department store na nagbibigay ng diskwento kapag bumili ka ng dalawa o mahigit.
Tandaan: alamin mabuti kung ilan ang nagagamit na diapers ni baby sa isang araw. I-estimate kung ilan ang kailangan niya bago siya magpalit ng size. Kung nasa gitna siya ng dalawang sizes, piliin na bumili ng mas marami ng mas malaking size dahil mas matagal niya itong magagamit.
Larawan kuha ni William Fortunato mula sa Pexels
3. Alamin kung magkano pumapatak ang bawat piraso
Imbis na ikumpara ang presyo ng buong pack ng dalawang magkaibang brands, tignan mabuti kung magkano pumapatak ang bawat piraso. Narito ang halimbawa ng pag-compute:
|
Brand |
Presyo ng isang pack |
#Piraso sa bawat isang pack |
Presyo bawat piraso |
A |
229.75 |
34 |
6.7 |
B |
426 |
72 |
5.9 |
Makikita sa halimbawa na kahit mas mahal ang Brand B, mas makakatipid sa diapers pa rin kung bibilihin ito dahil lumalabas na mas mura ang bawat piraso nito kumpara sa Brand A.
4. Kapag mas mura, mas tipid?
Hindi ibig sabihin na kapag mas mura ang bawat piraso, mas makakatipid sa diapers. Kailangan suriin mabuti ang kalidad ng diaper dahil kung hindi rin lang ito absorbent, mas mapapamahal ka din. Kung mababa ang kalidad ng diaper, parati ka lang palit nang palit.
Imbis na, halimbawa, limang diaper lang dapat ang magagamit mo sa isang araw, maaaring madoble ito kung mababa ang kalidad ng diaper na ginamit mo. Bukod pa ito sa dagdag gastos ng wipes na kailangan mong gamitin tuwing magpapalit ka.
5. Mag-mix and match
Madalas na mas marami tayong nagagamit na diapers kapag araw (kung kailan gising si baby) kaysa sa gabi (pag tulog na ang bata). Isang tip ni Mommy Dazzle ay ang pag mix and match ng diapers. Gumagamit daw siya ng mas murang diaper sa araw dahil maya’t maya ang pag-palit tuwing napupuno ng ihi o di kaya may poop. Gumagamit naman siya ng mas mahal at mas absorbent na diaper sa gabi para hindi na kailangan palitan si baby hanggang mag-umaga.
Larawan kuha ni Karolina Grabowska mula sa Pexels
6. Abangan ang mga sale
Ayon kay Mommy Rosanna, parati siyang naka-antabay sa mga sale at discounts. Kadalasan daw makakahanap ng mga diskwento sa mga baby fairs, warehouse sales, at weekend sales.
Mayroon ding mga promo sa mga official stores ng mga diapers sa mga websites katulad ng Lazada at Shopee. Pagdating sa online shopping, siguraduhin na bumili lamang sa mga verified sellers.
7. I-potty train ang bata
Suggestion naman nina Mommy Roshni at Mommy Yddette, i-potty train na agad si baby kung handa na siya! Lubos na makakatipid sa diapers kung sisimulan na ang paghinto sa paggamit dito. Basahin dito ang mga paraan kung paano magsisimula sa potty training.
8. Gumamit ng cloth diapers
Hindi maikakaila na mas praktikal gumamit ng disposable diapers kaysa lampin o cloth diapers, mas lalo na kung wala kang panahon maglaba. Ngunit alam mo ba na halos P36,500 ang matitipid mo sa isang taon kung gumamit ka ng cloth diapers o lampin?
Maaari rin naman na gumamit ng cloth diapers o lampin sa araw at disposable diapers sa gabi at tuwing lalabas ng bahay—kagaya ng ginawa ng mommy na ito.
May alam kabang #TipidTips para makatipid sa diapers? Mag-comment sa ibaba at i-share sa kapwa nating TAP mommies!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!