Habang sanggol pa ang bata, parating hinihiling ng mga magulang na sana makapaglakad na ito. Ngunit kapag nagsimula na itong maglakad, dito na rin ito nagsisimulang maging malikot na bata. Malingat ka lang, kung saan-saan na ito sumusuot, umaakyat, at tumatakbo. Kaya naman importanteng hindi sila lulubayan ng tingin kahit ilang minuto lang.
Ito ang naging leksyon para sa magulang ng isang 22-buwang gulang na bata na nawala… sa gubat!
Batang Babae Nawala sa Kagubatan ng Apat na Araw
Ang 22-buwang Chinese na batang may palayaw na Xiaojiao, ay nakikipaglaro sa kaniyang 4 at 6 na taong gulang na mga kapatid malapit sa nayon ng Shuikou. Ibinilin siya ng kaniyang ama sa mga kamag-anak na bantayan siya. Ngunit dahil hindi nabantayang mabuti ang malikot na bata, hindi namalayan na naglibot na pala ito nang mag-isa.
Sinubukan siyang hanapin ng kaniyang mga kaanak nang mawala ito sa lugar kung saan siya huling nakita. Inalerto na lamang ng ama ang pulisya kinabukasan ng hapon.
Nadismaya ang kapulisan dahil hindi agad ni-report ng ama ang pangyayari. Sa panayam kay Huang Jianfeng, direktor ng lokal na pulis, sinabi nito na na-miss na nila ang 24 oras mula nang mawala ang bata. Iyon daw sana ang pinakamabisang panahon upang mahanap ang mga batang nawawala.
“Pinahirap nito ang paghahanap at pinataas pa ang posibilidad ng aksidente,” dagdag pa niya.
Bilang tugon sa ulat, 700 na tao (pulis at mga lokal) na sinamahan pa ng mga drones at mga rescue dogs, ang nagtulong-tulong para mahanap ang batang babae.
Sinubukan ng mga tao na hanapin ang bata sa mga fish ponds, ilog, at masusing ginalugad ang masukal na kagubatan at ang malaking burol. Tinignan din ng mga imbestigador ang mga rekordings ng mga sasakyang pangpatrol at nagtanong sa mga taong nagmamaneho ng mga kwestiyonableng mga sasakyan sa rehiyon.
Ngunit ang kanilang mga pagsisikap sa paghahanap, na madalas umaabot hanggang sa paglubog ng araw, ay walang positibong resulta.
Maulan na Panahon, Pagkabalisa at Isang Himala
Bukod sa murang edad ng bata, ang isa pang inaalala ng mga rescuers ay ang mga pag-ulan. Dahil dito, maaaring tumaas ang chance na maaksidente ang bata dahil may mga parte ng kagubatan na madulas. Maaari rin na mayroong mga pagbaha na puwedeng ikalunod ng bata.
Habang tumatagal, nagiging malagim ang tyansa na mahanap pa ang bata. Ngunit sa ika-apat na araw nang paghahanap, tila isang himala ang nangyari: natagpuan si Xiaojiao!
Umaga ng pang-apat na araw nang makarinig ang isang sa mga volunteers nang alingasngas mula sa damuhan malapit sa isang matarik na parte ng gubat. Agad na nagbigay tawag pansin ang tao at dito tinuon ng mga pulis ang paghahanap sa bata.
Nahanap si Xiaojiao nang puno ng gasgas at kagat ng insekto. Dali-dali siyang isinugod sa ospital upang matignan kung mayroon siyang dehydration o iba pang karamdaman.
Dahil sa tagal niyang nawala at sa pinagdaanan niya sa gubat, hindi maikakaila ng mga awtoridad na himala talaga na nahanap pa siya ng buhay.
“Sadyang malikot na bata ang anak ko. Ano ang puwede kong gawin?”
Mabuti at hindi napahamak si Xiaojiao sa nangyari sa kaniya. Ngunit hindi natin puwedeng iasa lamang sa swerte ang kapakanan ng mga bata dahil wala pa silang muwang at maraming panganib samundong kanilang ginagalawan. Heto ang ilang paraan upang masiguro ang kaligtasan ng iyong anak tuwing lalabas ng bahay:
Mga mungkahi
- Palaging bantayan ang iyong anak. Huwag silang iwan nang walang bantay. Maaari silang mawala o makatagpo ng mga di kanais-nais na mga tao.
- Huwag lumabas nang nag-iisa kapag kasama ang anak. Magsama ng isa pang maasahang adult para bantayan ang maliit mong anak. Kung sila ay may nakatatandang kapatid, sabihan ang mga ito na bantayang mabuti ang nakababatang kapatid.
- Gumamit ng child leash, kung kailangan. Tandaan:
- Ang child leash ay dapat gamitin bilang guide. Huwag silang hilahin na parang mga aso. Ang child leash ay ginagamit para hindi maglibot palayo nang mag-isa ang bata.
- Palakihin sila ng may disiplina upang masanay sila na magpaalam parati kung saan sila pupunta at hindi lalayo kung nasaan ka. Huwag tuluyang dumipende sa isang child leash para mapanatili siyang ligtas.
- Gamitin lang ang child leash kapag pumayag ang bata. Kung ikaw ay nag-aalala na baka siya ay mawala, siguraduhing alam niya kung paano gumawi sa ligtas at tama.
Iba pang paraan
- Maglagay ng baby-proof na mga gamit tulad ng door knobs o outdoor fencing sa palibot ng bahay. Gumamit ng mga baby-proof na kasangkapan upang hindi maglibot ang iyong maliit na anak sa labas ng bakod.
- Turuan ang iyong maliiit na anak na huwag umalis sa tabi mo. Lalo na kapag marunong na silang sumunod sa panuntunan. Palaging hawakan ang kanilang kamay at paalalahanan sila tungkol sa mga rules na ito araw-araw. Masasanay sila at bandang huli, sila na ang magpapaalala sa iyo nito.
- Magalaga ng aso at maglaro ng taguan para masundan nito ang kaniyang amoy.
- Kung sila ay napakabata pa, gumamit ng GPS tracker. Sa ganitong paraan malalaman mo agad ang eksaktong lokasyon ng iyong anak, nasaan man siya.
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Criselle Nunag
Baby girl lost in forest for four days, found alive
References: South China Morning Post, autismspeaks.org
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!