Isa na po akong ina sa makukulit na bata na ngayon ay magiging tatlo na. Ang panganay ko ay 8 years old, at ‘yong pangalawa ay 4 years old na, at ang pangatlo ay isisilang pa lang ngayong darating na April 2022.
Sa edad na 18 maaga akong sinubok ng panahon dala ng sinasabing “panahon ng pagiging mapusok” sobrang higpit ng aming mga magulang dahilan ng ‘di namin naranasang magkaroon ng kalayaan.
Iba ang ugali ng tatay namin mabilis mag-init ang ulo niya. Umaabot pa minsan sa pananakit kahit anong mahawakan ay ihahampas. Ang nanay naman namin ay mabait ngunit over protective at minsan ‘di niya namamalayan na napapahiya na kami sa ibang tao.
Kasi kung anu-ano na ang nasasabi niya tungkol sa amin at sa ibang tao na nagiging kaibigan namin. Minsan ninanais na lang namin huwag magsabi sa kanila dahil ‘di rin naman nila kami pinakikinggan.
Ang hirap ng walang makikinig na magulang sa problema o nararamdaman mo at tanging si Google at libro lang ang makakausap mo at mahihingian ng impormasyon.
Maling desisyon na aking nagawa sa buhay. | Larawan mula sa Shutterstock
Nang makilala ko si Marvin
Umibig ako sa unang pagkakataon sa edad na 17 nagkaroon ako ng karelasyon, si Marvin. Binigay ko ang pagkababae ko at nabuntis niya ako.
Nalaman lang ng magulang ko ang pagbubuntis ko nang mabasa nila ang Diary ko. Doon nakasulat ang lahat ng istorya ng buhay ko na ‘di nila akalain na magagawa ko.
Sa sobrang takot at galit nilang pag-tsismisan sila ng aming mga kapit-bahay at pagtawanan ng iba. Minsan nilang hiniling na sana raw malaglag na lang ang bata sa sinapupunan ko.
Bagay na ‘di ko akalaing lalabas sa kanilang bibig pero pinatunayan ni Marvin na kaya niya ko panindigan at buhayin. Ngunit hindi pumayag ang aking magulang na umalis ako sa poder nila o magpakasal.
Maling desisyon na aking nagawa sa buhay. | Larawan mula sa Shutterstock
“Pakiramdam ko hindi ako nanay ng anak ko.”
Sapagkat ayaw nila kay Marvin dahil sa walang natapos at walang maipagmamalaking magandang trabaho. Sa paglipas ng tatlong taon walang nagbago hawak pa rin ako sa leeg ng aking mga magulang na-spoiled sa kanila ang panganay ko.
Pakiramdam ko na parang hindi ko siya anak. Iniwan ako ni Marvin, magdadalawang taon pa lang anak namin dahil di kinaya ang ugali ng aking magulang.
Natigil ang sustento ng anak ko dahil sa kawalan niya ng trabaho kaya nagdesisyon na akong magtrabaho para masustentuhan ang anak ko sa mga pangangailangan niya. Ginawa ko lahat to make him back pero ayaw niya.
Dalawang taon ang lumipas na wala akong katuwang sa lahat. Doon ko nakilala ang pangalawang lalaking mamahalin ko, si Macky. May natapos, may magandang trabaho pero maliit na tao kaya bagsak pa rin sa qualifications ng aking magulang.
Pinilit nila akong itigil ang aming relasyon at mag-resign sa trabaho dahil panibagong kahihiyan na naman umano sa parehong partido nila.
Sadyang matigas ang aking ulo, palihim kaming nagkikita, nakita ko sa kaniya ang mga bagay na pangarap ko noon sa isang lalaki. Magaling kumanta, mag-gitara, hindi naninigarilyo o nag-iinom, masipag sa trabaho at maalalahanin. Iyon ang mga bagay na kabaliktaran sa una kong nakarelasyon.
Nagbunga ang pagkakaibigan namin
Masaya talaga ang bawal na pag-ibig at hanggang sa ‘di inaasahang pangyayari. Nagbunga ang patago naming pagmamahalan. Naging selfish kami, sinubukan naming ipalaglag ang pinagbubuntis ko pero sadyang para talaga sa akin ang pinagbubuntis ko.
Dahil nanatili siyang nakakapit humingi ako ng patawad sa panginoon at sa pangalawa kong anak sa desisyon kong padalos-dalos.
Bumalik sa umpisa ang lahat sermon dito, sermon doon palaging sasabihin ng ibang tao ang mahalaga sa magulang ko dahil ako ay kasiraan sa pangalan nilang dalawa.
Maling desisyon na aking nagawa sa buhay. | Larawan mula sa Shutterstock
Nagkaroon ng desisyon ang magulang ko makakaalis ako sa poder nila at makakasama ko ung Ama ng pangalawang anak ko. Pero hindi ko pwedeng isama ang panganay ko at hindi ko rin mahihiram dahil sa ayaw nilang matulad ang panganay ko sa akin.
Napakasakit para sa isang magulang na mawalay sa ‘yo ang kahit isa sa mga anak mo. Sinubukan kong makipaglive-in sa partner ko, kampante naman kami, nai-excite sa paglabas ng pangalawa kong baby.
Pero hindi pa rin ako lubusang pinatutulog ng konsensya ko na parang may kulang sa pagkatao ko at parang dinudurog ang puso ko kapag nagtatampo ang panganay ko dahil wala ako sa tabi niya.
Sa loob ng ilang buwan na pagsasama namingni Macky, nararamdaman kong hanggang salita niya lang nasasabing tanggap niya na naging ka-live-in niya ay isang SINGLE MOM.
Pero ‘di ko maramdaman na tanggap niya ang panganay ko dahil hindi niya masabi sa pamilya niya na hindi na ako dalaga ng mabuntis niya at lalong hindi niya kayang ituring na parang anak na ang panganay ko.
Hindi niya tanggap ang panganay ko
Napansin ko lang na kung sino lang ang anak niya doon lang siya magpo-focus. Hindi ko msyadong pinansin sa una iyon until maisilang ko ang pangalawa kong prinsesa.
Doon na unti-unting nagbago ang lahat, Tama nga ang kutob ko! Mahal niya lang ay ako at ang anak niya sa akin. Hindi niya magawang mahalin ang panganay ko. At hindi niya kayang ipakilala sa ibang tao ang panganay ko na dahil nahihhiya siya.
Buong akala ko okay kami pero mali pala ako katulad lang rin pala niya ang magulang ko na takot sa pintas ng ibang tao. Mas mahalaga ang malinis na pangalan kesa sa katotohanan.
Maling desisyon na aking nagawa sa buhay. | Larawan mula sa Shutterstock
Nauntog ako sa katotohanang maling tao ang pinaglaanan ko ng panahon at oras. Maling desisyon ang iwan ang anak kapalit ang kaligayahan sa piling ng iyong karelasyon.
Ang daming oras at araw na nasayang ko dahil mas pinili ko ang ibang tao kaysa sa sarili kong anak. Ipinaranas ko lang sa panganay ko ‘yong naranasan kong sakit na walang kausap, walang masabihan ng problema at walang gustong nakikinig.
Sadyang nasa huli talaga ang pagsisisi, nakipaghiwalay ako ng maayos kay Macky. Hindi niya na ko pinigilan pa hinayaan niya kong makaalis sa inuupahan namin. Umuwi ako sa bahay namin dala ang lahat ng gamit ko tinanggap ko ng bukal sa loob bawat sermon ng magulang ko.
BASAHIN:
REAL STORIES: “Three months pa lang ang baby namin noong nakipaghiwalay siya at umaming may iba na siya”
Mom confession: “I feel like I am less of a mother dahil hindi ko kasama ang anak ko.”
REAL STORIES: “My mother-in-law won’t let me be a mother to my own child.”
Nakasama ko ulit ang dalawa kong anak
Makalipas ang apat na buwan na masaya na muli akong kasama dalawang anak ko at buong pamilya ko. Doon nag-umpisang manghingi ng tawad ang Papa ko sa lahat ng nagawa niya pagkakamali saaming magkakapatid.
Sinabi niya sa akin na.
“Balang araw, mawawala lahat ng bigat sa puso mo. Patawarin mo ko sa lahat ng nagawa at nasabi ko sa iyo. Ang dalawa anak mo ang naging daan para mapagtanto ko na sana mas minahal ko kayo noong malakas pa ako at maliliit pa kayo para sana ‘di niyo nararanasan ang masaktan ng ibang tao.”
Kinabukasan maagang hinimas at tinitigan ng papa ko ang pangalawang anak ko na 4 months old pa lang nung panahon na iyon. Walang imik at nanlalambot na siya noon kaya agad-agad ay sinugod siya sa ospital, 12am June 6,2018.
Namaalam ang Papa ko ‘yong dapat na check-up lang ay mapupunta na pala sa permanenteng pagpapahinga. Sa huling pagkakataon humingi rin ako ng tawad sa kaniya at sinabing hindi ko na iiwan pa ang aking mga anak
Makalipas ang dalawang taon
Dalawang taon makalipas na wala na kaming Ama at dalawang taon na rin ang pangalawa kong anak. Umaasa pa rin ako na isang araw may pupunta sa bahay namin upang palambutin muli ang puso naming mag-iina.
Upang magkaroon na ang dalawang bata ng kumpletong pamilya ngunit umaasa lang pala ako. Isang araw, nagkakuwentuhan kami ng aking kaibigan at ‘di sinasadyang nabanggit niya na si Macky ay may bago ng kinakasama at kasalukuyang buntis na.
Dito ko napag-alaman na ‘di pala ako nagkamali, hindi pala maling desisyon ang nagawa ko noon. Dahil hindi niya kami totoong minahal. Sapagkat sa dalawang taon na lumipas ‘di nasagi sa isip niya na puntahan kami at kamustahin.
Mas pinili niyang mag-hanap kaagad ng bagong kinakasama. Sa Pangalawang pagkakataon para ulit akong pinagsakluban ng langit at lupa sa sobrang sakit.
Ang matagal ko nang pinagdadasal
Araw- araw pinagdadasal ko na sana bigyan pa ko ng maraming lakas para malagpasan lahat ng problema ko at kay Lord ko na ibinibigay ang lahat-lahat.
Kung anong plano niya para sa aming mag-iina. Hinayaan ko na lang ang pagkakataon ibigay sa amin ung buong pamilya sadyang mabuti ang Diyos hindi ka niya pababayaan.
Ibibigay niya sa ‘yo ang taong talagang nararapat sa iyo. Nais kong sabihin na ibinigay na sa akin ni Lord ‘yong talagang magpapahalaga sa aming mag-iina. Nagkabalikan kami ni Marvin.
Sa kaniya wala akong narinig na kahit anong sumbat mula sa pagkakamali kong nagawa noon, minahal niya ng tunay kaming mag-iina ng pantay-pantay.
Masaya ang dalawa kong prinsesa kapag kasama siya at tunay na anak ang turing niya sa pangalawa ko kahit hindi siya ang ama. Sa ngayon masaya kaming magpapamilya nakabukod na kami at kasalukuyang buntis ako sa pangatlo naming anak.
Makakagawa ka talaga ng mga maling desisyon sa buhay pero doon ka matuto at tatag. | Larawan mula sa Shutterstock
Si Marvin ang nagpatunay na kahit anong pagkakamali pa ang ating nagawa pwede pa rin itong itama. Pareho kaming nagkulang at nagkamali noon na lubos naming pinagsisihan dahil pati mga bata ay nadamay.
Dito ko natutunan na bilang isang magulang handa ka dapat i-sacrifice ang sarili mong kaligayahan. Mas ipriority mo sila kaysa sa iba, tulungan mo silang maunawaan ang mga bagay-bagay habang lumalaki sila.
Para alam nila kung paano i-handle ang bawat problemang mararanasan nila. Hindi sa lahat ng oras magulang ang tama. Hayaan nating silang magkaroon ng sariling kalayaan na magdesisyon at pumili ng gusto nila.
Huwag sana tayong magkaroon ng favoritism sa ating mga anak dahil isa ito sa pwedeng maging dahilan ng kanilang pagrerebelde o pagkakaroon ng inggit sa kanilang kapwa.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!