Lubos na nakakabahala ang post ng isang netizen sa kanilang experience sa isang mall playground sa Pasig. Ayon kay Justine Marie Santos-Sugay, dinala niya ang kaniyang apat na taong gulang na anak na si Charles sa palaruan. Tuwang-tuwa raw na naglalaro ang kaniyang chikiting sa ball pit nang mapansin ni Mommy Justine na may ilang staff ng play place na nagtatanggal ng mga bola sa ball pit kahit na may tinatayang benteng bata pa ang naglalaro sa lugar na iyon.
Tinanong raw ni Mommy Justine ang attendant ng mall playground kung bakit tinatanggal ang mga bola. Pinapalitan lang daw nila ang mga bola, sagot ng attendant.
Makakampante na sana si Mommy Justine ngunit sinabihan siya ng isang magulang na katabi niya na tinatanggal ang mga bola dahil nililinis ng mga attendant ang ball pit dahil may natagpuan daw diumano na poop sa loob ng ball pit!
Agad kinuha ng mister ni Mommy Justine ang kanilang anak sa loob ng ball pit. Kinumpronta naman ni Mommy Justine ang attendant na nakausap niya kung bakit hindi sila sinabihan na diumano’y may dumi pala ng tao sa loob ng palaruan.
“He said he thought I knew.” (Akala daw niya alam ko.)
Kinausap din ni Mommy Justine ang manager ng mall playground. Humingi siya ng refund dahil 15 minuto pa lang sila sa loob ng mall playground. Tinanong din niya ito kung bakit hindi isinara ang ball pit nang matagpuan diumano ang poop sa lugar.
“He said he was 100% sure that the feces was just in the area.” (Sigurado daw siya na nasa isang lugar lang ang natagpuan na dumi.)
Protesta ni Mommy Justine, “As any parent knows the kids throw the balls everywhere!!! My son was holding 2 balls when we found him.” (Lahat ng magulang alam na kapag naglalaro ang bata sa ball pit, itinatapon nila ang bola kung saan-saan! May hawak na dalawang bola ang anak ko nang matagpuan namin siya.)
Tanong pa nito na kung bakit hindi na lang isinara ang ball pit habang nililinis ito at kung bakit hindi nagsabi ng totoo ang attendant.
Pahayag ng mall playground
Sa panayam ng TheAsianParent Philippines kay Mommy Justine, kinuwento niya na matapos ang pangyayari, “Halos maligo sa alkohol ang anak ko!”
Dagdag pa nito, “Kulang talaga sa regulation and accountability. And it pains me to think that so many parents just avoid [the mall playground] altogether instead of demanding for better service.”
Na-share na ang post ni Mommy Justine sa Facebook mommy group na Glam-O-Mamas at doon sumagot ang pamunuan ng mall playground tungkol sa naturing na insidente.
“For our customer’s, and everyone’s peace of mind, we would like to clarify that the play area was immediately closed, and isolated, within minutes of being alerted by the parent of the child who had that ‘poopie incident.’ The ball pit was immediately sealed, and children were not allowed to enter, until the space was properly sanitized. Likewise, within minutes, all the balls in the pit were removed and properly sanitized.”
(Para ikakapalagay ng loob ng aming mga customer, gusto namin klaruhin na agarang isinara at ibinukod ang lugar kung saan aksidenteng nag-poop ang isang bata ilang minuto matapos kaming inalerto ng magulang nito. Isinara ang ball pit at hindi pinayagan na makapasok ang mga bata hanggang hindi nalinis nang husto ang lugar. Mabilisan namang nalinis ang lugar. Natanggal at nilinis din ang mga bola.)
“We also, would like to reiterate— that this was an unfortunate and minimal ‘incident’ with a young toddler— and our staff reacted as quickly as possible. Our staff likewise checked that the ‘incident’ was contained to just the ball pit area, and in fact, quite minimal in ‘damage.’ Our staff, however, is required to seal / isolate and sanitize areas where these ‘incidents’ occur, regardless of the extent of the ‘damage.’ What had transpired, after the fact, was already a precautionary measure, and an SOP [ng mall playground], to ensure proper sanitation always.”
(Nais naming ulitin na walang may gusto ng insidente na ito na kinasasangkutan ng isang toddler at mabilis naman itong nasolusyunan ng aming mga empleyado. Siniguro ng aming staff na sa ball pit lamang nangyari ang insidente at “minimal” damage lamang ito. Gayunpaman, base sa polisiya ng establishment, kinakailangan isara at ibukod ang lugar kung saan nagkakaroon ng ganitong mga hindi inaasahang insidente para ma-sanitize at malinis ang area.)
Sinubukan namin humingi ng official statement mula sa establishment sa pamamagitan ng pagpapadala ng mensahe sa kanila sa kanilang official Facebook account, ngunit hindi pa kami sinasagot nito. Sa kadahilanang ito, minabuti namin na hindi ilagay ang pangalan ng mall playground.
Paano maiiwasan
Matapos ang ulat ng isang nanay tungkol sa pagkahawa ng anak niya ng Hand Foot and Mouth disease mula rin sa isa pang mall playground, ano nga ba ang puwede nating gawin para ma-protektahan ang anak natin laban sa mga sakit na ganito?
Narito ang mga puwede mong gawin para masigurong safe si baby:
- Siguraduhin walang sakit ang bata. Kapag may sakit ang bata katulad ng sipon, ubo, lagnat o sore throat, mababa ang resistensya nito. Madali siyang mahawa sa mas malalang sakit. Bukod pa sa maaari siyang makahawa ng ibang bata.
- Pumili ng maayos na mall playground. Alamin kung gaano kadalas nililinis ang palaruan at kung anu-ano ang polisiya nila sa pagpapapasok ng mga bata. May mga establishments na kinukuhanan muna na temperatura ang mga bata bago ito papasukin.
- Mas maraming bata, mas maraming sakit. May mga mall playground na sadyang dinadayo. Mainam na iwasan ang mga branches na ito dahil mas malaki ang tsansa na makasagap ng germs ang anak mo.
- Mag-sanitize. Siguruhin na gumamit ng alcohol o hand sanitizer ang bata bago at pagkatapos nitong maglaro.
- Huwag isubo ang kamay. Paalalahanan ang anak na huwag isusubo ang kamay o hahawak sa ibang mga bata.
- Magpalit ng damit. Palitan agad ng damit ang chikiting matapos maglaro upang hindi na maiuwi ang germs galing sa labas ng bahay.
- I-alerto ang management kung makakita ng ibang bata na mukhang may sakit, dumumi, o umihi sa palaruan upang malinisan agad at hindi magkalat ang bacteria at germs.
Dahil na rin sa kakulangan ng mga park kung saan puwedeng maglaro ang mga bata, hindi talaga maiiwasan na dalihin natin ang mga chikiting natin sa mga play places sa malls. Ibayong pag-iingat ang kailangan.