Pinapaalalahanan ngayon ng pamunuan ng Manila Water ang publiko na mag-impok ng tubig at magtipid sa pagkonsumo nito ngayong panahon ng tag-init.
Bunsod ito ng unti-unting pagkatuyo ng La Mesa Dam na siyang pangunahing pinagkukunan ng supply ng tubig sa buong Metro Manila at ilang karatig na lalawigan dulot ng nagbabadyang El Nino phenomenon.
Aerial shot mula sa La Mesa Dam | Image source: Atty. Keisie Marfil
Mga hakbang ng Manila Water
Sa isang panayam mula sa isang himpilan ng radyo, ipinaliwanag ni Manila Water spokesperson Jeric Sevilla ang nangyayaring sunud-sunod na water service interruption sa ilang lugar.
“Unang sasabihin ko talaga is ‘yong kabuuan ng summer natin na ito, talagang makakaranas po tayo ng reduced pressure or mga rotational na no water or mga water interruptions,” ani Sevilla.
“Talagang wala tayong additional na supplies na nakukuha, ang level ng dams natin ay napakababa at hinihintay natin ang tag-ulan,” dagdag niya.
Nitong nakaraang mga araw ay nakaranas ang ilan sa kanilang mga customer ng scheduled at unscheduled water service interruption na ikinagalit ng marami.
Kinakailangang gawin ang water interruption ng mga water concessionaires tuwing sasapit ang panahon ng tag-init bilang paghahanda sa tagtuyot o El Nino phenomenon.
Aerial shot mula sa ibabaw ng La Mesa Dam | Image source: Atty. Keisie Marfil
Ito ay upang maiwasan ang biglaang pagkaubos ng tubig sa mga reservoir ng mga dams habang hinihintay ang pagdating ng panahon ng tag-ulan sa buwan ng Hunyo.
“Hindi po natin mapuno ‘yong reservoir, dahil maraming humuhugot ng tubig, maraming gumagamit ng available na tubig kaya may mga lugar pa rin ng wala pa pong tubig,” sabi ni Sevilla.
Umaasa naman ang pamunuan ng Manila Water na magiging normal na ang suplay ng tubig ngayong lunes.
Nakiusap din si Sevilla sa mga apektadong residente ng water interruption na maghintay pa ng kaunting araw bago maibalik sa normal ang suplay ng kanilang tubig.
“Hopefully mag-normalize tayo or masusunod natin ang talagang schedule na sinabi natin baka po this Monday. Hopefully po,” aniya.
Sa ngayon ay patuloy ang pagbibigay ng ayuda ng Manila Water sa mga apektadong residente sa pamamagitan ng pagpapadala ng dalawang water tankers sa mga lugar na wala pa ring suplay ng tubig hanggang ngayon.
Schedule ng walang tubig (as of March 10):
Mga tubig tipid tips na maaari nating gawin
1. I-report kaagad ang mga tubo na may tagas at ilegal na koneksyon sa Manila Water Hotline 1627 o Maynilad Hotline 1626.
2. Huwag iwang bukas ang gripo habang naghuhugas ng mga pinag-kainan. Gumamit ng palanggana sa pagbabanlaw para hindi maaksaya ang tubig.
Kuskusin ang mga maruming kawali at kaserola habang nakababad sa palanggana ng tubig.
3. Maghugas ng prutas at gulay gamit ang palanggana sa halip na tubig mula sa gripo. Sa ganitong paraan, malaki ang matitipid na tubig at maaari pang gamitin ang pinaghugasan upang ipandilig sa halaman.
4. Gumamit ng walis at hindi tubig mula sa hose para linisin ang inyong driveway at sidewalk.
5. Iklian ang pagligo ng isa o dalawang minuto. Patayin din ang shower habang nagsha-shampoo ng buhok o nagsasabon ng katawan. Maaaring gumamit na lang ng tabo at timba sa pagligo imbis na shower.
Habang naliligo, maglagay ng timba o palanggana malapit sa tapat ng showerhead o sa inyong paanan. Ang nakolektang tubig ay maaaring gamiting pang-flush ng toilet.
Sa ganitong paraan, makakatipid ng hanggang 150 galon ng tubig kada buwan.
6. Isara ang gripo habang nagsisipilyo at gumamit ng baso para makapagtipid ng 25 galon ng tubig kada buwan.
7. Kapag maghuhugas ng kamay, isara ang gripo habang nagkukuskos upang di masayang ang tubig. Isara nang mahigpit ang gripo matapos itong gamitin.
8. Mag-imbak ng tubig sa mga drum, timba o anumang sisidlan ng tubig upang may magagamit ang pamilya sa oras ng rotational water interruption sa inyong lugar.
Source: GMA News Online, MWSS, Maynilad, Manila Water
Images: Atty. Keisie Marfil for ABS-CBN News
BASAHIN: Paano ba makakatipid ng kuryente ngayong summer?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!