Ang hilig na mapag-isa o pagiging loner ay namamana at ang 35% na tiyansa na makaramdam nito ay nakasulat na daw sa DNA ng isang tao.
Ito ang naging findings ng isang pag-aaral na isinagawa ng mga researchers mula sa University of Western Ontario sa Canada. Nadiskubre nga nila na 35% ng pagiging loner ay nasa DNA na ng nakakaramdam nito na mas nade-develop lang dahil sa environment o experience na nararanasan ng isang tao.
Napag-alaman din na ang mga taong may mga genetic factors ng neuroticism o pagiging negative-thinker ay mas malaki ang tiyansa na makaramdam na laging malungkot o lonely.
Samantalang, ang paghahanap ng connections at companion ay nakakatulong para mawala at maiwasan ang mga genetic tendencies na ito. Ito ang mga nakasulat sa isang pag-aaral na na-ipublished kamakailan lamang sa Journal of Research in Personality.
Hilig na mapag-isa, namamana
Ayon nga kay Dr. Julie Aitken Schermer, lead author ng ginawang pag-aaral, bagamat namamana, ang mga loner daw ay hindi naman mare-realize na hilig nila ang mapag-isa hanggat walang nag-tritrigger nito sa paligid nila.
Isang magandang halimbawa nito ay ang isang kambal na may parehong edad, parehong lugar na kinalakihan at parehong mga taong nakasama ng lumaki.
Ang mga kambal daw mapa-identical man o fraternal ay nagshe-share ng 50 to 100% ng kanilang DNA, dagdag pa ang environment na pareho nilang kinalakihan.
Sa puntong ito, masasabi na ang mga kambal ay nag-she-share ng mga common factors, genetically at environmentally. Ngunit ang kanilang level of loneliness ay magiging magkaiba kapag nilagay sila sa magkaiba ding environment.
Kapag ang isa sa mga kambal daw ay inilagay sa isang classroom na kung saan siya ay makakagawa ng kaibigan at masaya sa level of interaction sa mga tao sa kaniyang paligid ay mas mababa ang tiyansa niyang maging malungkot.
Samantalang, ang isang kambal naman na inilagay sa isang lugar na hindi fulfilling lalo na sa pakikipag-connect sa ibang tao ay mas malaki ang tiyansa nitong maging malungkot.
Ang pahayag na ito ay mas pinalawig ng pag-aaral na ginawa nina Dr. Schermer na kung saan natuklasan nila na ang mga identical twins ay mas mataas ang tiyansang magkapareho ng level of loneliness kahit nasa magkaibang lugar o experience dahil sa sila ay may parehong DNA kesa sa mga fraternal twins na may magkaibang DNA.
Maliban dito ay kanila ring pinagdiinan ang ugnayan ng loneliness at neuroticism na nararamdaman daw ng isang tao dahil parin sa genetic factors at hindi lamang basta sa environment na kinalalagyan nito.
Ayon parin kay Dr. Schermer, ang mga neurotic daw ay madalas na nag-aalala sa kaniyang sitwasyon o sa maraming bagay sa kaniyang buhay dahilan upang siya ay maging malungkot. Dahil nga sa pagiging negative ay umiiwas ang mga neurotic sa mga interactions at pagkakaroon ng connection sa ibang tao at mas pinipiling maging mapag-isa na nagiging dahilan para makaramdam siya ng kalungkutan o loneliness.
Health risk ng hilig na mapag-isa
Ang kagustuhan nga daw na mapag-isa o maging socially isolated ay nagdudulot ng loneliness epidemic na umaapekto sa buong mundo na hindi lamang nagpapalungkot sa mga tao ngunit naglalagay narin sa peligro sa ating mga kalusugan.
Sa isang pag-aaral nga ginawa ni Dr. Julianne Holt-Lunstad, isang Psychology professor sa Brigham Young University sa United States, lumabas na ang loneliness ay mas malaki ang threat na naidudulot sa public health kesa sa obesity samantalang may ibang pag-aaral naman na nagsasabing halos magkapareho ito ng epekto ng paninigarilyo sa kalusugan ng isang tao.
Ilan pa nga sa mga health risk na naidudulot ng loneliness ay ang mataas na tiyansa ng pagkakaroon ng cardiovascular disease, diabetes, depression at pati narin ang kamatayan.
Para nga daw makaiwas sa mga ito, ang unang bagay daw na dapat gawin ayon kay Dr. Schermer ay ang pagbabawas sa paggamit ng mga electronic devices. Dahil ang isa sa itinuturong dahilan ng social isolation ngayon ay ang madalas na paggamit ng social media na kung saan hindi na nagiging inter-personally connected ang mga tao kung hindi electronically connected na, dagdag pa ni Dr.Schermer.
Para nga daw makaiwas sa mga health risk ng loneliness dapat daw ay maging pro-active tayo sa pakikipag-socialize. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagsali sa mga social clubs, pag-paplano ng mga get togethers sa mga kaibigan o kapitbahay kesa pagii-scroll sa Facebook at iba pang social media sites, ayon kay Dr, Holt-Lunstad.
Ayon naman kay Dr. Schermer, dapat daw nating maintindihan na tayo ay mga social beings at ang pakiramdam na pagiging mag-isa o isolated ay hindi dahil sa ating character kung hindi sa ating choice na mapag-isa. Ang pagkakaroon ng interaction o conversation sa iba ay makakatulong para makaiwas tayo sa mga negatibong epekto ng kalungkutan at mas magiging satisfied sa ating buhay.
Sources: Psychology Today, This is Insider, This is Insider, Daily Mail
Basahin: Post-partum depression, mas malaki ang chance na magkaroon nito kung lalaki ang baby mo