Sa inyong mag-asawa, sino ang masakit magsalita at malakas mang-asar? Ikaw man o siya, narito ang dapat ninyong malaman para hindi makasama ito sa inyong pagsasama.
Epekto ng pang-aasar sa relasyon ng mag-asawa
Ang pang-aasar lalo na sa pagitan ng mag-asawa ay hindi maiiwasan. Kung ito nga ay ginagawa bilang simula ng katatawanan ay makakatulong itong mas patibayin pa ang relasyon. Dahil sa ito ay nagiging magandang paraan na makapag-bonding at makapagsaya ng magkasama ang mag-asawa.
“It helps couples connect, de-stress, and it acts an important repair technique when couples are feeling tense over conflict. Laughter and teasing can help deescalate the conflict and help you remember that you actually like each other.”
Ito ay ayon kay Julienne Derichs, isang licensed marriage at family therapist.
Ayon naman sa psychologist na si Alexandra H. Solomon, ang pang-aasar sa pagitan ng mag-asawa ay patunay rin kung gaano sila kalapit sa isa’t isa. Lalo na kung ang topic sa pang-aasar ay mga private o inside jokes na silang dalawa lang ang nakakaintindi.
Pero hindi sa lahat ng oras ay ganito ang maaaring maging epekto ng pang-aasar sa isang relasyon. Dahil kung ang pang-aasar ay nagdudulot ng negative feelings sa relasyon ay maaring makasama na ito sa pagsasama.
“Different people react to teasing in different ways and it is very easy to press someone’s buttons if you are not careful.”
Ito naman ang pahayag ni Dr. Jenn Mann, isang psychotherapist.
Sa ganitong pagkakataon, payo ni Solomon, mabuting maintindihan ng mag-asawa ang isa’t-isa. Ito ay upang maiwasan ang maaring masamang epekto nito sa relasyon. Para magawa ito narito ang dapat isaisip ng mag-asawa.
Paano pakitunguhan ang masakit magsalita at malakas mang asar na asawa
Para sa malakas mang asar na asawa
Ginagamit mo ba ang pang-aasar dahil sa may gusto kang sabihin? Payo ni Solomon mas mabuting sabihin ang iyong concern o nais sabihin ng deretso sa iyong asawa. Dahil maaaring iba ang dating nito sa kaniya sa pabiro o pang-aasar na paraan. Dagdag pa niya para sa mas matibay na relasyon, mas mabuting ang bawat isyu sa inyong pagsasama ay idinadaan sa seryoso na usapan.
Hindi rin dapat gumagamit ng mga biro o pang-aasar na tumutukoy sa insecurities o vulnerabilities ng iyong asawa. Tulad ng kaniyang pisikal na itsura na maaring makasakit sa self-confidence o self-esteem niya. Minsan hindi man niya sayo pinapahalata, pero siya ay nasasaktan. Mas masakit ito dahil nagmumula ito sa ‘yo na dapat sana ay pumoprotekta sa kaniya.
Sa oras naman na pansinin o i-pointout ng iyong asawa ang mali sa iyong pang-aasar, huwag ng maging defensive. Huwag ng ipilit sa kaniya na ito ay biro lang at hindi dapat palakihin. Sa halip ay tingnan lang siya sa mga mata at humingi ng tawad. Dahil maliit mang bagay sa ‘yo, hindi mo naman sigurado kung gaano kalaki ang epekto nito sa asawa mo.
Siguraduhin din sa kaniya na hindi na ito mauulit pa at dapat siguraduhin mo rin sa iyong sarili na ito ay tutuparin mo.
Para sa asawang laging inaasar
Kung ikaw naman ang laging inaasar o biktima ng pang-aasar ng iyong asawa, payo ni Solomon ay dapat maging open ka sa iyong nararamdaman. Maging honest at sabihin sa kaniya kung na-offend ka sa sinabi niya. Ipaintindi sa kaniya kung bakit ito ang iyong nararamdaman. Tulad ng ang pang-aasar niyang ito ay may pinapaalala sa ‘yong masamang karanasan. Ito’y upang mas maintindihan niya ang pinagmumulan ng nararamdaman mo at maiwasan niya ng ulitin pa ito.
Sa oras na na-offend ng asawa mo ang iyong feelings dahil sa kaniyang pang-aasar o masakit na pananalita, iwasang sagutin siya. Ito’y upang hindi na mas uminit pa ang sitwasyon. Hintaying kumalma ang sitwasyon saka makipag-usap sa kaniya. Upang mas magkaintindihan kayong dalawa at hindi lumala ang tensyon na nabubuo sa inyong pagitan.
Inaasar mo rin ba ang iyong asawa? Kung oo, anong klaseng pang-aasar ang ginagawa mo sa kaniya? Sa tingin mo ba, ay hindi rin ito nakakasakit sa damdamin ng iyong asawa? Mabuting maging maingat din sa mga salita o pang-aasar na sinasabi sa iyong asawa. Dahil maaaring ang pang-aasar na ginagawa niya sayo ay sagot lang sa pang-aasar na ginagawa mo.
Sa oras naman na humingi ng tawad ang iyong asawa ay tanggapin ito. Kung sinabi niyang hindi niya na uulitin at ito ay kaniyang tinupad, huwag ng kalkalin pa ito sa inyong mga future na usapan. Magpatawad at isantabi na ang mangyari. Mag-move on at mas patibayin pa ang inyong relasyon.
Source:
Psychology Today, Bustle
BASAHIN:
Masakit magsalita? 10 bagay na hindi dapat sinasabi ng mag-asawa sa isa’t isa
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!