Masakit na singit ng buntis, narito ang mga dahilan. Pati na ang mga maaring gawin upang ito ay maibsan o malunasan.
Pananakit ng singit kapag buntis
Ayon sa Royal College of Obstetricians and Gynaecologists ang pananakit ng singit kapag buntis ay normal lang. Ito nga ay nararanasan umano ng isa sa kada 5 babaeng nagbubuntis na madalas na nagsisimula sa kanilang 2nd trimester. Maraming posibleng dahilan kung bakit nananakit ang singit ng buntis. Ang mga ito ay ang sumunod:
Dahilan ng masakit na singit ng buntis
Symphysis pubis dysfunction
Isa sa mga dahilan ng pananakit ng singit kapag buntis ay ang kondisyon na kung tawagin ay symphysis pubis dysfunction. Ang pubic symphasis ay ang joint sa magkabilang pubic bones o sa parteng singit. Kapag nagbubuntis ang isang babae, ang litid sa joint na ito ay nag-rerelax at nag-istretch para ma-accommodate ang lumalaking fetus sa sinapupunan. Ang pagrerelax at stretching rin na ito ng litid ang dahilan kung bakit ito nananakit at nag-reresulta sa symphysis pubis dysfunction o SPD.
Maliban sa masakit na singit ng buntis, ang iba pang sintomas ng SPD ay ang sumusunod:
- Clicking o paglagatok sa bewang o pelvis
- Pamamanhid o shooting pains sa pelvic area o bandang puson
- Pakiramdam ng pangunguryente sa vagina o singit
- Sakit na nagmumula sa isang bahagi ng pelvic area papunta sa kabila
Ang mga sintomas na ito ay mas mararamdaman o mas lalala pa sa 2nd hanggang 3rd trimester ng pagbubuntis. Lalo na kapag nagbubuhat ng mabigat, biglang tatayo o aakyat sa hagdan ang buntis. Ito naman ay hindi seryosong kondisyon at kusang nawawala matapos makapanganak ng babaeng nakakaranas nito. Pero makakatulong ang mga sumusunod upang maibsan ang pananakit ng singit na idinudulot nito.
- Acupuncture
- Chiropractic massage
- Paglalagay ng hot o cold compress sa pubic region
Round ligament pain
Ang masakit na singit ng buntis ay tinatawag ring round ligament pain. Ito ang band ng connective tissue na sumusuporta sa uterus. Halos magkatulad ang sintomas ng SPD at round ligament pain. Ang kaibahan lang ay umaakyat ang pananakit na dulot ng round ligament pain hanggang sa tiyan ng buntis. At minsan ito ay biglang umaatake at napakasakit na tumatagal ng ilang segundo. Ayon sa ibang buntis, mas tumitindi nga daw ang pananakit na dulot ng round ligament pain kapag sila ay nagpapalit ng posisyon sa pagtulog. O kaya naman ay sa tuwing sila ay biglang tatayo o uupo.
Ang round ligament pain ay kusa ring nawawala matapos makapanganak ang buntis. Ngunit para maibsan ang pananakit ay may ilang bagay siyang maaring gawin. Ito ay ang sumusunod:
- Pag-bebend o pag-flex sa balakang bago gumawa ng mga bagay na magdudulot ng round ligament pain.
- Paghawak o pagsuporta sa tiyan gamit ang kamay kapag tatayo, uupo at uubo.
- Dahan-dahanin ang pagpapalit ng pwesto.
- Paglalagay ng heat pad sa masakit na bahagi.
Vaginal infections
Ang masakit na singit ng buntis ay maaring dulot rin ng vaginal infections. Ito ay nararanasan ng buntis kapag nagkaroon ng overgrowth o labis na pagdami ng yeast at bacteria sa vagina.
Madalas sa pagbubuntis, ito ay idinudulot ng hormone changes na nakakapekto sa pH level ng vagina. Dahilan upang mas dumami ang yeast at bacteria dito.
Maliban sa pananakit ng singit, ang iba pang sintomas nito ay ang sumusunod:
- Hapdi at pangangati sa vagina. Pati na sa pagitan ng vagina at anus
- Makapal at kulay puting vaginal discharge na madalas ay walang amoy.
- Sakit sa tuwing umiihi o nakikipagtalik.
Ang pangunahing paraan upang malunasan ang vaginal infection ay sa pamamagitan ng mga antifungal medications. Pero bago gumamit nito ay kailangan mo munang magpakonsulta sa doktor upang makasigurado.
Vaginal dryness
Ang vaginal dryness ay maaring magdulot rin ng masakit na singit kapag buntis. Maliban rito ang vaginal dryness ay may sumusunod pang sintomas:
- Pamamaga o pangangati sa paligid ng vagina.
- Mas madalas na pag-ihi.
- Pabalik-balik na UTI o urinary tract infection.
Malulunasan ang vaginal dryness sa tulong ng mga vaginal moisturizers. Habang makakatulong naman ang water-based sexual lubricants para maibsan ang vaginal dryness kung makikipagtalik. Pero bago gumamit ng mga ito mas mabuting makipag-usap o komunsulta muna sa iyong doktor. Ito ay upang makasigurong ligtas ito sa pagbubuntis mo.
Iba pang maaring gawin upang maibsan ang masakit na singit ng buntis
Sa kabuuan, wala namang dapat ipag-alala ang isang babaeng buntis sa masakit na singit dahil sa ito ay normal. Ngunit kung ito ay mas lumalala pa at nagdudulot ng labis na discomfort sa buntis ay mabuting ipagbigay alam na ito sa doktor. Lalo na kung ang sakit ay mas tumitindi at nararamdaman narin sa buong tiyan.
Payo pa ng mga ekspero maliban sa mga nabanggit na lunas sa bawat kondisyon, ang mga sumusunod ay makakatulong rin upang maiwasan ang masakit na singit kapag buntis:
- Manatiling active para maging open at flexible ang iyong joints. Mag-cardio exercise, weight training at stretching.
- Ang swimming ay isang magandang exercise at activity rin para sa mga buntis.
- Magbago ng iyong workload. Kung ang iyong trabaho ay nagdudulot ng pananakit sa iyong tiyan, makiusap at magpalipat muna sa mas magaan na trabaho.
- Gumamit ng support brace para sa iyong tiyan. Ito ay upang hindi masyadong mabigatan o ma-pressure ang iyong pelvic muscles at maiwasan ang pananakit sa bahaging ito ng iyong katawan.
Source:
WebMD, Medical News Today, Healthline
BASAHIN:
Safe ba uminom ng Gatorade habang buntis?