Masakit na tagiliran? Ano ba ang ibig sabihin nito at ano ang mga posibleng sanhi ng masakit na tagiliran? Alamin sa artikulong ito kung ano ang mga posibleng pananakit ng kaliwang tagiliran at tagiliran sa kanan.
Talaan ng Nilalaman
Masakit ang kaliwang tagiliran sa tiyan
Maraming posibleng dahilan kung bakit may pananakit sa tagiliran sa kaliwang bahagi ng tiyan. Kadalasan, nararamdaman ito sa bandang mababang bahagi ng tiyan pero hindi naman ito dapat laging ikabahala. Sapagkat sa maraming pagkakataon nawawala rin naman ito agad.
Pero sa para sa ilan, ang pananakit ng kaliwang tagiliran ay hindi agad nawawala. Kung nakakaranas ka na ng matinding pananakit at hindi ka na kumportable sa masakit ang kaliwang tagiliran sa tiyan, magandang magpasuri na sa doktor.
Ang mga posibleng sanhi ng masakit na kaliwang tagiliran sa tiyan
1. Hangin o gas sa tiyan
Ang masakit na kaliwang tagiliran sa tiyan ay maaaring sanhi ng hangin o kabag. Kadalasan ang nagiging sanhi nito ay ang mga sumusunod:
- Nakapasukan ng hangin sa tiyan
- Sobrang pagkain
- Paninigarilyo
- Pagbe-vape
- Pagnguya ng chewing gum
- Pagkain ng mga gas-producing foods
- May bacteria sa colon na sanhi nito
Hindi naman seryoso ang kabag o gas sa tiyan, pero magandang magpatingin sa doktor kung may kasama itong mga sintomas:
- Pagsusuka
- Pagdudumi o diarrhea
- Heartburn
- Pagbaba ng timbang
- May dugo sa dugo
- May constipation
2. Luslos o hernia sa English
Ang hernia o luslos ay maaari ring sanhi ng masakit na tagiliran sa kaliwang bahagi ng tiyan, ang pagkakaroon nito ay dulot ng mga internal organ sa ating katawan na tinutulak ang muscle o tissue na nakapalibot dito.
Maaaring may makitang bukol o umbok sa bandang tiyan o kaya naman singit. Ang ilan sa mga sintomas nito ay ang mga sumusunod:
- lumalaki ang umbok
- may nararamdamang sakit sa tagiliran na may umbok
- sumasakit tuwing may binubuhat na mabigat o lumalabas din ang umbok
Ang pagkakaroon ng luslos o hernia ay maaaring magdulot ng mga seryosong problema sa kalusugan. Kaya naman kung suspetya mo na ikaw ay may luslos ay mainam na magpatingin agad sa doktor. Sa ganitong paraan maagapan ang luslos kung mayroon ka ngang luslos.
3. Hindi natunawan
Larawan mula sa iStock
Kapag napaparami tayo ng kain lalo na sa gabi, maaaring hindi tayo matunawan. Ang ating sikmura kasi ang lumilikha ng acid kapag tayo ay kumakain. Maaaring makairita ang acid na ito sa esophagus, tiyan, o kahit na sa ating bowel.
Kaya naman sumasakit kadalasan ang bandang taas ng kaliwang tagiliran, at sa ilang pagkakataon naapektuhan din ang bandang ibaba ng tagiliran.
Ilan sa mga sintomas nito ay ang mga sumusunod:
- pagsusuka
- pagdighay ng mas malakas at malala
- heartburn
4. Mayroong kidney stone o bato sa bato
Ang pagkakaroon ng kidney stone ay kadalasang sanhi ng pananakit ng tagiliran. Magsisimulang makaramdam ng sakit kapag ang bato sa loob ng iyong kidney ay gumagalaw o nagbabanggaan.
Sumasakit din ito kapag ang bato sa kidney ay napupunta sa urinary tract. Ilan sa mga sintomas na maaaring mararanasan mo ay ang mga sumusunod:
- pagsusuka
- pagkahilo
- lagnat
- masakit na pag-ihi
- ang ihi ay kulay pink, red, brown, cloudy, o sobrang panghi
Walang nag-iisang sanhi ang pagkakaroon ng kidney stone. Subalit mataas ang tiyansa mong magkaroon nito kung mayroon sa inyong pamilya ang mayroon ito.
5. Pagkakaroon ng Diverticulitis
Ang pagkakaroon ng diverticulitis ay kadalasang sakit sa western na mga bansa. Ito ay maaaring makaapekto sa digestive tract ng isang tao.
Maaari itong maging uncomfortable at sa ilang kaso maaaring makaranas ng matinding kumplikasyon. Lalo na kung hindi ito naagapan na gamutin agad.
Sa maraming kaso rin ang pananakit ng masakit na kaliwang tagiliran ay sanhi ng diverticulitis. Ang diverticula ay maliliit na pouches na likha ng pressure sa mga mahihinang bahagi ng colon. Kadalasan itong nangyayari sa matatanda at mga nasa edad na 50 taong gulang.
Kapag ang mga maliit na pouches na tio ay namaga at nagkaroon ng impeksyon ito ay magdudulot ng diverticulitis. Ilan sa mga sintomas nito ay ang mga sumusunod:
- lagnat
- pagsusuka
- pagkahilo
- tenderness ng tiyan
6. Urinary tract infection
Ang isa pa sa mga karaniwang sanhi ng masakit na kaliwang tagiliran ay pagkakaroon ng urinary tract infection. Ito ay isang impeksyon na nakakaapekto sa daluyan ng ating ihi. Ito ay may kinalaman sa ating kidney, ureters, bladder at urethra.
Mas mataas ang tiyansa na magkaroon ng UTI ang kababaihan kaysa sa mga lalaki. Ilan sa mga sintomas nito ay ang mga sumusunod:
- Pananakit ng tagiliran
- Masakit na pag-ihi
- Mabahong ihi o sobrang panghi
- Lagnat
- May pink o pulang ihi
- Cloudy na ihi
- Tila may burning sensation sa tuwing iihi.
Nagagamot naman ang UTI, maaaring resetahan ka ng iyong doktor ng antibiotic at abisuhan ka niya sa mga pagbabago sa iyong pagkain. Tatagal kadalasan ang gamutin sa UTI ng isang linggo.
Para sa kababaihan
Larawan mula sa iStock
Ang ilang sanhi ng pananakit ng tagiliran ay natatangi lamang sa kababaihan at ang ilan dito ay ang mga sumusunod:
7. Pagkakaroon ng menstrual cramps
Bago o matapos ang regla ng isang babae maaari siyang makaramdam ng menstrual cramps. Hindi naman ito delikado, pero sa ilang pagkakataon kung ang pananakit ng iyong puson ay nakakaapekto sa daily activities mo. Maaaring gumamit ng hot compress para maibsan ang pananakit ng puson.
Mas maganda ring magpakonsulta.
8. Mayroong Endometriosis
Ang endometriosis ay isang tissue na kadalsang nasa loob ng uterus ng isang babae, at nagkakaroon din o tumutubo ito sa labas ng uterus. Ito ay maaaring magdulot ng abdominal pain.
Ilan sa mga sintomas nito ay ang mga sumusunod:
- sobrang sakit na menstrual cramps
- may nararamdamang sakit kapag nakikipagtalik
- mayroong masakit na bowel movement o kapag iihi
- may spotting sa pagitan ng mga regla o periods
- mayroong malakas na regla kaysa sa karaniwan.
Ang mga posibleng sanhi ng masakit na tagiliran sa kanan
Larawan mula sa iStock
1. Maaaring may appendicitis
Isa sa posibleng sanhi ng masakit ang kaliwang tagiliran sa tiyan ay appendicitis. Ang ating appendix ay maliit at manipis na tube na nakadikit sa ating large intestine.
Kapag ang ating appendix ay namaga, tinatawag na itong appendicitis. Ang ilan sa sintomas na kasama na rin nito bukod sa masakit na kanang tagiliran ay ang mga sumusunod:
- walang ganang kumain
- lagnat
- may problema sa pagdumi
- pagsusuka
- may pamamaga sa tiyan
Ang kundisyon na ito ay kinakailangan ng agarang atensyong medikal. Sapagkat ang appendix na namamaga ay maaaring pumutok na maaaring magkaroon ng life threatening na kumplikasyon.
Kaya mas magandang magpatingin agad sa doktor kung nakakaranas ng sintomas ng appendicitis
2. Pagkakaroon ng kidney infection
Isa sa sanhi ng pagkakaroon ng kidney infection ay dulot ng bacteira na galing sa urinary tract. Parehas na maapektuhan ang iyong kidney at urinary tract ng impeksyon na ito.
Maaaring makaranas ng pananakit sa kanang tagiliran, kadalasan nakakaramdam ng sakit pati na sa likod, at singit o groin.
Magandang magpasuri na agad sa doktor kapag nakakaraman ng pananakit na ito upang mabigyan agad ng lunas.
3. May Irritable bowel syndrome
Ang kundisyon na ito ay isang karaniwang long-term condition na nakakaapekto sa iyong digestive system. Ilan sa mga dulot nito ay ang mga sumusunod:
- pananakit ng tiyan
- pagbabago sa iyong pagdumi
- bloating
- may mucus sa dumi
4. Mayroong Inflammatory bowel disease (IBD)
Ito ay grupo ng mga seryosong digestive disorder na maaaring magdulot na masakit na tagiliran sa bandang kanan, na nagpapabago ng bowel tissue at maaaring tumaas ang tiyansa sa pagkakaroon ng colorectal cancer.
May dalawang uri ang IBD, ito ay ang ulcerative colitis at Crohn’s disease. Ang parehas na uri nito ay nagdudulot ng inflammation o pamamaga ng iyong digestive tract na magreresulta sa pananakit ng tiyan o tagiliran,
5. Pagkakaroon ng gallbladder stones
Ang pananakit ng right abdominal area ay maaari ring indkasyon ng pagkakaroon ng gallbladder stone. Kadalasang nagsisimula ang pananakit nito sa kanang bahagi ng tiyan. Maaaring tumagal ang sakit ng ilang minuto o oras.
Maaari rin itong maramdaman sa bandang likod sa kaliwang bahagi. Hindi ito kumportableng pakiramdaman. Ilan sa mga sintomas nito ay ang mga sumusunod:
- walang ganang kumain
- pagkahilo
- pagsusuka
- maaari ring makaranas ng lagnat
- pagkakaroon ng yellow skin at mata
6. Mayroon acute hepatitis
Ang masakit na kanan na tagiliran partikular sa bandang taas ay isa sa mga karaniwang sintomas ng hepatitis. Ang Hepatitis ay isang sakit kung saan ang liver ay namamaga na maaaring sanhi ng bacterial o viral infection, alcoholism, at mga iniinom na gamot. Dagdag pa ang mga auto-immune disorder o degenerative disease.
Maaaring rin makaranas ng pagsusuka, walang ganang kumain, pananakit ng ulo, maitim na ihi, at pagkahilo kapag mayroon nito.
Kailan dapat magpatingin sa doktor?
Larawan mula sa iStock
Ang labis na pananakit ng tagiliran mapa-kanan man o kaliwa ay dapat bigyan ng pansin, lalo na kung matagal mo na itong nararanasan o kaya naman pabalik-balik ito.
Agad din magpakonsulta sa doktor kung ang pananakit ng tiyan ay may iba pang kasabay na sintomas katulad ng mga nabanggit kanina. Tandaan mahalaga ang ating kalusugan, at kadalasan ang mga sakit na ito ay maiiwasan kung tayo ay kakain ng mga masusutansiyang pagkain at balanse ang pagkain natin.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!