Tanong ng mga mommies, masama bang mahamugan ang baby? Alamin ang kasagutan rito.
Mababasa sa artikulong ito:
- Masama bang mahamugan ang baby? Sagot ng isang pediatrician
- Bakit kailangang mapanatili ang tamang temperatura ng mga sanggol
- Huwag paliliguan si baby sa gabi – may basehan ba?
“Huwag mong ilalabas si baby, baka mahamugan siya!” Isa ‘yan sa mga karaniwang sinasabi ng matatanda kapag inilalabas ng mga magulang ang kanilang anak, lalo na kapag gabi o malamig ang panahon.
Subalit mayroon nga bang katotohanan ang paniniwalang ito?
Para sagutin ang tanong na ito at iba pang tanong na may kinalaman sa temperatura ng iyong sanggol, sumangguni kami kay Dr. Jennifer Tiglao, isang pediatrician mula sa Makati Medical Center para linawin ang mga paniniwalang ito.
Masama bang mahamugan ang baby?
Matagal nang paniniwala ng maraming magulang na kapag inilabas mo ang isang sanggol sa gabi o kapag madilim na sa labas, ay magkakasipon ito at pwede pang lagnatin dahil sa hamog.
Subalit ayon kay Dr. Tiglao, hindi naman ang mismong hamog ang nakakasama kay baby, kundi ang paglabas niya kung saan maari niyang makasalamuha ang isang taong may sakit o may dalang virus.
Pagpapaliwanag ni Dr. Tiglao,
“Ang hamog hindi naman nakakalagnat talaga siya. Iyong aktwal na paglabas, iyon ang nakakapagbigay ng sakit sa bata.
Kasi kapag lumabas ka whether its morning or night time, kapag may nakasalubong kang taong may sakit, doon ka mahahawa.”
“So iyong hamog o iyong ulan, kahit tayong matatanda ayaw nating nababasa. Pero iyong water itself hindi siya nakakasakit, it’s the act or aksyon mo na paglabas. Hindi nakakasakit ang hamog.”
Larawan mula sa Unsplash
Hindi ang hamog kundi narito ang mga posibleng pagsimulan ng sipon ng iyong sanggol:
Sa mga unang buwan matapos ipanganak, nagde-develop pa lamang ang immune system ng mga sanggol, kaya naman madali silang mahawa ng sakit, at gaya ng sinabi ni Dr. Tiglao, maaari nilang makuha ang virus na may dalang sakit sa ibang tao o sa hangin kapag sila ay lumalabas.
Kung ang iyong anak ay mayroong allergies (sa alikabok o pollen), maaari niyang masinghot ito mula sa hangin sa labas at magsimula ng kaniyang sipon.
Mas mabilis lamigin ang mga baby. Bakit kaya?
Ayon sa Stanford Children’s Health, hindi kaagad nakaka-adjust sa pagbabago ng temperatura ang mga sanggol, at mabilis nawawala ang init sa kanilang katawan, halos 4 na beses na mas mabilis kumpara sa ating matatanda.
Gayundin, ang mga sanggol na ipinanganak na premature at ang mga babies na may mababang timbang ay walang masyadong body fat, at hindi pa nila kayang kontrolin ang kanilang temperature.
Maging ang mga malulusog na sanggol ay mahihirapan ding panatiliin ang tamang temperatura ng katawan kung masyadong malamig ang kanilang kapaligiran.
Isa ito sa dahilan kung bakit binabalot ang katawan ng mga sanggol ng baby blanket. Para tulungan silang mapanatili ang temperatura na nakasanayan niya habang nasa sinapupunan pa natin sila.
Bukod dito, napatunayan sa isang pag-aaral na mas nabubuhay at tatagal ang mga virus, lalo na ang rhinoviruses sa malalamig na klima. Kaya naman kapag malamig ang panahon, mas nagkakaroon ng impeksyon at nagkakasakit ang mga tao.
Huwag paliliguan si baby sa gabi
Kaugnay sa pagbabago ng temperatura ng katawan ng sanggol, nilinaw rin namin kay Dr. Tinglao kung may katotohanan ba ang paniniwalang magkakasakit si baby kapag pinaliguan siya sa gabi.
Gaya ng sinabi niya tungkol sa hamog, ipinaliwanag niya na ang tubig o ang mismong pagpapaligo ay walang kinalaman sa pagkakasakit ng isang sanggol, kundi ang pagbabago ng temperatura.
Pahayag ni Dr. Tiglao,
“In my opinion, ang pagpapaligo ng bata anytime puwede naman. Ang importante lang not the the time of the day, like I mentioned earlier, iyong hamog at rain, it is not the water.It’s how fast you’re gonna do the bathing of your baby.
And at the same time, dapat bibihisan agad. Kasi iyong sudden shift of temperature doon puwedeng magkaroon ng problem ang baby sa kaniyang nervous system.
Masama sa bata iyong from mainit biglang malamig tapos hindi ninyo pa binihisan doon siya magkakasakit.”
Larawan mula sa Unsplash
Ayon sa doktora, maaari namang paliguan ang sanggol ng dalawang beses sa isang araw, siguruhin lang na gagamit ng maligamgam na tubig at mild soap para hindi mairita ang balat ni baby.
“Isang reason pa kung bakit nagiging problem ang paliligo kapag iniinom ng bata ang tubig. Kapag madalas na naliligo, nagkaka-diarrhea sila o amoebiasis kasi naiinom nila iyong tubig sa sobrang dalas nilang maghilamos,” dagdag niya.
Ingatan din na hindi mainom ng sanggol ang tubig para maiwasan ang mga ganitong sakit.
Paano maiiwas sa sakit si baby?
Kaugnay ng mga paniniwalang ito, nagbigay ng ilang mga paalala si Dr. Tiglao para makaiwas sa sakit ang mga baby kapag sila ay lumalabas o pinaliliguan.
Patungkol sa hamog, pinapayo ng doktora na ipagpaliban muna ang paglabas ng bata, lalo na kung wala naman itong importanteng lakad.
“Kaya nga mas maganda lalo na kung baby na baby pa sa bahay lang muna si baby lalo na kung hindi pa kompleto ang bakuna,” aniya.
Limitahan ang paglabas ng bahay ni baby para makaiwas siya sa mga taong may sakit o virus, at kung maaari, ilabas lang siya kung pupunta siya sa ospital para sa kaniyang monthly checkup.
Kung lalabas man ng gabi, siguruhing damitan ng maayos at ibalot ang katawan ni baby, para maiwasan ang pagbabago ng temperatura ng kaniyang katawan.
Gayundin, siguruhin na makukuha ng iyong anak ang mga importanteng bakuna para sa karagdagang proteksyon mula sa mga sakit.
Larawan mula sa Unsplash
Pagdating naman sa pagligo sa gabi, pinaalala ni Dr. Tinglao na ang panganib ay ang biglaang pagpapalit ng temperatura ng katawan ng sanggol. Kaya naman mariin niyang pinapayo na kailangang tuyuin at bihisan agad ang bata pagkatapos nitong maligo.
“Kasi hindi iyong water ang nakakapagpasakit doon, iyong transition na hanginan ka talaga. Kaya make sure kung naliligo ang bata, kunwari nabasa, nagswimming, make sure pag-ahon naka-robe o naka-towel agad.”
Nakakatulong rin ang pagpapadede, lalo na ang skin-to-skin contact para ma-regulate ang body temperature ng bata at mabilis siyang masanay sa temperatura sa kaniyang paligid.
Tandaan: ang lagnat ay isang seryosong sintomas ng sakit sa mga sanggol 4 na buwan at pababa. Kaya kapag napapansin mo na mataas ang temperatura ng iyong anak, dalhin agad siya sa doktor.
Napakarami talagang paniniwala tungkol sa pagpapalaki ng ating anak ang nakasanayan na natin at mahirap nang baguhin. Kaya naman payo ni Dr. Tinglao, kung hindi naman ito nakakasagabal sa kalusugan at kaligtasan ng iyong sanggol, walang masama kung susundin ang mga ganitong pamahiin at paniniwala.
“Pero kung sa tingin ninyo lalo lang siyang magkakasakit, lalo lang siyang hindi tatalino, I think you should always listen to your doctor, to your pediatrician kasi we are here to guide you,” paalala rin ng doktora.
Kung mayroon kang tanong tungkol sa kalusugan ng iyong sanggol, huwag mahiyang kumonsulta sa inyong doktor.
Source:
Stanford Children’s Health,
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!