May iba’t-ibang paraan na ginagawa ang mga tao upang maibsan ang init sa Pilipinas. Ang iba, umiinom ng malamig na inumin, o kaya lumalangoy sa pool, o sa dagat. Pero hindi naman pwedeng palaging gawin ang mga ito. Kaya’t madalas, gumagamit ang mga tao ng electric fan. Ngunit alam niyo ba ang posibleng masamang epekto ng electric fan?
Masamang epekto ng electric fan kapag natutulog
Ayon sa Medical Daily, mayroong mga posibleng masamang epekto ang paggamit ng electric fan habang natutulog.
Heto ang ilan sa mga ito:
- Nagdudulot ito ng sipon at allergic reactions dahil sa alikabok na naiipon sa mga blade ng fan. Kaya’t ugaliing linisin ng mabuti ang mga ito.
- Nakakapagdulot rin ito ng tuyong balat. Mas mapapansin ang epekto nito sa mga taong madalas ay may dry skin.
- Kapag nakatutok sa ulo ang fan, posibleng magising ka na mayroong sipon.
- Nakakatuyo rin ito ng mata, na nagdudulot ng eye irritation.
- Sa mga natutulog na nakabukas ang bibig, ito ay pwedeng maging sanhi ng pagkatuyo ng bibig at lalamunan.
Mabuting epekto ng paggamit ng electric fan
Hindi lang naman dapat ikatakot ang masamang epekto ng electric fan. Madalas, ito rin ay nakakatulong sa atin.
- Nakakatulong ito para magkaroon tayo ng mahimbing na pagtulog, kahit na napakainit ng panahon.
- Napapadali nito ang pagtulog natin dahil sa “white noise” o tunog na nanggagaling sa mga fan.
- Pinapaikot rin nito ang hangin sa kwarto, kaya’t nananatiling maaliwas at presko ang paligid.
Tips para maibsan ang init at gumanda ang pagtulog
Kung tutuusin, madali naman iwasan ang masamang epekto ng electric fan. Kailangan lamang sundin ang mga tips na ito, at siguradong hindi ninyo mararanasan ang mga masasamang epekto nito.
Heto ang ilang mga tips para mas maging komportable ang tulog ninyo ni baby:
- Huwag itutok ng deretso ang fan sa inyo habang natutulog. Ito ay hindi mabuti, lalo na sa mga sanggol, dahil nahihirapan silang huminga.
- Magsuot ng maluluwag at maninipis na tela ng damit. Ito ay upang hindi gaano mainitan at gumanda ang pakiramdam habang natutulog.
- Siguraduhing uminom ng tubig bago matulog. Ang pag-inom ng tubig ay makabubuti sa pakiramdam at makakatulong para manatiling malamig ang inyong katawan.
- Maligo bago matulog. Nakakatulong ito para bumaba ang body temperature, at mainam ito sa mga sanggol para maging mahimbing ang pagtulog.
- Palitan ang kobrekama, at punda ng mga unan upang makaiwas sa dust mites na nagdudulot ng allergy.
Maraming benepisyo ang pagkakaroon ng electric fan, at di hamak na malaki ang tulong nito lalo na sa mainit na panahon. Siguraduhin lang na gamitin ito ng tama at huwag itutok ng direkta ang hangin sa inyong sarili.
Isinalin sa Filipino ni Alwyn Batara
https://sg.theasianparent.com/bad-effects-of-electric-fan
Basahin: May masamang epekto ba ang WIFI sa ating kalusugan?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!