Kung naniniwala ka sa pamamalo, maaaring magbago ang isip mo kapag nabasa mo ito. Narito ang mga masamang epekto ng pamamalo sa bata.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ano ba ang dahilan ng pamamalo ng mga magulang?
- Mga masamang epekto ng pamamalo sa bata
- Anong pwedeng gawin sa halip na paluin ang iyong anak?
Isa sa mga pagsubok na bahagi ng pagiging magulang ay ang pagdidisiplina sa anak. Napakaraming pag-aaral na nagtatalakay ng mga mabubuti at masasamang epekto ng iba’t ibang klase ng pagdidisiplina sa mga bata.
Pero sa usaping ito, may isang katanungan na nangingibabaw at napapalibutan ng maraming debate: Dapat bang paluin ang isang bata?
Ang mabilis na sagot ayon sa science at sa napakaraming child experts: Hindi.
Ayon sa isang pag-aaral na inilathala sa Journal of Family Psychology, hindi epektibong paraan ng disiplina ang pamamalo, at nagdudulot ito napakaraming masalimuot at panghabang-buhay na epekto sa isang tao.
Pero bago natin isa-isahin ang masamang epekto ng pamamalo sa mga bata. Tignan natin kung saan nagmumula ang mga magulang kung bakit nila nagagawa ito.
Bakit ba pinapalo ang mga bata?
Ayon sa isang pag-aaral, ang pamamalo ay nilalarawan bilang “an open-handed hit on the behind, arm, or legs.”
Kung naniniwala ka sa pamamalo, maaaring ito ay dahil napalo ka rin noong bata ka pa.
Iba-iba ang paraan ng pagdidisiplina ang mga magulang. May mga nagbibigay ng parusa, at mayroon din namang mas gustong kausapin ang kanilang anak.
Dito sa ating bansa, isa sa mga paraan ng pagdidisiplina na kinalakihan na natin ay ang pamamalo. Maaaring nagmula pa ito sa ating mga ninuno.
Naniniwala ang matatanda na walang masama sa pamamalo. Sapagkat paraan lang ito para disiplinahin o turuan ng leksyon ang kanilang mga anak.
Alam natin na sadyang makukulit ang mga bata, at minsan, maaari silang mapahamak dahil sa kanilang kalikutan. Kaya para sa ibang magulang, kailangang paluin ang bata para “magtanda” ito at hindi na ulitin ang “masamang” ginawa.
Nakasanayan na natin ito at para sa ilan, walang masama rito kung maganda ang intensyon nila sa pamamalo sa bata.
“Napalo ako noong bata ako, pero okay naman ako ngayon.”
Iyan ang kadalasang katuwiran ng mga magulang na namamalo ng kanilang anak. Masuwerte ka, at mabuti na walang masamang nangyari sa ‘yo, pero hindi ibig sabihin na totoo ito para sa lahat ng batang napapalo.
Sa katunayan, makakakita ka sa mga balita ng mga batang nao-ospital o namamatay dahil sa pagdidisiplina ng magulang.
Ayon din sa bagong pag-aaral na isinagawa sa Harvard University, ang epekto ng pamamalo sa bata ay halos katulad din sa mga epekto ng mas matinding uri ng pang-aabuso, at lubhang nakaka-apekto sa brain development ng isang bata.
Masamang epekto ng pamamalo sa bata
May mabuting basehan ang panawagan ng mga eksperto na itigil ang pamamalo sa mga bata bilang pagdidisiplina. Ayon sa pag-aaral na Spanking and Child Outcomes: Old Controversies and New Meta-Analyses na sinulat ni Elizabeth Gershoff, mayroong higit sa 13 masamang epekto ang pagpalo sa mga bata.
Kung kailangan mo ng mga dahilan para itigil ang pagpalo sa iyong anak. Narito ang ilan sa masasamang epekto ng pamamalo sa bata, ayon sa mga pag-aaral:
-
Maaaring maging bayolente ang isang bata
Ayon sa American Academy of Pediatrics (AAP), ang mga batang pinapalo ng kanilang mga magulang ay may malaking posibilidad na maging bayolente at manakit ng ibang tao.
Kapag pinapalo ang bata, natatatak sa kaniyang isipan na “stronger is right” o kung sino ang mas malakas o may kakayahang manakit ay mas tama o dapat na tularan. Maaari itong gayahin ng bata at saktan rin ang kaniyang kapatid o ibang bata na mas maliit o mahina sa kaniya.
Pinapakita rin nito sa mga bata na maaaring masolusyunan ang isang problema o suliranin sa pamamagitan ng dahas o pananakit.
-
Mabagal na cognitive development
Sa isang pag-aaral noong 2013, nakita ang kaugnayan ng pamamalo sa mga bata at pagbagal ng development ng kanilang isip. Ayon kay Murray Straus, na siyang nanguna sa nasabing pag-aaral, “Spanking also slows down mental development and lowers the probability of a child doing well in school.”
BASAHIN:
Paano disiplinahin ang anak nang hindi sinisigawan o pinapalo?
7 rason kung bakit hindi sumusunod ang bata kahit paulit-ulit ng pinagsabihan
-
Problema sa ugali ng bata na maaari niyang dalhin hanggang pagtanda
Ayon naman sa isang pag-aaral na isinagawa noong 2019, ang pananakit o pamamalo sa bata ay maaring magdulot ng antisocial behavior o problema sa pakikitungo sa ibang tao.
“Decades of data have indicated that spanking and harsh physical punishment increases the likelihood of many poor health, developmental and social outcomes for children and, importantly, no studies have ever shown that spanking is beneficial to the child,” sabi ni Tracie Afifi, na siyang nanguna sa nasabing pag-aaral sa University of Manitoba sa Canada.
Isang nakakabahalang impormasyon mula sa pag-aaral na ito – maaaring dalhin ng isang bata ang masamang pag-uugaling ito hanggang sa kaniyang pagtanda.
Ilan sa mga antisocial behaviors na nakita mula sa mga sumali sa pag-aaral ay ang paglabag sa batas, pagsisinungaling, pananakit, pagnanakaw o pangunguha ng gamit ng iba, pagkawalang-bahala, walang kakayanan na magtagal sa trabaho at mamuhay ng mag-isa, at kawalan ng malasakit sa ibang tao.
-
Nawawalan siya ng tiwala sa sarili
Ayon sa isang pag-aaral sa University of Michigan, ang pamamalo sa mga bata ay maaaring magdulot sa kanila ng mababang self-esteem.
Kapag ang bata ay pinapalo o sinasaktan ng mga taong dapat na pumoprotekta sa kaniya, maaari niyang kuwestyunin ang kaniyang kahalagahan at tanungin sa sarili, “May mali ba sa’kin?”
-
Walang kakayahang kontrolin ang sarili
Isa sa mga importanteng bagay na dapat matutunan ng isang bata ay ang self-regulation, o ang kakayahan niya na disiplinahin o kontrolin ang kaniyang emosyon o reaksyon.
Ang mga batang may mababang self-regulation skills ay mabilis sumuko sa mga pagsubok o gawain, may short attention span at mas mabilis maapektuhan ng stress.
Ayon sa AAP, ang mga batang nakaranas ng pamamalo ay nagkakaroon ng mababang self-regulation skills. “Within a few minutes, children are often back to their original behavior. It certainly doesn’t teach children self-regulation,” sabi ni Dr. Robert Sege na siyang gumawa ng guidelines ng tamang pagdidisiplina ayon sa AAP.
Malinaw ito na hindi talaga mabisang paraan ng pagdidisiplina ang pamamalo.
-
Mental health problems sa pagtanda
Kung sa tingin mo ay walang panghabang-buhay na masamang epekto ang pamamalo sa bata, nagkakamali ka.
Sa isang pag-aaral mula sa University of Michigan, nakita ang kaugnayan ng pamamalo sa posibilidad ng pagkakaroon ng mental health problems gaya ng depression at anxiety.
Ayon sa pag-aaral, ang mga sakit na ito ay maaring magdulot ng mga kalunos-lunos na pangyayari gaya ng suicide, paglalasing o paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
-
Nagkakaroon ang lamat ang relasyon niyo
Kung napalo ka noon, naisip mo ba na, “Masaya ako at mahal ako ng magulang ko para paluin ako?” Malamang ay hindi ang iyong sagot.
Kapag napapalo ang isang bata, nagkakaroon siya ng negatibong reaksyon sa kaniyang magulang o sa taong dapat na nangangalaga sa kaniya.
Para lumaki ng maayos at masaya ang isang bata, kailangan niya ng matibay na relasyon sa kaniyang magulang. Kailangang niyang malaman na kaya niyang pagkatiwalaan ang kaniyang magulang.
Habang bata pa sila, hindi pa nila lubos na maiintindihan ang dahilan ng pamamalo o pagdidisiplina kaya madalas. Nagdudulot ito ng lamat sa relasyon ng anak at magulang.
“It can be confusing and frightening for children to be hit by someone they love and respect, and on whom they are dependent,” ani Gershoff.
Ibang paraan ng disiplina na pwede mong subukan
Sa lahat ng mga pag-aaral na ito, may isang bagay na laging sinasabi: walang mabuting epekto ang pamamalo sa bata. Hindi rin ito mas epektibo kaysa sa ibang paraan ng pagdidisiplina.
Kapag nakakaramdam ng labis na inis sa kakulitan ng iyong anak. Huminga ng malalim at bumilang ng hanggang sampu, bago kausapin ang iyong anak.
Ayon din sa AAP, sa halip na paluin ang iyong anak, subukan muna ang mga “healthy forms of discipline” gaya ng mga sumusunod:
- Kausapin ang iyong anak at ipaalala sa kaniya ang mga tama at positibong pag-uugali.
- Bigyan siya ng sapat na atensyon at pakinggan ang paliwanag ng iyong anak kapag mayroon siyang nagawang hindi maganda.
- Purihin ang bata kapag mayroon siyang ginawang mabuti.
- Magbigay ng rules na dapat sundin sa inyong tahanan. Siguruhing malinaw ito at madaling maintindihan.
- Magbigay ng consequence sa halip na parusahan ang bata. Halimbawa, kapag hindi niya niligpit ang mga laruan niya. Kukunin mo ito at hindi na niya ito pwedeng paglaruan sa buong araw.
- Time out. Kapag hindi siya sumunod sa rules o kapag nagmamaktol o nananakit ang bata. Alisin siya mula sa sitwasyon na iyon at bigyan siya ng oras para kumalma. Sabihin mo rin sa kaniya kung anong mali niyang nagawa.
Maaaring pinalo ka dati at naging ayos naman ang iyong kinalabasan, pero hindi mo masasabi na ganito ang mangyayari sa iyong anak. Gusto natin na matuto sila ng mabuting asal at maging mabuting tao sa hinaharap. Kaya dapat ay magsilbi rin tayong modelo sa kanila.
Source:
Parenting Science, Healthy Children.org