Ang daming nagsasabi na ‘pag may pera ka, sasaya ka. Yes totoo ‘y0n, masaya talaga pag may pera, sobra.
‘Yan yung mga nasasabi ko noong kami pa lang dalawa ng asawa ko, pero noong dumating sa amin ang aming anak, hindi pala talaga totoo ‘yon. Mas masaya pala ‘yong may kumpletong pamilya ka lalo kung nasasama mo sila sa paglilingkod sa Diyos.
Noong dumating ang aming anak, hindi lang emotional, physical, spiritual pero mas financially na-challenge kami kasi kinailangan huminto ng asawa ko sa trabaho para magbantay ng anak dahil ako ang may stable job compare sa kanya.
Ang hirap kasing kumuha ng kasama sa bahay sa panahon ngayon. Ang hirap pala ipagkatiwala ng anak natin sa ibang tao. Pero kahit financially challenged kami, mas nakakaramdam kami ng pagiging kumpleto ngayon. Buti na lang talaga, open-minded ang asawa ko at alam namin dadating ‘yong panahon na makakayanan din namin makaahon basta kapit lang kay Lord.
Masaya pala ang may kumpletong pamilya, masaya pala na kompleto kayong mag-church, masaya pa lang umuwi at umalis sa bahay na alam mong safe ang anak mo dahil panatag ka sa nagbabantay sa anak mo. Aanhin ko nga ba ‘yong marami kaming pera kung magkakaroon naman ako ng agam agam sa safety ng aking anak.
Napakaswerte ko, este napakapalad ko kasi nagkaroon ako ng asawa na ganito. Handang iwan ang kanyang career para sa aming pamilya. Handa maiwan sa bahay para magbantay ng anak. Minsan maiisip natin na ang unfair natin sa kanila pero siguro nasa tamang pag-uusap lang iyon ng mag-asawa.
Siguro kung magkaroon ng pagkakataon na ako naman ‘yong need magsakripisyo, gagawin ko din. Para sa aming pamilya, mahirap pero masaya. Mahirap mag-budget lalo sa panahon ngayon. Mahal ang bilihin, lahat nagmamahal.
Pero mas mahalaga mahal natin ang pamilya natin. Yes, gagawin natin lahat para sa pamilya pero huwag natin kakalimutan na hindi lang pera ang mahalaga sa mundong ito. Isa lang yan sa magpapasaya satin, ang mahalaga pa rin ay may pagmamahalan tayo sa loob ng ating bahay. Maganda man yan o hindi, bago man yan o luma, bato man yan o kahoy.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!