Madalas na sinasabing ang “honeymoon phase” o ang mga unang taon ng buhay mag-asawa ang pinakamasaya. Ngunit alam niyo ba na hindi lang dito nagkakaroon ng masayang buhay mag-asawa?
Ayon sa siyensa, nangyayari daw ito kapag nasa ika-20 taon na ang samahan ng mga mag-asawa. Bakit kaya ito ang pinakamasayang panahon? Ating alamin.
Kailan ba nagkakaroon ng masayang buhay mag-asawa?
Tulad ng buhay ng tao, minsan ay masaya, at minsan malungkot ang buhay mag-asawa. At totoo nga ang kasabihan na kapag natapos na ang “honeymoon phase,” nagsisimula nang mabawasan ang saya sa relasyon.
Bagama’t masaya ang magkaroon ng anak, at pamilya, karaniwang hindi na bumabalik sa dati ang samahan ng mga mag-asawa. Dahil na rin siguro sa dagdag na responsibilidad ng pagiging magulang, kaya minsan ay nawawala na ang saya sa kanilang samahan.
Ngunit ayon sa isang pag-aaral, bumabalik daw ang sayang ito, sa ika-20 na taon ng pagsasama.
Bakit sa ika-20 na taon ito bumabalik?
Isinagawa ang pag-aaral sa 2,034 na mag-asawang may edad na 35-37. Inalam ng mga mananaliksik kung gaano sila kasaya sa kani-kanilang mga relasyon.
At dito, natagpuan nila na ang mga mag-asawang nasa 20 taon nang magkasama ay mas madalas mayroong quality time kumpara sa mga mag-asawang nasa honeymoon phase pa lang.
Ngunit natagpuan ng mga mananaliksik na bumababa ang kaligayahan nila papunta sa kanilang ika-20 na taon. Pero kapag lumagpas na sila dito, nagiging mas masaya na ang kanilang samahan.
Ano ang ibig sabihin nito?
Kung titingnan mabuti ang resulta ng pag-aaral, normal na sa mga mag-asawa ang magkaroon ng mga panahong hindi sila gaanong masaya sa isa’t-isa. Hindi naman nito ibig sabihin na hindi na sila nagmamahalan, o kaya ay ayaw na nila sa isa’t-isa.
Posibleng nagbago lang ang kanilang focus mula sa kanilang relasyon, papunta sa kanilang mga anak at pamilya.
Normal lang ang ganitong pangyayari, at hindi dapat ikabahala ng mga mag-asawa. Ngunit ang kanilang dapat tandaan ay huwag kalimutang mahalin ang isa’t-isa, at huwag hayaang mawala ang init ng kanilang pagsasama.
Ugaliing mag-usap palagi, at kamustahin ang iyong asawa. Mahalaga ang komunikasyon upang mapatibay ang inyong relasyon, at mapatibay rin ang inyong pamilya.
Source: Health
Basahin: 5 Stage ng pag-ibig sa inyong buhay mag-asawa
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!