Ano nga ba ang sikreto para magkaroon ng matalinong anak? Alamin rito.
Mababasa sa artikulong ito:
- Pagdating sa pag-iisip ng bata – may kinalaman ba ang kaniyang kapaligiran?
- Mga paraan para magkaroon ng matalinong anak
Kahit sinong magulang siguro ay nagnanais na magkaroon ng matalinong anak. Siyempre, kapag matalino ang isang bata ay mas angat sila sa paaralan, at mataas din ang posibilidad na umasenso sila sa buhay.
Ngunit hindi lang pala nakabase sa mga genes, o kaya sa natural na kakayanan ng bata ang pagiging matalino. Ayon sa isang pag-aaral noong 2011 mula sa Society for Neuroscience, malaki ang papel na ginagampanan ng kaniyang kapaligiran at mga karanasan sa kaniyang brain development.
“Today’s findings show how our genes and environment work together to influence brain development throughout a lifetime.” ani Flora Vaccarino, MD, isang eksperto sa brain development mula sa Yale University.
Ayon sa mga pag-aaral at mga eksperto, narito ang ilang paraan para matulungan mong ma-develop ang isip ng iyong anak para maging matalino at magtagumpay sa kanilang pangarap:
Mga paraan upang magkaroon ng matalinong anak
1.Kumain ng “Brain Food” habang nagbubuntis.
Ang pagkain ng mga fatty fish tulad ng salmon, trout, at sardines, ay malaki ang maitutulong sa development ng mga bata. Ang fish oil ay mayaman sa Omega 3 fatty acid, na nakakatulong para sa brain development ng bata.
Ayon sa isang pag-aaral, 183 bata na kumain ng mga pagkaing mataas sa omega-3 fatty acids ay nakaranas ng pagtaas ng kanilang performance sa aspekto ng verbal learning at memory.
Kaya’t ugaliing kumain ng mga healthy na isda habang nagbubuntis. Ngunit siguruhing huwag sumobra sa pagkain nito, dahil ang ilang mga isda ay mataas sa mercury na nakakasama naman sa paglaki ng mga sanggol sa sinapupunan.
2. Siguruhing kumakain ng almusal ang iyong anak.
Mahalaga ang pagkain ng almusal sa mga bata dahil bukod sa ito ang ginagawang ‘fuel’ ng mga bata, nakakatulong rin ito sa kanilang concentration sa school.
Siyempre, kung gutom ang iyong anak, mahihirapan siyang mag-focus sa pag-aaral, at maaapektuhan nito ang kaniyang kakayahang matuto.
Mahalaga rin ang almusal dahil nagbibigay ito ng nutrisyong kailangan ng mga lumalaking bata.
3. Siguruhing positibo at puno ng pagmamahal ang inyong tahanan.
Malaki ang epekto ng environment sa pagiging matalino ng iyong anak. Mas natututo ang isang bata sa mga kapaligiran na masaya at mapayapa. Mahalaga rin na iparamdam sa bata ang seguridad at kaligtasan sa paligid niya.
Umiwas sa pag-aaway sa harap ng iyong anak, at hanggat maaari huwag silang sigawan, saktan, o pagsabihan ng masama. Mahalaga ang disiplina, ngunit mahalaga rin ang pagpapakita ng pagmamahal sa iyong anak.
Sa ganitong paraan, mas magiging positibo ang pananaw nila sa buhay, at mas gaganahan silang paghusayin at pagbutihin ang kanilang mga sarili.
4. Huwag masyadong lumipat ng tinitirahan.
Alam niyo ba na ang paglipat ng tinitirahan ay mayroong malaking epekto sa paglaki ng mga bata? Ito ay dahil nagiging sanhi ito ng stress, na nakakaapekto sa development ng mga bata.
Kapag nakahanap na kayo ng tahimik at mapayapang komunidad, mas makakabuti kung mananatili kayo rito at iiwasan ang palipat-lipat ng bahay. Hayaan ang bata na maging komportable sa kaniyang tahanan at magkaroon ng routine.
BASAHIN:
Ituro ang 7 C’s sa bata para lumaki siyang may kumpiyansa sa sarili
STUDY: Stress sa pagbubuntis, maaaring may epekto sa brain development ni baby
5. Umiwas sa maruming hangin.
Ayon sa isang pag-aaral, ang paglanghap ng maruming hangin ay mayroong negatibong epekto sa paglaki ng iyong anak. Ito ay dahil punong-puno ito ng mga toxins at heavy metals na nakakaapekto sa utak ng mga bata.
Importanteng ilayo sila sa mga mausok na lugar, dahil posibleng bumagal ang pag-develop ng kanilang utak dahil sa maruming hangin.
6. Paghusayin ang ‘working memory’ ng iyong anak.
Ang working memory ay ang memory na ginagamit natin sa pang araw-araw na buhay. Mahalaga ito dahil pinapatibay nito ang memory ng iyong anak, at sinasanay ang kanilang utak na palaging gamitin ito.
Tulad ng ibang mga bagay, mas nahahasa at tumatalino ang utak ng tao kapag ginagamit ito. Kaya’t ugaliing sanayin sa mga bagay tulad ng math ang iyong anak, dahil nakaka-boost ito sa kaniyang working memory.
7. Pakinggan ang iyong anak.
Ugaliing kausapin at pakinggan ang iyong anak para matugunan mo ng maayos ang kaniyang mga tanong, at malaman kung saan siya interesado at anong mga bagay ang hindi niya maintindihan. Kung alam mo kung paano mo siya tutulungan, mas mahahasa mo ang kaniyang isip.
8. Bigyan siya ng maraming oras para maglaro.
Ayon mismo sa American Academy of Pediatrics (AAP), “Play is important to healthy brain development.”
Sa pamamagitan ng paglalaro, nahahasa ng bata ang kaniyang kaalaman at natututo sila ng decision-making skills. Sa mga batang edad 7 pababa, mas importante ang pagkakaroon ng maraming oras na maglaro kaysa sa mga academic activities para sa kanilang brain development.
9. I-stimulate ang kaniyang senses.
Maraming pag-aaral na rin ang nagsabi na mahalaga ang sensory play sa pag-develop ng isip ng isang bata. Ito ay dahil kapag ginagamit mo ang bahagi ng iyong katawan o iyong senses, lalong tumitibay ang koneksyon nito sa ating utak, at nananatili ito sa ating memory.
Nakakatulong din ito ang sensory play sa language development.
10. Turuan siya kung paano kontrolin ang kaniyang emosyon.
Konektado rin pala ang ating damdaming sa ating IQ. Ayon sa isang pag-aaral, ang mindfulness at meditation, mga paraan na tumutulong para maging kalmado at makontrol ang ating emosyon, ay may kinalaman rin sa pagkakaroon ng mas mahabang attention span ng mga bata. Nakakatulong din ito para mabawasan ang anxiety at maging mas relaxed ang mga estudyante sa paaralan.
11. Palakasin ang kaniyang pangangatawan.
Siguruhin rin na maayos ang pangangatawan ng iyong anak para maging maayos ang kaniyang brain development. Hikayatin siyang kumain ng masusustansyang pagkain, maging aktibo at magkaroon ng sapat na tulog at pahinga.
Nakakatulong ang pagkain para magkaroon ng energy ang bata para matuto. Ang pagkakaroon naman ng physical activity ay importante para tumaas ang heart rate at magkaroon ng oxygen sa ating utak. Naglalabas din ang katawan ng mas maraming hormones na nakakatulong sa pagdami ng brain cells.
Samantala, kapag tayo ay natutulog, tumataas ang gray matter sa ating brain na may kinalaman sa muscle control, sensory perception, decision-making at self-control.
Bukod dito, nakakatulong din ang pagkakaroon ng sapat ng pahinga sa ating attention span, vocabulary at memory.
12. Hayaan siyang maging malikhain.
Mahilig ba sa arts o music ang iyong anak? Ayon sa mga pag-aaral, nakakatulong din ito para sa kaniyang brain development, dahil pinapatibay nito ang mga synapses sa utak ng bata.
Ang mga neural networks umano na nahahasa sa pamamagitan ng pagtugtog ng mga musical instruments ay siya ring ginagamit ng ating brain sa pagsagot ng mga mathematical equations.
Nakakatulong naman ang pagpipinta para ma-stimulate ang visual processing systems na nagpapatalas ng ating memory at imagination.
13. Kausapin at basahan siya ng madalas.
Ayon sa mga pag-aaral, kahit ilang buwan pa lang ang isang bata at hindi pa naiintindihan ang iyong mga sinasabi, nagagamit at napoproseso na ito sa kanilang utak. Nagkakaroon na ng neural foundation na magagamit nila sa kanilang paglaki.
Kaya naman kung mas marami silang salitang maririnig, mas maganda. Tatalas ang kanilang vocabulary at reading comprehension.
14. I-expose siya (sa ligtas na paraan) sa maraming tao.
Ang pagpapakita sa mga sanggol ng maraming mukha o pagtuturo ng diversity ay nakakatulong din sa kanilang brain development.
Ito ay dahil nagkakaroon na ng koneksyon sa kanilang mga utak ang nakita nilang features at salita ng isang tao at mapapadali sa kanila ang matuto ng ibang mga lengwahe sa hinaharap.
15. Hayaan siyang mag-explore.
Bagama’t importante na masubaybayan mo ang paglaki ng iyong anak, makakabuti rin na turuan mo siyang maging independent. Hayaan mo siyang subukan ang mga bagay nang mag-isa.
Ito ay isang paraan para matuto siya. Kahit magkamali siya ay mayroon pa rin siyang matututunan mula rito – natutunan niya na mayroong consequence ang bawat bagay na gawin nila.
16. Alagaan mo rin ang iyong sarili.
Sa iyo nakasalalay ang paglaki ng iyong anak, kaya huwag mo ring kalimutang alagaan ang iyong sarili para maalagaan mo ng mabuti ang iyong anak at maibigay ang pangangailangan niya.
Mayroon ba talagang sikreto o pormula para magkaroon ng matalinong anak?
Nagugulat ang mga magulang na ang kailangan lang pala nilang gawin ay ang mga bagay na natural na nilang ginagawa para sa bata.
Bigyan mo lang siya ng sapat na oras, pagmamahal at pagkalinga, hayaan siyang maglaro at matuto, at bigyan siya ng kalayaan para ipahayag ang kaniyang sarili.
Bukod sa magiging matalino at matagumpay ang iyong anak, makakasiguro kang lalaki pa siyang isang mabuting tao na siyang tunay na mahalaga.
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio
Source: