Nauso ang OOTD (outfit of the day), selfie, at mga posts na nagsisisigaw ng “look-what-my-mom/dad-gave-me” sa bawat regalo na matanggap. Karamihan sa mga pre-adolescents ngayon ay para bang wala nang ibang iniisip kundi kung ano ang isusuot, anong tatak ng sapatos ang dapat bilhin, o kung mayron bang alahas, kotse, gadgets, cellphone.
Pero, masisisi ba natin sila? Hindi ba’t kung ano ang nakikita sa mga matatanda, ay ginagaya ng bata? Araw araw, puro mga materyal na bagay ang tumatambad sa paningin ng mga kabataan—sa TV, radyo, ads. “Everything everybody wants” ika nga. Dagdag pa dito ay kapag nagkita-kita na ang magbabarkada, at napag-usapan pa ang uso, gusto at dapat bilhin, na nagpapatibay pa sa paniniwala nila na mahalaga nga ang materyal na bagay.
Ang kagustuhan o desire na magkaron pa ng mas madami o higit sa mayron tayo ay isang bagay lang. Ang mas malaking problema ay kapag gusto nila ng luho, pero wala naman silang ginagawang hakbang para makuha ito? O umaasa lang sila na ibibigay ito sa kanila ng mga magulang. Sa isang pag-aaral, nakitang ang mga kabataan ngayon ay may “widening gap between expectations and willingness to work for rewards.” Paliwanag ni Tim Kasser, propesor ng psychology sa Knox College, USA, ang pagbibigay halaga sa pera at pag-aari ay nauugnay sa mga malalaking problema sa kabataan, tulad ng anxiety at depression.
Bigya ng hangganan
Ang pagbibigay ng may kamahalang regalo sa anak bilang reward sa pagiging honor student ay hindi naman maituturing na overindulging, o pagiging labis, sa aking opinyon. Basta ba hindi ito kapalit ng oras at pagmamahal ng magulang. Hindi na siguro tama kung ibibili ang anak ng bagong game console o cell phone, dahil lang hindi ka nakapunta sa basketball game niya. Ito ang isang halimbawa ng pagkukunsinti sa materialistic behavior.
Kung ang iyong anak ay para bang may “sense of entitlement” at binibilang kung kailan o ilang beses lang kayo nakapag-shopping para sa gusto niya, at inaasahan na ibibili sa kaniya ang lahat ng bagay na nakikita niya sa kaibigan niya—AT nagagalit o nagwawala kapag hindi siya nabilhan ng gusto niya—malinaw na pagiging materyoso na ito. Kung inuugnay ng bata ang kaniyang self-worth sa dami at kalidad ng mga materyal na bagay na meron siya, kailangan nang pag-isipan at pag-aralan ang sitwasyon.
Lahat ay nagsisimula sa tahanan
Madali para sa ibang tao ang husgahan ang mga magulang, kapag nakikitang masyadong materyoso ang mga anak nila. Ang palaging sabi: “Sino pa ba ang dapat sisihin, kundi ang mga magulang? Kunsintidor kasi.” Masakit man at wala silang karapatan na sabihin ito, ay may bahid ito ng katotohanan. Maraming mga magulang ang materyoso din, hindi ba? Kaya nakukuha din ng mga anak ang ugaling ito. Ayon kay Kasser at propesor ng psychology na si Jean M. Twenge ng San Diego State University, ang social environment ang naghuhulma sa pagkatao, karakter at ugali ng isang pre-adolescent. Sa isang pag-aaral, na inilathala ng Personality and Social Psychology Bulletin, sinulat ni Twenge na kapag ang buhay pamilya at kondisyong pang-ekonomiya ay hindi stable o matibay, sa materyal na bagay bumabaling ang mga bata.
Sa isa pang pag-aaral, sinasabing ang mga magulang ang dapat sisihin sa ugali at materyosong pananaw na ito ng mga kabataan, dahil kanino pa ba makikita at makukuha ang pagtingin at pagpapahalaga sa pera at materyal na bagay, kundi sa mga magulang na nagpapalaki sa kanila? Kung nakikita nila sa mga magulang na ang pagkakaron ng maraming pera at possessions o pag-aari, at walang tigil na pagkolekta ng mga “magaganda at mamahaling bagay”, matatanim sa isip nila na ang masayang buhay ay iyong may marami kang hawak na pera at pag-aari. Ito ang paniniwala na “the good life” ay “the goods life”. Kung bili na lang ng bili ng lahat ng hingin ng mga anak, tinuturuan mo sila na hindi naman kailangang paghirapan ang anumang gusto, at madali lang itong makukuha—kasi nandiyan si Mommy at Daddy para ibigay ito sa kanila.
Ano ang dapat gawin ng mga magulang?
- Alamin at aralin: saan ba nag-uugat ang pagka-materyoso ng mga bata? Pag-usapan ang materialism, at kung bakit hindi ito mabuting ugali, lalo’t labis na. Idiin na mas mahalagang magpasalamat sa lahat nang meron siya, kaysa mabagot sa mga bagay na wala siya. Kung gusto niya ng bagong sapatos, halimbawa, ipaliwanag na yung kabibili niyo lang na sapatos nung isang buwan ay bago pa, at hindi pa naman sira o laspag. Tanungin at pag-usapan: bakit nga ba gusto niya ng bago palagi? Bakit nga ba gusto niya ng mas marami pa sa meron na siya? Ipaliwanag ang paglilinaw ng kung ano ang “wants” at ano ang “needs”.
- Minsan, pagtawag din ito sa atensiyon ng magulang. Maaaring gusto lang niyang makasama ang mga magulang nang mas mahabang oras, o mas madalas. Baka naman din kasi kapag nagpapabili siya, o tuwing magsha-shopping lang niya nakakasama ang magulang, kaya’t gustung gusto niyang nagpapabili. Maglaan ng oras na kasama ang mga anak: manuod ng sine, pumasyal sa park o museum, mag-jogging, maglakad-lakad, magkuwentuhan. Gawin ang mga bagay na gusto ninyo nang magkasama. Ang kaligayahan ay nakikita sa mga maliliit at simpleng bagay, lalo sa mga hindi nabibili, at walang presyo.
- Ikuwento sa anak kung ano ang ginagawa o trabaho ninyong mag-asawa, at kung magkano ang kinikita, humigit kumulang, para maintindihan niya na hindi galing sa magic ang pera, at pinaghihirapan ninyo ito. Isama sila sa pagba-budget sa bahay. para alam nila kung ano ang mga kailangang pagkagastusan para mabuhay ang pamilya sa araw araw. Dito rin matutunan kung paano magtakda ng mga prayoridad.
- Bakit hindi hikayatin ang mga anak na mag-volunteer, halimbawa sa Habitat for Humanity, o sa World Vision, o di kaya ay sa parish ocommunity ninyo. Dito makikita nila ang mga mas makabuluhang bagay, kung ano ang tunay na kailangan, at hindi puro luho lang. Makikita din nila na may mga batang masaya na kung magkaron ng maayos na tsinelas, o lumang damit, para pamalit sa sira sira nilang gamit. Dito rin matututunan kung ano ang pwedeng gawin gamit ang kanilang mga kamay—magbuo ng bahay, maglinis sa komunidad, magluto para makapagpakain ng mga gutom na bata sa kalye—at hindi puro pindot sa game consoles o computer.
- Bigyang pansin ang mga interes ng anak, kung ano ang pinapanuod, pinakikinggan, binabasa, o tinitingnan sa Internet. Kung puro sites o palabas sa TV na puno ng kung ano ang bagong bag o kotse o makeup ng mga artista o mga milyonaryo ang pinapanuod, dapat itong ipag-alala. Kung alam ng magulang ang napagtutuunan ng pansin ng anak sa social media, TV o pelikula, makikita kaagad kung saan dapat siya gagabayan.
- Pagtuunan ng pansin ang magaganda at mabuting qualities at ugali ng bata, para mapagtibay ang tiwala sa sarili. Kailangan din kasi ng mga kabataan na hindi nila kailangan ng maraming mga materyal na bagay para makaramdam ng positibo tungkol sa sarili. Kung mababa ang self-esteem ng bata, bumabaling sila sa mga materyal na bagay para lang makaramdam ng (panandalian o mababaw na) saya at magkaron ng “sense of self-worth”.
Tandaan: kapag palagi tayong bumibigay sa hiling ng mga abak, at palaging binibigay ang gusto nila, kahit hindi naman kailangan o dapat, pinapausbong lang natin ang ugaling materyoso nila. Alisin ang ugaling “dahil meron ang iba, dapat tayo ay meron din”. Walang mababawas sa pagkatao ninyo kung wala kayong bagong kotse o pinakabagong cell phone. Kung palaging ibibigay ang gusto, hindi matatapos ang “gusto” nila. Patuloy lang na gugustuhin ang kung anu-ano, at mas marami pa, nang hindi na-aappreciate ang meron siya.
BIlang mga magulang, tungkulin natin na magpalaki ng mga kabataan na marunong magpahalaga sa personal responsibility. Wala tayong kontrol sa mga aspetong economic at politikal, pero pwede nating turuan ang mga bata na makapagdesisyon nang tama at makabuluhan, maging responsable, at gastusin ang perang pinaghirapan niya at ng mga magulang niya, nang tama at pinag-isipang mabuti.
“Meron ang kaibigan ko, bakit ako wala?”
Ano ang isasagot mo sa tanong na ito? Narito ang sagot ng ilang magulang:
“Dahil hindi kayo pareho ng magulang, ng kaibigan mo. Ang rules nila sa bahay ay iba sa rules natin sa bahay. At magkaiba ang priorities natin sa buhay.”
—Frances Friend-Ambrosio, mom to Gillian, 16
“Dahil hindi ka tupa, at hindi ka sunud-sunuran sa pastol. HIndi tayo sumusunod lang sa iba. May sarili tayong isip at kaya nating mag-desisyon ng para sa sarili natin.”
—Daisy Arcos-Hall, mom to Natalie, 18
“Earn it, or forget it. Ganon lang kasimple.”
—Anna Reyes-Mestidio, mom to Jan, 20, and Jami,16
Photo from: flickr.com
READ: Paano ba turuan ang iyong anak na maging teen entrepreneur?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!