EML (Expanded Maternity Leave) Law na tumutukoy sa expanded maternity leave sa Pilipinas, pirma nalang ni Pres. Duterte ang hinihintay para ganap ng maging isang batas.
Ayon sa official website ng Senate of the Philippines, ang proposed measure na ito ay kanilang na-endorse sa Malacañang para sa pirma ng Pangulo noong Lunes, January 21.
Expanded maternity leave sa Pilipinas
Ang Expanded Maternity Leave o EML Law ay batas na naglalayong gawing 105 days ang paid maternity leave ng isang mangagawang babae. Mula sa kasalukuyang 60 days leave credits. Ang pitong araw sa leave credits na ito ay transferrable sa mga tatay o asawa ng babaeng empleyado kung kinakailangan. Ito ay dagdag din sa kasalukuyang 7 days’ paternal leave credits ng isang ama.
May dagdag na 15 days naman o total na 120 days leave ang ibinibigay sa mga solo parents alinsunod sa Solo Parents’ Welfare Act.
Pinapayagan rin ng batas na ito na mag-extend ng leave ang mga ina na bagong panganak ng hanggang 30 days bagamat ito ay unpaid na.
Bukod sa dagdag na araw ng maternity leave, tinanggal rin sa ilalim ng batas na ito ang limitasyon sa bilang ng pagbubuntis na sakop ng benepisyo.
Hindi kabilang o exempted sa batas na ito ang mga kumpanya o employer na may 10 tauhan pababa at may puhunan na mas mababa sa P3 milyon.
Samantala, tanging ang mga regular na empleyado lang at hindi kasama ang mga contractual employees ang makakatanggap sa mga benepisyo sa ilalim ng batas na ito.
Ang mga employer o kumpanya naman na hindi susunod sa batas na ito ay maaring mag-multa ng mula P20,000 hanggang P200,000 at maaaring hindi maka-renew ng business permit kung lalabag sa panukalang batas.
Benepisyo ng expanded maternity leave sa Pilipinas
Ang bayad sa 105 days leave credits ng isang babaeng manggagawa ay magmumula sa pinaghating pondo ng Social Security System o SSS at ng employer na pinagtratrabahuan. Samantalang, Government Service Insurance System o (GSIS) naman ang bahala para sa mga kawani ng gobyerno.
Ikinatuwa naman ng mga grupo ng mga kababaihan at manggawa ang proposed na batas na ito na itinuturing nilang “historic” at “revolutionary.” Ito daw ay dahil ang huling beses na nadadagdagan ang leave credits sa Pilipinas ay noong 1992 pa na 26 years ago na, ayon kay Senator Risa Hontiveros.
Kung ganap na itong batas, ang EML law ay magbibigay ng sapat na oras para sa mga expectant mothers para sa mas maayos na kondisyon at healthy delivery. Sinusuportahan din ng batas na ito ang mahalagang role na ginagampanan ng mga tatay sa pagpapalaki at pag-aalaga ng kanilang mga anak, dagdag pa ni Hontiveros.
Ayon naman kay Akbayan Representative Tom Villarin, ang batas daw na ito ay maganda para sa mga ina at sa kanilang mga anak pati narin sa ekonomiya. Ito daw ay dahil may mga pag-aaral na nagsasabing ang mga bansa na may mahabang maternity leaves ay mas nadadagdagan ang productivity at mas nagkakaroon ng harmonious working relation.
Itinuring naman itong isang katarungan at tagumpay ng grupong Trade Union Congress of the Philippines.
Kung hindi mapipirmahan ng Pangulo ang proposed measure na ito ay automatically na itong magiging batas matapos ang 30 days ng ma-isumite ito sa kaniyang opisina.
Sources: ABS-CBN News, Philstar, ABS-CBN News
Basahin: SSS Maternity Benefits: Paano Ka Makakakuha Nito?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!