Hindi biro ang pagiging ina. Bukod sa pag-aalaga sa kanilang mga anak, ay madalas ang mga ina pa ang nag-aasikaso sa buong bahay. Mula sa pagluluto, paghuhugas ng pinggan, paglalaba, pamamalantsa, lahat ng ito ay ginagawa ng mga ina. Kaya hindi na nakapagtataka na madalas silang nakararanas ng matinding pagod.
Ngunit ang nakapagtataka ay kahit sa mga pamilyang naghahati ng trabaho ang ina at ang ama, madalas ay palagi pa ring pagod ang mga ina. Ano nga ba ang dahilan nito, at ano ang magagawa ng mga ina upang hindi sila palaging pagod?
Ano nga ba ang sanhi ng matinding pagod ng mga ina?
Ayon kay Dr. Lucia Ciciolla, isang assistant professor of psychology sa Oklahoma State University, ito raw ay dahil sa dami ng responsibilidad ng mga ina. Ayon sa kaniya, hindi lang raw pisikal ang mga responsibilidad ng ina. Pati ang pag-aalala sa pagbili ng grocery, pagbabayad ng mga bills, pag-iisip kung ano ang kakainin; lahat ng mga ito ay inaalala ng mga ina.
Ang ‘invisible workload’ na ito ang dahilan kung bakit madalas ay nakararanas ng matinding pagod ang mga ina. At hindi biro ang negatibong epekto nito para sa kanilang kalusugan.
Sa isinagawang pag-aaral ng team ni Professor Suniya Luthar mula sa Arizona State University, pinag-aralan nila ang epekto ng invisible workload na ito sa kalusugan ng mga ina. Ginawa nila ang pag-aaral sa 393 na mag-iina, nay ang mga anak ay edad 18 pababa.
Natagpuan ng mga researchers na karamihan sa mga ina ay aminadong nakakaras sila ng stress kahit stay-at-home moms ang karamihan sa kanila. Madalas raw ay sila ang nagpaplano ng schedule ng kanilang pamilya, at sila rin ang responsable pagdating sa pag-aalaga ng kanilang mga anak. Dahil dito, marami sa kanila ang nakakaranas ng ’emptiness’ sa kanilang mga buhay.
Ayon pa sa mga researchers, posible raw na ang sanhi ng pagod ng mga ina ay dahil sa dami ng responsibilidad na kanilang pinanghahawakan. Hindi biro ang pinagdaraanan ng mga ina, at hindi ito dapat binabalewala.
Karamihan din sa mga ina ay inamin na hindi pantay ang nagiging responsibilidad nilang mag-asawa sa bahay. Madalas ay busy sa trabaho ang kanilang mga asawa, kaya’t karamihan ng gawaing bahay ay napupunta sa kanila. Kahit raw sa mga inang nagtatrabaho, mabigat pa rin ang responsibilidad na nakapatong sa kanila.
Paano ito masosolusyonan?
Ang isang mabuting paraan upang maibsan ang nararanasang pagod ng mga ina ay ang pagbibigay ng emotional support. Kailangang tulungan ng mga mister ang kanilang mga misis, at hindi balewalain ang mga responsibilidad nila sa bahay.
Bukod dito, kailangan na tumulong din ang mga mister sa decision making sa tahanan. Hindi sapat na ang mga ina lamang ang palaging nag-aasikaso ng mga gawain sa bahay. Importante ang papel ng mga mister upang mabawasan ang pagod na nararanasan ng kanilang mga asawa.
Mahalaga rin na maglaan ng panahon ang mga ina para sa kanilang sarili. Kung ang mga nagtatrabaho sa opisina ay nakakaranas ng burnout, ganun rin ang mga ina. Kinakailangan din minsan ng mga ina na lumayo muna sa kanilang mga gawaing bahay at maglaan ng oras upang makapagrelax at makapagpahinga sila.
Kaya’t hindi dapat hinahayaan ng mga mister na ang mga misis nila ang gumagawa ng lahat ng trabaho sa bahay. Pagdating sa pag-aalaga ng mga bata ay kinakailangang mas hands-on din ang mga ama. Kailangan 50-50 ang hatian ng mga mag-asawa pagdating sa kanilang mga responsibilidad. Ito ay upang maging mas masaya ang kanilang pagsasamahan, at upang maging masaya rin ang kanilang mga pamilya.
Source: Health Medicine Net
Basahin: Shamcey Supsup on motherhood: “Lahat ng pagod, sacrifices, it’s all worth it when I see my baby”
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!