May rabies ba ang tuta? Alamin sa artikulong ito ang sagot, pati na ang sumusunod:
- Mga sintomas na may rabies infection ang iyong alaga at ano ang agad na dapat gawin.
- Paraan kung paano ka at iyong alagang hayop ay makakaiwas sa rabies infection.
May rabies ba ang tuta?
Nitong 2018 isang 37-anyos na babae ang inireklamo na siya ay nakagat ng kaniyang 2 ½ month old na tuta habang ito ay pinapakain niya.
Sa pag-aakalang wala namang rabies ang napakabata pang tuta ay hindi nagpunta sa doktor ang ginang at nagpabakuna ng anti-rabies.
Hindi niya rin hinugasan ng sabon at tubig o kahit anong antiseptic ang sugat na nakuha niya sa kagat ng kaniyang tuta. Matapos ang isang buwan at kalahati ay nagsimulang magkaroon ng takot sa tubig ang ginang.
Siya ay dinala sa ospital noong June 9, 2018 at namatay tatlong araw ang makalipas. Ang kuwento na ito ng nasabing ginang ay tampok sa isang pag-aaral na nailathala sa Indian Journal of Applied Research.
Konklusyon at sagot ng ginawang pag-aaral, kung may rabies ba ang tuta na edad na 3 buwan pababa ay oo. Kaya naman mahalagang maging maingat at pabakunahan agad ang iyong alaga laban sa impeksyon.
Ano ang rabies infection?
Ang konklusyon na ito ng ginawang pag-aaral ay maiuugnay sa naging pahayag ng infectious disease specialist na si Dr. Arthur Dessi Roman.
Ayon sa kaniya, ang rabies ay madalas na nakukuha ng mga aso. Bagamat puwede ring ma-infect nito ang ibang hayop at kahit na tayong mga tao. Pahayag niya,
“Ang rabies (ay) maaaring makuha sa iyong mga aso puwede ring makakuha iyong pusa at puwede nilang mai-transmit.
Basically, all the mammals can harbor and transmit rabies at sa mammals kasama ang mga tao diyan. Kaya maaari tayong mahawa at mag-transmit din ng rabies from our pets.”
Ayon naman sa World Health Organization, ang rabies ay isang viral disease na naihahawa ng mga mammals o hayop sa mga tao. Ito ay nagdudulot ng acute encephalitis na kung saan makikita sa pagiging aggressive o pagka-paralyze ng isang taong infected nito.
May rabies ba ang tuta?/Image from Pexels
Paano ito nahahawa?
Base naman sa WebMD, ang rabies ay na-sesecrete sa laway o saliva. Kaya naman ang madalas na paraan ng pagta-transmit nito ay sa pamamagitan ng kagat ng hayop na infected ng sakit.
Sa oras na ang kagat na ito ay nagdulot ng sugat sa biktima ang virus ay maaaring makapasok sa kaniyang bloodstream. Posible rin na makapasok ang virus sa katawan sa oras na nadilaan ng isang hayop na infected ng virus ang isang sugat o open wound.
Dagdag pang pahayag ni Dr. Roman ang rabies ay may 99.99% fatal rate. Ibig sabihin ay napakataas ng tiyansa ng isang tao na masawi sa oras na ma-infect ng virus na ito.
Sa katunayan, base pa rin sa data mula sa WHO, dito sa Asya ay may isang namamatay dahil sa rabies kada 15 minuto. Nasa 40% sa mga ito ay mga batang edad 15-anyos pababa.
BASAHIN:
Simpleng lagnat, sintomas na pala ng rabies!
#FirstAid: Mga dapat gawin kapag nakalmot o nakagat ng pusa
Mga kailangang tandaan kapag nakagat ng daga o iba pang hayop
Ano ang mga sintomas ng may rabies ang iyong alaga?
Para maiwasan ang panganib ng rabies ay dapat malaman ang sintomas nito na maaring maipakita ng iyong alaga sa oras na siya ay infected ng virus.
Ayon kay Tammy Hunter at Ernest Ward, parehong Doctor of Veterinary Medicine, ang mga asong may rabies infection ay unti-unting magpapakita ng pagbabago sa kanilang ikinikilos o galaw.
Ito ay maaaring sa loob ng mga susunod na sampung araw matapos ma-infect ng virus o hanggang apat na buwan. Nakadepende ito sa bahagi ng katawan na nakagat o naimpeksyon. Pati na sa lala ng sugat na natamo at na-infect ng rabies.
Madalas, sa prodromal phase o sa unang 2 o 3 araw ng rabies infection sa isang aso ay makikitaan na siya ng pagbabago sa kaniyang ugali.
Ang mga normal na tahimik na mga aso ay maaaring maging agitated o hindi na mapalagay. Habang ang mga active na aso ay maaaring biglang maging nerbyoso o mahiyain.
Kasunod nito ay maaari na silang magpakita ng mga nakasunod-sunod na sintomas bago tuluyang masawi.
- Pagiging agresibo ng biglaan.
- Abnormal na pagkain.
- Pag-nguya ng mga bato, basura o lupa.
- Paglalaway.
- Hirap na makalunok.
- Sensitive sa mga galaw, ingay o ilaw.
- Lagnat.
- Seizures.
- Pagka-paralyze.
- Pagkamatay.
Ano ang dapat gawin sa oras na magpakita ng sintomas ng rabies infection ang iyong alaga?
Photo by Lucas Pezeta from Pexels
Sa oras na mapansing nagpapakita ng sintomas ng rabies infection ang iyong alaga ay dapat agad itong ipaalam sa kaniyang doktor o veterinarian.
Makakatulong din kung pupuwede na siguraduhing hindi makakalabas o walang makakalapit sa iyong alagang nagpapakita ng rabies infection. Ito ay para maiwasang maihawa niya pa ang rabies sa iba.
Paglilinaw ni Dr. Roman, hindi lahat ng agresibong hayop ay may rabies na. Kahit na hinihinala mong may rabies ang iyong alaga ay dapat pakitunguhan pa rin siya ng maayos sa loob ng dalawang linggo na inoobserbahan ang kondisyon niya.
“Iyong mga hayop na nababaliw, naglalaway, nagiging agresibo those are signs of symptoms ng rabies sa animal. Pero not all aggressive animals ay may rabies.”
“Dapat kapag nakagat ng iyong hayop io-observe sa loob ng dalawang linggo. Sa oras na inoobserbahan sila ay dapat silang itrato ng maayos,” pahayag pa ni Dr. Roman.
Samantala, walang lunas sa rabies infection sa mga hayop. Kaya naman kung makumpirma na may rabies ang iyong alaga ay wala ng ibang puwedeng gawin kung hindi bigyan siya ng euthanasia o siya ay patayin nalang.
Paano maiiwasan ang rabies infection?
Kaya naman payo ni Dr. Roman, para maiwasan ang rabies infection ay dapat agad na mapabakunahan ang iyong alaga laban dito.
Hindi lang ang iyong alaga, ikaw at ang mga miyembro ng iyong pamilya ay dapat ding mabigyan ng bakuna laban sa impeksyon. Ito ay para makasigurong protektado kayo sa peligrong dala ng virus na ito.
“Pre-exposure prophylaxis o PreP is the vaccination given before the exposure. O bago ka pa man magkaroon ng exposure sa isang rabies animal. Because you know na you are an individual na high risk of that exposure you received the vaccine ahead of time.”
Ito ang tawag sa anti-rabies vaccine na maaaring magbigay proteksyon sa iyo laban sa sakit.
Maliban sa pagbabakuna, makakatulong din ang mga sumusunod na tips para makaiwas sa rabies infection ang iyong alaga.
- Panatiling nasa loob ng inyong bakuran o itali ang iyong aso sa tuwing kayo ay nasa pampublikong lugar.
- Huwag iiwanan ang isang maliit na bata kasama ang alagang hayop.
- Siguraduhing updated ang bakuha ng iyong alaga.
- I-supervise din ng maayos ang iyong alaga para hindi ito makalapit sa mga wild na hayop.
- Ipaalam agad sa inyong local animal control agency kung may pakalat-kalat na aso o hayop sa inyong lugar.
- Huwag pumagitna sa nag-aaway na hayop.
- Iwanan ang mga hayop sa tuwing kumakain.
- Huwag lumapit o makipaglaro sa mababangis na hayop.
People photo created by user18526052 – www.freepik.com
First aid sa kagat ng aso
Sa oras na makagat naman ng iyong alaga o ibang aso ay mabuting matutunan ang first aid na dapat gawin. Ayon kay Dr. Roman, ito ang tamang first aid sa kagat ng aso. Matapos isagawa ito ay agad na magpunta sa doktor at magpakuna kung hindi pa nabibigyan ng anti-rabies vaccine.
“Ang tamang first aid is to wash the wound with soap and water ng 15 minutes in running water.
Hindi dapat nilalagyan ng bawang ang sugat kasi irritant sa balat ang bawang. Kapag kiniskis mo iyan sa manipis na part ng balat magsusugat iyan.
And we don’t want that to happen sa area na may kagat. Kasi kapag may area sa kagat na nasugatan that becomes another portal of entry for the rabies virus.”
Ito ang paliwanag pa ni Dr. Roman.
Source:
Pets WebMD, VCA Hospitals, WHO, Research Gate
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!