Nasa 39% umano ang itinaas ng kaso ng measles at rubella sa bansa. Ito ay ayon sa datos ng Department of Health.
Kaso ng measles at rubella pumalo ng higit 2,000
Lampas 2,000 kaso na umano ng measles at rubella ang naitala ng Department of Health (DOH). Ayon sa latest data ng DOH, nasa 2,264 kaso ng nasabing sakit ang naitala noong April 27. Tinatayang nasa 39 percent ang itinaas nito kung ikokompara sa 1,627 na naitala noong April 6.
Sa kabila nito, patuloy naman umano ang pagbabakuna kontra measles at rubella ng DOH. Katunayan, nasa 1,166,299 mga bata sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang nabakunahan na kontra measles o tigdas simula noong May 1.
Ayon sa DOH, malapit na nilang maabot ang target na 1.3 million vaccinees. Ito ay kaugnay ng kanilang Measles Outbreak Response Immunization Program sa BARMM, na nagsimula noon pang April 1.
Ayon sa artikulo ng Philstar Global, na may pamagat na Measles, Rubella Cases Up 39 Percent, isinagawa umano ang vaccination drive na ito matapos na ideklarang mayroong measles outbreak sa rehiyon.
Sa Bangsamoro umano nagmula ang 48% ng measles cases na naitala sa bansa simula noong January.
DOH may paalala sa mga magulang
Paalala ng DOH, bagama’t ano mang edad ay maaaring tamaan ng measles at rubella, mas karaniwan ang sakit na ito sa mga bata. Kaya naman, payo ng ahensya sa mga magulang na dalahin ang kanilang anak sa pinakamalapit na health facility upang pabakunahan ang mga ito kontra tigdas at rubella.
Maging maingat din sa kapaligiran dahil nakahahawa ang sakit na ito. Posibleng kumalat ang sakit na ito mula sa infected na tao sa pamamagitan ng hangin. Kung uubo o babahing ang taong may tigdas at rubella, posibleng makahawa siya.
Dapat ding bantayan ng mga magulang ang mga sintomas ng measles at rubella. Tulad ng mataas na lagnat, ubo, runny nose, at pantal o rashes.
Kung makitaan ng ganitong mga sintomas ang inyong anak, agad na dalahin ito sa doktor upang mapatingnan at malapatan ng akmang paggamot.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!