Hanggang ngayon ay tila hindi pa rin nababawasan ang mga kaso ng measles sa bansa. Ayon sa DOH ay nasa 261 na raw ang patay at mahigit 16,000 na kaso ang naiulat dahil sa measles outbreak. Labis na nakababahala ang dami ng kaso dahil mabilis sanang naagapan ang sakit na ito.
Measles outbreak sa Pilipinas, tuloy tuloy pa rin
Base sa naging ulat ng DOH, karamihan raw sa mga kaso ay nangyari sa CALABARZON kung saan 3,877 na raw ang kaso, at 78 na ang namatay. Sunod naman ang NCR na may 3,617 kaso at 76 na namatay. Dagdag pa ng DOH, mga batang nasa edad 1-4 raw ang madalas na biktima ng measles. Ang mga sanggol naman na 9 buwan pababa ang mga sunod na biktima.
Bukod dito, 80% raw ng mga namatay ay hindi nabakunahan laban sa measles. 60% naman ng mga nagkaroon ng measles ay hindi nabakunahan laban sa sakit.
Ito rin ang dahilan kung bakit pinaiigting ng DOH ang kanilang kampanya laban sa measles. Tuloy tuloy pa rin ang isinasagawa nilang pagbabakuna sa iba’t-ibang rehiyon upang masugpo ang outbreak na ito.
Mahalaga ang measles vaccine dahil ito lang ang paraan upang makaiwas sa sakit na ito. Bukod dito, mga bata rin ang madalas na tinatamaan ng sakit, kaya’t importanteng mabakunahan sila ng measles vaccine.
Measles vaccine, pangunahing panlaban sa sakit
Pagdating sa sakit na measles, ang pagpapabakuna ay ang pangunahing paraan upang makaiwas na ito. Bukod sa nakakatulong ito na makaiwas sa sakit, nabibigyan rin nito ng “herd immunity” ang mga bata na hindi pa puwedeng bakunahan nito.
Ang herd immunity ay ang pagkakaroon ng “immunity” ng isang tao sa sakit dahil nabakunahan ang mga tao sa paligid niya. Ibig sabihin, walang makakahawa sa kaniya dahil karamihan sa population ay hindi nagiging carrier ng sakit. Mahalaga ito sa mga sanggol at sa mga batang hindi pa puwedeng bigyan ng bakuna. Ito lang ang tanging paraan para masiguradong ligtas sila sa mga nakahahawang sakit.
Kaya’t mahalaga sa mga magulang na siguraduhin na immunized sila at ang kanilang mga anak laban sa sakit. Hindi lang ito makakatulong para sa kanilang pamilya, kundi pati na rin sa ibang mga bata.
Ligtas ang measles vaccine
Basta’t galing sa lisensyadong doktor o kaya ospital, walang dapat ikabahala ang mga magulang sa measles vaccine. Ito ay napatunayan nang epektibo laban sa measles, at wala rin itong side effects na makakasama sa mga bata.
Hindi dapat paniwalaan ang iba’t-ibang mga articles sa internet na nagsasabing nagiging sanhi ng measles ang autism. Fake news ang mga balitang ito, at hindi nakakatulong upang makaiwas sa sakit.
Nagsasagawa rin ng libreng immunization sa mga health center ang gobyerno, kaya mabuting bumisita rito ang mga magulang. Libre at safe ang mga bakunang ito, at makakatulong upang masiguradong malakas at walang sakit ang inyong mga anak.
Source: Inquirer