Ang bakuna o vaccine ay isang biological na preparasyon sa isang katawan ng tao para mapalakas ang resistensya nito laban sa partikular na sakit. Ang ibang bakuna nga tulad ng para sa Hepatitis B at BCG o anti-tuberculosis vaccine ay ibinibigay sa mismong pagkasilang ng isang sanggol na mahina pa ang katawan at immunity laban sa iba’t-ibang karamdaman.
Bagamat mahigpit at paulit-ulit na ipinapaala ng mga health agencies gaya ng DOH ang kahalagahan ng pagpapabakuna lalo na sa mga baby ay naitalang bumaba ang bilang ng mga batang nabakunahan sa Pilipinas nitong 2018.
Mula sa 90% na target ng DOH ay naitalang 60% lang ng mga bata ang nakatanggap ng kanilang vaccinations alinsunod sa kanilang schedule. Ito ang itinuturong dahilan ng pagtaas ng bilang ng mga batang nagkasakit gaya ng measles o tigdas na may naitalang 17,298 kaso nitong 2018 na 367% na mas mataas sa naitalang 3,706 na kaso noong 2017.
Ayon sa DOH, ang dahilan ng malaking pagbabago sa vaccination rate at pagtaas ng bilang ng mga nagkasakit ng 2018 ay ang pag-ayaw ng mga magulang na mabakunahan ang kanilang anak. Ito ay dahil sa mga impormasyong kumakalat na ito daw ay nakakasama pa lalo sa kalusugan ng isang tao na pinabulaanan naman ng DOH pati ng WHO.
Ang mga maling impormasyong daw gaya nito ay nagiging dahilan diumano ng paglanap ng sakit sa buong mundo. Isa nga sa vaccine na kinokontra at sinasabing masama sa kalusugan ay ang MMR o measles vaccine na may maling impormasyong kumakalat gaya ng sumusunod:
10 maling impormasyon tungkol sa bakuna sa measles (tigdas) o MMR
1. Ayon sa mga anti-vaxxers, ang isang tao daw ay mas magiging malusog kung magkakaroon ng measles o tigdas. Ang maling paniniwala na ito ay nagsimula bago pa man na-introduce ang measles vaccines noong 1960s.
Ang pagkakaroon daw ng tigdas ay isa sa normal na pinagdadaanan ng mga bata. Kaya naman ang mga magulang noon ay sinusubukang magkaroon ng tigdas ang kanilang anak dahil din sa paniniwala na mas magiging malala ito kung tatama kapag sila ay lagpas 18 years old na.
Ngunit ayon sa mga pag-aaral, ang mga baby daw na nagkakaroon ng tigdas sa mura nilang edad ay mas payat at naitalang mas magaan kumpara sa mga infants na hindi pa nagkakaroon nito. Ayon parin sa parehong pag-aaral, ang pagkakaroon ng tigdas ay may lasting effect sa growth o paglaki ng isang bata.
Ang mga bata din daw na nagkaroon ng tigdas na limang taong gulang pababa at adults na 20 years old pataas ay mas mataas ang tiyansang magkaroon din ng kumplikasyon gaya ng ear infection at diarrhea.
2. Isang doktor ang na-discredit matapos paniwalain ang maraming tao na ang ang measles vaccine daw ay maaring maging dahilan ng autism sa mga bata.
Na-discredit ang isang doktor na pinangalanang si Andrew Wakefield matapos mapatunayang walang katotohanan at money motivated ang research niya tungkol sa link ng autism at measles vaccination.
Ito ay napatunayan matapos lumabas sa resulta ng iba pang pag-aaral na mas bumaba ang kaso ng mga batang namatay dahil sa measles sa US ng ma-invent ang measles vaccine.
Mula ng hindi pa naiimbento ang vaccine ay naitalang 400 na bata ang namamatay sa US taon-taon dahil sa measles. Ayon naman sa Centers for Disease Control and Prevention o CDC mula noong 1994-2013, naitala namang napigilan ng vaccine ang pagkalat ng 70,000 measles case sa US pati ang 8,800 case ng hospitalization at 57 deaths.
Isa sa last known measles death sa US ay ang isang Washington woman na namatay noong 2015 na may mahinang immune system dahil sa pneumonia na naging dahilan para magkaroon rin ito ng measles. Ang kaso ng matandang babae rin na ito ay isang halimbawa ng ilang tao na hindi puwedeng bigyan ng vaccine dahil sa mahinang immune system.
3. Ayon sa mga anti-vaxxers, dahil ang measles ay isang live virus ang pagpapa-bakuna diumano nito ay nakakahawa para sa ibang tao. Ito ay hindi totoo.
Ang measles vaccine ay ang pinahinang version ng live virus at hindi ito nakakahawa matapos mai-inject sa isang tao. Bagamat maaring makaramdam ng masakit na braso, rash sa paligid ng pinag-injectionang bahagi ng katawan na may kasabay na lagnat ang taong nabigyan ng measles vaccine, ito ay normal na reaksyon lang ng katawan na nagsisimulang magkaroon ng immunity laban sa sakit.
Ngunit ang mga batang na-infect ng mismong live virus ay maaring maihawa ang sakit ilang linggo matapos gumaling sa infection na dulot ng measles o tigdas. Ang mga taong infected ng sakit na ito ay maaring hindi alam sa simula na sila ay may measles o tigdas dahil sa pagkakapareho ng sintomas nito sa sipon o common colds gaya ng runny nose, cough, fever at pink eyes.
Ang measles din ay maaring manatili sa hangin ng dalawang oras matapos umalis ang taong may dala ng virus nito.
4. Ayon parin sa mga anti-vaxxers, ang mga vaccines daw ay paraan ng mga drug companies para kumita ng pera. Ngunit mas kumikita ang mga pharma companies kung mas maraming tao ang magkakasakit.
Ang isang bakuna o vaccine ay madalas na nagkakahalaga ng P600 pataas kada shot ngunit libre rin naman sa mga pampublikong health centers. Sa presyong ito ng isang vaccine na may isa o dalawang dose ay may lifetime protection ka na mula sa sakit kumpara sa magagastos mong pambili ng gamot kung ikaw ay magkakasakit.
Isang magandang halimbawa nga nito ay ang Lipitor, isang anti-cholesterol drug na kumita ng $12 billion noong 2005 na mas malaki kumpara sa pinagsamang kita ng vaccine market.
Ayon nga kay Bill Gates, ang vaccines daw ay mas nagbibigay pa ng mas magandang return ng investment kesa sa stock market. Sa kada dolyar nga na nakalaan sa vaccine para sa measles, mumps at rubella o MMR vaccine ay may naise-save na $14 to 26$ sa healthcare costs sa US.
5. Ang measles vaccine daw ay maaring makapagdulot ng seizures sa mga bata. Ito ay hindi totoo. Ang febrile seizures ay natri-trigger dahil sa lagnat na dulot naman ng sakit na measles o tigdas. Kaya ang mas mataas na kaso nito dahil sa hindi pagbabakuna laban dito ay nangangahulugan rin ng mataas na kaso ng lagnat o fever sa pangkalahatan.
Ayon kay Alan Welnick, isang public health director sa Clark Country USA, ang isang bata na may lagnat ay maaring makaranas ng febrile seizures. Ito daw ay mukhang nakakatakot tingnan pero typically benign o hindi nakakapagdulot ng long term health problems sa mga bata.
Dagdag pa niya ang measles ang maaring makapagdulot ng lagnat at seizures at hindi kailanman ang vaccine para labanan ito.
6. Ang bakuna o vaccine ay hindi nakakapagdulot ng encephalitis ngunit ang pagkakaroon ng measles o tigdas ay maaring maging dahilan ng brain swelling condition na ito.
Ang encephalitis ay ang pamamaga sa utak na dulot ng isang viral infection o abnormality sa immune system na umaatake sa brain tissue. Isa nga sa viral infection na nagdudulot ng encephalitis ay ang measles na kung saan 1 sa 1,000 taong tinamaan nito ay nakaranas ng brain swelling o pamamaga sa utak.
Maliban dito ang iba pang kumplikasyon na dulot ng measles ay maari ring makaapekto sa iba pang organ system sa katawan ng tao.
Bagamat kokonti ang naitalang namatay dahil sa measles o tigdas, nagiging dahilan naman ang measles para magkaroon pa ng mas seryosong sakit ang isang tao gaya ng pneumonia, croup, seizures, appendicitis, hepatitis, corneal scarring, blindness at renal failure.
7. Walang mercury ang measles vaccine.
Ayon parin kay Melnick, walang mercury ang measles vaccine. Ang paniniwala na ito ay maaring nag-ugat daw ng pagkalito sa pagitan ng flu vaccine at measles na kung saan ang isang klase ng mercury ay ginagamit bilang preservative sa flu vaccine. Ngunit hindi naman ito delikado at hindi nagdudulot ng neurological problem.
8. Ang pagkakaroon daw ng sapat na vitamin A ay isang paraan para hindi na magkaroon ng measles ang isang bata. Hindi rin ito totoo.
Ang kakulangan sa vitamin A o Vitamin A deficiency ay mas nagpapahirap sa katawan ng isang tao upang labanan ang lahat ng uri ng infection gaya ng measles. Ngunit ang pagkakaroon ng sapat na vitamins na ito ay hindi rin kayang pigilan ang katawan na magkaroon measles o tigdas.
Ang maayos na pangangatawan o access sa masusustansiyang pagkain o nutrisyon ay isang paraan para lang malabanan ang measles at makaiwas sa kumplikasyon. Ngunit hindi ito isang garantiya na hindi na magkakaroon ng measles ang isang tao.
9. Ayon sa mga anti-vaxxers, may mga taong namatay na daw dahil sa measles vaccine.
Bagamat may mga taong naitalang namatay pagkatapos mabigyan ng measles vaccine hindi naman daw ito ang naging dahilan ng kanilang kamatayan.
Ilan sa nagiging dahilan ng pagkamatay sa isang tao matapos mabakunahan ng measles vaccine ay severe immunodeficiency at severe allergic reactions na maari dapat malunasan kung ang pagbabakuna ay ginawa sa isang clinic o hospital.
10. Ang ibang magulang ay nagsasabing hindi na muna nila papasukin sa school ang kanilang anak hanggang mawala na ang virus. Hindi na dapat itong mangyari dahil ang mga vaciines ay 93% effective sa unang dose at 97% effective sa pangalawang dose.
Ayon sa CDC, tatlo sa 100 na tao na nabigyan ng MMR vaccine ay maaring magkaroon ng measles kung ma-expose sa virus. Ngunit ang measles na dumapo sa mga taong ito ay mas mild at mas mababa ang tiyansang maihawa sa ibang tao.
Ayon parin sa isang report ng CDC noong 2017, dapat magmula noong 2000, ang mga measles vaccine campaigns sa buong mundo ay nakapag-contribute na sa 87% decrease sa reported measles incidence at 84% reduction sa estimate measles mortality and nakapagpaiwas ng 20.4 million number of deaths kung hindi lang ito kinokontra ng mga anti-vaxxers na may maling kaalaman tungkol dito.
Sources: World Health Organization (WHO), Rappler, Rappler, Business Insider, Medical News Today, The Asian Parent Philippines
Basahin: Anti-vaxxers itinuturong dahilan ng pagdami ng sakit sa buong mundo, ayon sa WHO
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!