Ang mga anti-vaxxers gaya ng mga magulang na ayaw pabakunahan ang kanilang anak ay kabilang na ngayon sa mga nangungunang banta sa magandang kalusugan sa buong mundo. Maliban nga sa air pollution, climate change, HIV at worldwide influenza pandemic, ang vaccine hesitancy o ang pag-ayaw sa pagpapabakuna bilang panlaban sa mga sakit ay isa narin sa dahilan ng tumataas na bilang ng mga taong nagkakasakit, ayon ito sa mga tala ng WHO o World Health Organization.
Ayon parin sa WHO, ang mga vaccination o pagbabakuna ay isa pinakacost-effective na paraan para makaiwas sa mga sakit. Sa ngayon, ang mga vaccines na ito ay nagpapababa sa dalawa hanggang tatlong milyong bilang ng taong namamatay sa isang taon dahil sa mga sakit. Inaasahang mababawasan pa ng dagdag na 1.5 million ang bilang na ito kung patuloy pa ang pag-i-improve o pagdami ng mga nagpapabakuna sa buong mundo.
Anti-vaxxers dumadami
Mula nga noong 2001 to 2015, lumabas sa isang report ng Centers for Disease Control and Prevention o CDC na tumaas ng apat na beses ang bilang ng mga unvaccinated children na may edad 0 hanggang tatlong taong gulang.
Ilan sa itinuturong dahilan kung bakit tumaas ang bilang ng mga hindi nabakunahang bata ay ang pagkakampante ng mga magulang na hindi magkakasakit ang kanilang anak, hirap na maka-access sa mga vaccines tulad ng malalayong health centers at kawalan ng tiwala sa mga vaccines na ito.
Ang ibang anti-vaxxers naman ay hindi nagpapabakuna bilang protesta laban sa mga pharmaceutical companies at ang iba naman ay nagsasabing ang mga vaccines daw na ito ay gawa sa mga unnatural at unsafe chemicals na mas gugustuhin pa nilang gamutin ang kanilang mga anak kung magkasakit kesa iwasan ang mga sakit na ito sa pamamagitan ng pagbabakuna laban dito.
Ayon nga sa isang survey na isinagawa ng Research America at American Society for Microbiology nitong nakaraang taon, lumabas na 70% lamang ng mga respondents ang nagsabing napaka-importante ng common vaccines gaya ng polio at measles para makaiwas sa mga sakit na ito. Bumaba ito mula sa 80% na sumagot sa parehong tanong noong 2008.
Ang pagkawala nga ng tiwala sa mga vaccinations na ito ay naging daan sa pagkakaroon ng outbreak ng mga sakit gaya ng measles, whooping cough at mumps sa buong mundo na hindi nangyari sa mga nakalipas na mga taon.
Anti-vaxxers sa Pilipinas
Tulad nalang dito sa Pilipinas na kung saan tumaas ng limang beses noong 2018 ang kaso ng measles o tigdas na umabot ng 17,300 mula sa 3,706 ng naitalang kaso noong 2017. Karamihan nga sa bilang ng mga kasong ito ay na-record na nagmula sa mga conflict areas sa southern part ng bansa ayon sa WHO. Dagdag pa ng WHO, tanging ang 7% lamang ng kabuuang bilang ng mga eligible na bata ang nakatanggap ng bakuna mula sa mga conflict areas na ito sa Pilipinas noong nakaraang taon.
Ayon naman kay Anna Lisa Ong-Lim, head ng Pediatric Infectious Diseases Society of the Philippines, 69% ng mga batang nagkaroon ng measles noong 2018 ay ang mga batang hindi nabakunahan dahil sa pag-ayaw ng kanilang mga magulang.
Isa nga sa sinasabi niyang dahilan nito ay ang kawalan ng tiwala ng mga Pilipino sa mga government mass immunization programs dahil sa kontrobersyal na anti-dengue vaccine na Dengvaxia na naging sanhi di umano ng pagkamatay ng ilang bata dito sa ating bansa.
Sa isang opinion poll nga na isinagawa ng London School of Hygiene and Tropical Medicine nitong 2018, lumabas na 32% nalang ng mga Pinoy ang nagtitiwala sa mga vaccines na ito na malaki ang ibinaba mula sa 93% trust rating nito noong 2015.
Kumpara nga sa ibang bansa sa Western Pacific Region, tanging ang Pilipinas lang ang nagpakita ng pagbaba ng tiwala sa mga vaccinations na ito ayon sa WHO. Ito nga daw ay dahil sa epekto ng Dengvaxia issue na nagpababa ng kumpyansa ng mga Pinoy sa iba pang immunizations at disease-fighting vaccines na ibinibigay ng libre ng gobyerno.
Maliban nga sa trust issues ay inililink din ng iba pang anti-vaxxers ang mga vaccinations sa pagkakaroon ng autism na agad namang pinabulaanan ng mga scientist.
Ayon parin sa WHO, bagamat tumaas ang porsyento ng mga anti-vaxxers ay patuloy parin nilang dodoblehin ang kanilang effort para makumbinse ang mga magulang at mabakunahan ang mga mga bata laban sa mga nakakahawang sakit na maaring maging banta sa kanilang buhay.
Isinusulong din nila na patuloy na mabawasan ang kaso ng mga babaeng may cervical cancer sa pamamagitan ng pagbabakuna ng HPV vaccine na available naman sa buong mundo.
Samantala, dalawang central Asian countries naman ang naireport nitong 2018 na may kaso ng wild poliovirus dahil sa poor sanitation at low level ng vaccination coverage.
Sources: ABS-CBN News, Daily Mail, CNN
Basahin: Bakuna 2018: Importanteng vaccines sa unang taon ni baby
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!