Ang unang flight kasama ang iyong baby ay isang napaka-exciting na pagkakataon. Maraming magulang pa nga ang naghahanda para maging komportable ang kanilang sanggol sa flight. Ngunit sinong magulang ang mag-aakala na magiging biktima ng isang medical emergency ang kanilang sanggol?
Ngunit ganito na nga ang nangyari sa isang 2-buwan na baby, na sa kasamaang palad ay namatay habang nasa isang international flight.
Medical emergency, ikinamatay ng sanggol sa eroplano
Ayon sa pasaherong si Nadia Parenzee, isang Australian national na galing sa isang flight mula Kuala Lumpur, Malaysia papuntang Perth, Australia, hindi raw niya inasahan ang mga pangyayari sa eroplano.
Nagsimula raw ang lahat nang mapansin niyang tila iyak ng iyak ang isang sanggol sa eroplano. Napansin raw niya na tila nag-aalala ang magulang ng sanggol dahil ayaw tumahan ng bata.
Bilang isang ina, at dating nurse, nagpresenta si Nadia na tumulong sa mag-asawa. Paglaon ay tila naging okay na ang lahat, at natulog na si Nadia upang makapagpagpahinga.
Nagulat si Nadia nang bigla na lang siyang tinapik ng isang flight attendant, at sinabing kailangan ng tulong ng mga magulang. Agad raw niyang nakita ang pag-aalala sa mata ng mga magulang ng sanggol, kaya’t kinuha niya ang bata at ginawa ang lahat upang matulungan ito.
Hindi niya lubos akalain na sa kamay niya mamamatay ang sanggol. Naramdaman na lang raw niyang tumigil sa paghinga ang baby, at nanlambot na ito.
Matapos nito, agad raw siyang nagtawag sa mga pasahero kung mayroong doktor na puwedeng tumulong. Sa kabutihang palad ay mayroon raw doktor sa flight, at mahigit 2 1/2 oras raw nilang sinubukang i-revive ang sanggol. Ngunit sa kasamaang palad ay hindi na nila nagawang buhayin ang bata.
Ayon sa airline, isang medical emergency raw ang ikinamatay ng bata, at naniniwala silang hindi naman suspicious ang pagkamatay nito. Ngunit sadyang nakakalungkot ang nangyari, lalo na at papunta raw ng Australia ang pamilya upang magsimula ng bagong buhay.
Anong edad maaaring sumakay ng eroplano ang isang sanggol?
Bagama’t nakakalungkot ang nangyari sa sanggol, wala namang nagawang mali o kaya naging pagkukulang ang kaniyang mga magulang.
Para sa ibang airlines, puwede nang sumakay sa eroplano ang isang sanggol kahit 2 araw pa lang ang edad nito. Ngunit kadalasan ay pinapayagang sumakay ang mga sanggol kapag sila ay 2 linggo pataas na ang edad.
Ito ay dahil upang makapag-adjust na ang sanggol sa labas ng sinapupunan, at para rin lumakas ang kaniyang immune system. Maraming halo-halong mga germs ang posibleng makuha ng sanggol sa eroplano, kaya mahalaga ang pag-iingat para sa mga magulang.
Importante na panatilihing komportable ng mga magulang ang kanilang baby sa flight. Mahalaga ang pagbigay ng tubig upang hindi madehydrate, at ang pagbalot ng kumot upang hindi lamigin.
Kung maaari ay humingi ng travel cot sa airline upang magsilbing higaan ng iyong sanggol.
Mahalaga rin na magpakonsulta sa iyong doktor at tanungin kung ligtas na bang sumakay sa eroplano ang iyong anak. Ito ay upang magkaroon kayo ng peace of mind at siguradong magiging safe ang inyong anak sa flight.
Source: Daily Mail
Basahin: 5-buwang sanggol, namatay dahil sa rare na sakit sa atay