Ang meningitis rash ay kakaiba sa mga ordinaryong rash: kahit diinan gamit ang baso o clear glass, hindi ito nananatili itong mapula at pantal-pantal. Ang meningococcal septicaemia kasi ay sanhi ng meningococcal bacteria na dahilan ng meningitis at septicaemia.
Ang meningitis ay isang delikadong sakit kung saan ang membranes ng utak at spinal cord ay namamaga. Maaaring viral infection ito, o di kaya ay fungal, o bacterial, na siyang pinakadelikadong uri ng meningitis.
Ito ang 10 impormasyon na dapat malaman tungkol sa sakit na ito:
1. Nakakahawa ito, bagamat mababa ang posibilidad.
Sa loob lamang ng isang linggo pagkatapos ng exposure sa virus, makikita na agad ang sintomas ng meningitis kung nahawa na. Karaniwang nakukuha ang virus at bacteria sa pagbahing, pag-ubo, paghalik, at paggamit ng kubyertos. May mga “carriers” din, o iyong mga wala namang sakit pero nagdadala ng viruses o bacteria sa ilong at lalamunan nila, kaya nakakahawa sa iba.
Kung ang isang tao ay pinaghihinalaang nahawa, lalo kung kasama sa bahay, dormitoryo, day care, pati kalaro (kung bata) o kasintahan, ipaalam din sa doktor para mabigyan ng preventive measures.
Posibleng magkaron ng meningitis ng higit sa isang beses.
2. Hindi ito namimili ng edad, bagamat mas malaki ang panganib sa mga bata kaysa sa mga matatanda.
3. Ang kakaibang meningitis rash ang pinakakaraniwang sintomas ng meningitis.
Ang meningococcal bacteria ay dumadami at kumakalat sa dugo, at naglalabas ng lason (septicemia). Habang lumalala ang impeksiyon, sinisira nito ang blood vessels. Ito ang sanhi ng meningitis rash na makikita sa balat, na kulay pula, pink, o purple.
Sa umpisa, para lang itong sugat o maputlang pasa, bago lubusang kumalat at dumami. Dahil na nga may pagdurugo na sa loob ng balat, makikitang nagiging mas mapula o deep purple na ang mga spots o rashes, o parang malalaking pasa.
Kung maitim ang balat, mas makikita ang meningitis rash sa palad, eyelids, tiyan, talampakan, at loob ng bibig.
Sa mga sanggol at bata, madilaw, maasul o maputla ang kulay ng balat.
Habang lumalala din, nagdidilim ang kulay at lumalaki ang mga spots. Huwag hintayin na magkaro’n ng meningitis rash, kung napapansin na na may kakaibang nararamdamn ang bata.
4. Hindi lahat ng may meningitis ay nagkakaro’n ng skin rash o pasa.
Mayro’n ding mga dagdag na sintomas ng meningitis tulad ng mataas na lagnat at pananakit ng katawan at ulo. Mapapansin din ang pagkawala ng lakas o panghihina, pananakit ng mga muscles at kasu-kasuan, mabilis na paghinga, panlalamig ng paa at kamay, pamumutla, pagkakaro’n ng stiff neck, at minsan pa nga ay seizures.
Sa mga sanggol, mapapansing ayaw kumain o dumede, ayaw ng nahahawakan o kinakarga, nanghihina, malakas at madalas na pag-iyak, at paninigas ng katawan. Ang mga sintomas ng meningitis ay maaaring sunud-sunod na lalabas, depende kasi sa bilis ng paglala ng kondisyon.
5. Delikado ang sakit na ito—at nakamamatay pa nga.
Habang lumalala kasi ang kondisyon, patuloy ding lumala ang mga meningitis rash. Nagkakaro’n na ng blood vessel damage kaya nagiging dahilan ng pagbagsak ng blood pressure at circulation. At dahil ang mga kamay at paa ang pinakamalayo sa circulatory system, at dahil bumababa ang blood pressure, hindi sapat ang pagdaloy ng oxygen sa bahaging ito ng katawan.
Nagkakaro’n tuloy ng permanenteng “scarring” sa balat sa mga kamay at paa. Minsan ay kinakailangang putulin ang daliri sa kamay at paa, mga braso o binti, at paa, para mapigil ang pagkalat pa ng impeksiyon sa ibang bahagi ng katawan, at maalis ang mga nasira nang tissue.
May mga naapektuhan din ang pandinig, na isang malubhang komplikasyon ng meningitis.
Ilan pang komplikasyon na dala ng meningitis ay seizures (epilepsy), problema sa memory at concentration, co-ordination, paggalaw, pag-balanse ng katawan, learning difficulties at behavioural problems, vision loss, bone at joint problems, tulad ng arthritis, at problema sa kidney.
6. Maaaring maapektuhan ang leeg, dahil sa spinal cord.
Kapag kasi tinamaan ng impeksiyon ang spine. may mga nakakaranas ng paninigas at pamamanhid ng leeg at ulo, at nagtutuloy sa opisthotonos, o pagpaling palikodo pataas. Karaniwan itong nangyayari sa mga sanggol at bata, kapag malala ang tama ng meningitis. Kasama nito ang pagiging sensitibo sa ilaw o liwanag, na sintomas ng malalang impeksiyon. Dalhin agad sa doktor kapag nakitaan ang bata ng ganitong sintomas.
Sa mga sanggol, nagkakaro’n ng soft spot sa bumbunan o ulo (o ang tinatawag na fontanel). Kapag nakakapa na malambot ang bumbunan, maaaring senyales ito ng pamamaga ng utak sa mga sanggol.
7. Pana-panahon din ang atake ng sakit na ito.
Ang viral meningitis ay karaniwang nangyayari kapag tag-init. Ang bacterial meningitis ay karaniwan namang nangyayari kapag taglamig.
8. Sa unang senyales ng mga sintomas ng meningitis, kumonsulta agad sa doktor para mabigyan ng mga tests, at makumpirma ang diagnosis.
Mainam na mapansin agad ang mga sintomas para magamot agad bago pa lumala, o magkaron ng long-term na komplikasyon. May physical examination, blood tests, lumbar puncture, at computerised tomography (CT) scan para makita kung may pamamaga sa utak.
9. Bakuna ang pangunahing paraan para maiwasan ang sakit na ito.
Alamin ang mga bakunang kailangan mula sa iyong pediatrician o espesyalista. Nariyan ang Meningitis B vaccine, laban sa meningococcal group B bacteria. Maaari nang ibigay ito sa sanggol sa ika-8 linggo pagkapanganak, at ang ikalawang dose ay sa ika-16 lnggo, at booster sa unang taon.
Mayron ding 6-in-1 vaccine: ang DTaP/IPV/Hib/Hep B vaccine, laban sa diphtheria, tetanus, whooping cough, hepatitis B, polio, at Haemophilus influenzae type b (Hib). Ang Hib ay isang uri ng bacteria na nagiging sanhi ng meningitis.
Nariyan din ang Pneumococcal vaccine laban sa mga impeksiyon dala ng pneumococcal bacteria, kasam ang meningitis.
Ang MMR vaccine naman ay labans sa measles, mumps at rubella. Ang meningitis ay nangyayari bilang komplikasyon ng mga impeksiyon na ito.
Ang Meningitis ACWY vaccine naman ay proteksiyon laban sa 4 na uri ng bacteria na sanhi ng meningitis – ang meningococcal groups A, C, W at Y. Ito ay para sa mga teenagers.
10. Antibiotics therapy ang unang gamot para sa bacterial meningitis.
Kailangang i-admit sa ospital ang pasyente para magamot ang bacterial meningitis. Kapag hindi agad nabigyan ng lunas, maaaring maging sanihi ng permanenteng brain damage o pagkamatay.
May mga binibigay din na anti-convulsants para sa seizures, corticosteroids para sa balat at pamamaga, at iba pang mga gamot para sa mga sintomas.
Ayon sa Meningitis Research Foundation, mahalagang malaman ng mga magulang ang epekto ng meningitis lalo na sa mga bata para maiwasan ang mga malalang epekto nito. May mga impormasyon din silang pinaparating sa mga magulang para sa maayos na recovery ng mga pasyenteng nagkaron ng malubhang meningitis.
Muli, imporanteng kumunsulta sa doktor para maiwasan ang komplikasyon o paglala ng sakit na ito.
Sources: Department of Health-Philippines, Meningitis Research Foundation, Healthline
Basahin: Mom’s horror as deadly meningitis rash rapidly spreads across baby’s body
For more information on Meningitis and its vaccination, watch here.