Meningococcemia ang dagdag sa bilang ng mga sakit na inaalala ngayon ng mga Pilipino. Lalo pa’t patuloy na nadaragdagan ang bilang ng kumpirmadong nasawi dahil dito.
Kaso ng meningococcemia sa Batangas
Ayon sa DOH Region 4-A, sa ngayon ay may tatlong hinihilang kaso ng meningococcemia sa Batangas ang sumasailalim sa pagsusuri ng Research Institute for Tropical Medicine o RITM.
Ito ay ang kaso ng dalawang bata na edad 1 at 2 taong gulang at isang 46-anyos na babae na pare-parehong nasawi kamakailan lang.
Ayon sa mga report, ang isang taong gulang na batang babae na hinihinilang tinamaan ng meningococcemia ay itinakbo sa Apacible Memorial District Hospital sa Nasugbu, Batangas. Inilipat ang bata sa San Lazaro Hospital at doon binawian ng buhay.
Sa ngayon ang outpatient department ng Apacible Memorial District Hospital ay nakasarado at naka-quarantine upang masigurong hindi na maikakalat pa ang sakit.
Samantala, ang 2 taong gulang na batang lalaking hinihinilang namatay sa meningococcemia ay mula naman sa bayan ng Lian sa Batangas. Habang ang 46-anyos na babae na hinihinalang namatay rin sa sakit ay nagmula naman sa San Jose, Batangas.
Ayon sa rural health hospital ng Lian ay isinugod sa kanila ang batang lalaki dahil umano sa kombulsyon at mga pantal sa ilang parte ng katawan. Ngunit ilang oras matapos maisugod sa ospital ay nasawi na ang bata.
Bilang pagsisigurado na hindi na maihahawa ang sakit ay pinainom na ng prophylaxis ang mga huling nakasama ng tatlong nasawi na pasyente.
Kumpirmadong kaso ng meningococcemia
Kinumpirma naman ng DOH Region 4-A na mayroong isang kumpirmadong kaso ng meningococcemia ang naitala sa kanilang probinsya. Ito ay sa bayan ng Tanauan na kung saan isang 53-anyos na babae ang nasawi dahil sa sakit nito lamang September 21.
Ang babae ay galing umano sa Dubai, United Arab Emirates at isinugod sa isang ospital sa Tanauan City
Ito daw ay mayroong mga pasa sa katawan at nakaranas ng sintomas ng sakit tulad ng sakit ng ulo at mataas na lagnat.
Sa kabila ng naiulat na kaso ay nilinaw ni DOH Region 4-A Director Eduardo Janairo na walang meningococcemia outbreak sa Batangas. Dahil ang mga naiulat na kaso umano ay maituturing na isolated cases sapagkat ang mga biktima ay nagmula sa iba’t-ibang lugar. Ngunit mayroon siyang paalala sa publiko.
“Unang-una huwag magpapanic kasi ang dami na nagpapanic kapag nalaman na meningo. Pero napaka-importante paycheck-up agad at humingi ng prophylaxis sa isang epidemiologist o mga doktor. At may mga gamot naman para sa mga bata na pwedeng ibigay na prophylaxis. Yung proteksyon para hindi siya magkaroon ng malalang sakit na meningo.”
Ito ang pahayag ni Janairo sa isang panayam.
Patuloy na dumaraming kaso ng sakit
Samantala, ang mga hinininalang kaso ng meningococcemia ay patuloy na isinusugod sa San Lazaro Hospital. Isa nga sa mga pasyente nito ay nasa isolation room at halos nangingitim na ang balat dahil sa sakit.
Panawagan ng mga kaanak ng biktimang may sakit na meningococcemia ay isama sa panalangin at ipagdasal ang anak nila. Mag-suot rin ng mask tuwing lalabas ng bahay bilang proteksyon laban sa sakit.
Nagbigay paalala rin ang pamunuan ng San Lazaro Hospital sa publiko.
“Parents should avoid bringing their children to crowded places. Mabilis po ito at one of the diseases with the shortest hospital stay.”
Ito ang pahayag ni Dr. Ferdinand De Guzman, spokesperson ng San Lazaro Hospital.
Ang ilan pang kumpirmadong kaso ng meningococcemia ay naiulat sa probinsya ng Bicol at Davao City.
Ano ang meningococcemia?
Ang meningococcemia ay isang uri ng rare bloodstream infection na dulot ng bacteriang Neisseria meningitides. Ito ang parehong bacteria na nagdudulot ng sakit na meningitis.
Kahit sino ay maaring magkaroon ng sakit na meningococcemia bagamat mas madalas itong tumatama sa mga batang apat na taong gulang pababa.
Ang meningococcemia ay nakakahawa. Ito ay maaring maipasa sa pamamagitan ng pag-atsing at pag-ubo. Pati narin ang pagkakaroon ng direct contact o paggamit ng mga bagay na nahawakan o ginamit ng taong may taglay ng sakit.
Dahil sa ito ay dulot ng bacteria, ang sakit ay malulunasan ng antibiotics. Ngunit ito ay dapat matukoy ng maaga upang agad na maagapan. Dahil kung hindi, ito ay nagdudulot ng seryosong banta sa buhay ng isang tao tulad ng impeksyon sa dugo, gulugod at utak na maaring mauwi sa pagkamatay.
Sintomas ng meningococcemia
Ang mga sintomas ng meningococcemia ay pagkakaroon ng lagnat, sakit ng ulo, rashes, stiff neck, nausea, pagsusuka, pag-uubo, irritability, fatigue, convulsions at anxiety. Ito ay maihahalintulad sa sakit na flu o trangkaso. Ang tanging kinaibahan lang nito ay ang mga purplish rashes na idinudulot nito sa balat na hindi pumuputi kahit nadidiinan.
Habang ito ay lumala ay lumalala rin ang mga sintomas na nararanasan ng sinumang may taglay ng sakit na meningococcemia. Kabilang na rito ang pagkakaroon ng blood clots, bleeding patches sa balat, lethargy at shock.
Ang meningococcemia ay maiiwasan. At magagawa ito sa pamamagitan ng pagkakaroon ng proper at healthy hygiene.
Isa sa paraan para maiwasan ito ay ang madalas na paghuhugas ng kamay. At pagtatakip ng mukha o bibig sa tuwing may umuubo o umaatsing.
Makakatulong rin ang pagkain ng mga masusustansiyang pagkain, pag-eexercise, pagkaroon ng maayos na tulog at pahinga. Pati na ang pagtigil sa pag-inom ng alak at paninigarilyo para magkaroon ng sapat na resistensya laban sa sakit.
Source: ABS-CBN News, Philippine Star, Rappler, ABS-CBN News, CNN Philippines
Basahin: Meningococcemia: Sanhi, sintomas, pag-gamot at kung paano makaiwas sa sakit na ito
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!