Isa na namang tagumpay para sa mga kababaihan ngayong International Women’s Month ang pagkakaroon muli ng isang babaeng kadete bilang isa sa mga nangunang mag-aaral ngayong taon sa Philippine National Police Academy o PNPA.
Siya ay si Merriefin Carisusa, anak ng isang magsasaka sa lalawigan ng Cebu at magtatapos na salutatorian ng SANSIKLAB Class of 2019 ngayong buwan ng Marso.
Si Merriefin Carisusa bago pumasok sa PNPA
Pangarap ni Merriefin na maging isang doktor noong bata pa lamang siya ngunit dahil sa kahirapan, pinili niyang kunin ang kursong computer science sa University of the Philippines-Cebu sa pamamagitan ng scholarship mula sa Department of Science and Technology – Science Education Institute (DOST-SEI).
Ang kaniyang ama na si Rodel ay isang magsasaka habang ang kaniyang inang si Rita ay isang barangay daycare worker noon. Nawalan ng trabaho ang kaniyang ina nang magbago ang administrasyon sa kanilang barangay. Kinailangan ni Merriefin na tumulong sa kaniyang mga magulang.
Upang matustusan ang kaniyang pag-aaral at pamilya, gumagawa si Merriefin ng kakanin na budbud at inilalako sa kanilang lugar. Ume-extra rin siya bilang tutor sa ilang estudyante habang nag-aaral sa kolehiyo at kalaunan ay nakapagtrabaho sa isang kumpanya pagka-graduate niya.
“I was able to work in a private company as software developer for about a year and a half. However, my ideals to influence the youth to become effective and responsible members of our society urged me to pursue my dream of becoming a public safety officer,” sabi niya sa isang panayam sa pahayagang The Freeman.
Tiyempo namang nakita niya ang isang advertisement mula sa Internet na naghihikayat na sumali sa PNP Academy. Doon niya naisipang mag-apply at agad na nakatanggap ng abiso upang kumuha ng entrance exam. The rest is history, ika nga.
Ang buhay sa PNP Academy
“It’s challenging,” ang paglalarawan ni Merriefin Carisusa sa kaniyang naging karanasan sa pagpasok sa PNP Academy sa Silang, Cavite sa edad na 21.
Isa sa mga hamon na ito ay ang malayo sa piling ng pamilya sa loob ng apat na taon at ang mga pisikal na aktibidad sa loob ng PNPA.
“[We live in] a regimented way inside. Kung anong suot o ginagawa ng isa, ‘yon din sa lahat. A lot is prohibited inside. We’re not allowed to use phones unless approved by our authorities,” sabi ni Merriefin.
Dagdag pa nito na pantay-pantay ang lahat ng mag-aaral: “Walang gender-gender dito, sir. However, males are trained to become gentlemen.”
Dahil dito, tinutulungan ng mga lalaki ang mga babae sa mga mabibigat na gawain.
Ang mga kadete sa loob ng academy ay binibigyan ng monthly training allowance at napupunta ito sa kani-kanilang mga savings account na siyang gagamitin nila paglabas ng academy.
Nakakatanggap din sila ng allowance para sa kanilang labada, pagpapagupit ng buhok, at iba pang pangangailangan sa loob ng academy.
Pagtatapos sa PNP Academy
Sa darating na March 22, magtatapos na si Merriefin bilang salutatorian kasama ng kaniyang 200 kamag-aral sa SANSIKLAB Class of 2019. Kasama niya sa Top 10 ang lima pa niyang kapwa babaeng kadete sa kanilang klase.
Makakatanggap siya ng mga sumusunod na akademikong parangal:
- Vice President Kampilan
- Journalism Kampilan
- Best in Public Safety
- Best in Leadership and Management
Nagbigay naman ng payo si Merriefin sa lahat tungkol sa pagtulong sa kapwa at pagsisilbi sa bayan.
“Always be yourself and be a blessing to others. Everyone has a role to play in the community. Small things matter. Think of 1,000 young people. If all of them do good every day, that’s 7,000 good deeds in a week,” aniya.
Dagdag pa niya, “Before we know it, this nation will be a better place than before.”
Source: Philstar
Images: Merriefin Carisusa Facebook page
BASAHIN: 25 women share how motherhood changed them