Magiging bahagi na ng expanded Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang mga buntis. Pati na rin ang mga breastfeeding mommy ng mga baby na hanggang dalawang taong gulang.
Panukalang expanded 4Ps inaprubahan na!
Aprubado na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang amyedahan ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa naganap na sectoral meeting sa Malacanang noong Martes, June 11.
Ayon sa artikulo ng ABS-CBN News na isinulat ni Jervis Manahan, sa ngayon umano ay inaayos pa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng National Economic and Development Authority ang magiging amount at beneficiaries ng programa.
Saad ni DSWD Spokesperson Asec. Irene Dumlao, magkakaroon umano ng hiwalay na kondisyon para sa mga buntis at breastfeeding moms.
“Magkakaroon ng separate conditions for them and then there’s a separate cash grant under compliance with the conditions. Nirerecognize kasi ng program at government na very critical ang first 1000 days,” aniya.
Matatandaang ang 4Ps beneficiaries ay limitado lamang sa mga pamilyang may anak na nag-aaral pa.
Nakatatanggap ng P300 bawat bata kada buwan ang mga pamilyang may anak na elementary student. Habang P500 naman ang matatanggap ng bawat bata sa Junior High School; at P700 naman sa mga senior high school.
Bukod pa riyan, nakatatanggap pa ng P750 kada buwan sa loob ng 12 buwan kung ang pamilya ay mayroong mga batang edad 2 hanggang 14 na taon na sumasailalim sa growth development and monitoring program at deworming.
Ayon kay Asec. Dumlao, sa ngayon ay hindi pa umano finalized ang implementing guidelines kung sino ang mga qualified na beneficiary at magkano ang kanilang matatanggap sa ilalim ng expanded 4Ps.
“In terms of beneficiaries, dapat identified or included sa Listahanan or the National Household Targeting System for Poverty Reduction,” aniya.
Layunin naman daw ng DSWD na maipatupad agad ang expanded 4Ps upang mapakinabangan ng mga beneficiary.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!