Nakagisnan na nating mga Pilipino ang mga pamahiin, kasabihan o kuwento ng mga nakatatanda tungkol sa kung anu-anong aspeto ng buhay. Madalas, may kinalaman ito sa kalusugan lalo ng mga bata.
Ito ang ilan sa mga gawa-gawang kasabihan, at kung bakit mas nakasasama ito kaysa nakatutulong.
1. Mabubulag ka kapag natulog ng basa ang buhok
Ayon kay Dr. Pamela Tarongoy ng ACES Clinic Cebu-CDO-Dumaguete, ang tanging maapektuhan sa pagtulog ng basa ang buhok ay ang iyong unan at ang iyong buhok, dahil gigising kang buhol buhol ito. Ang mga kuwentong narinig na ganito ay pawang coincidence lamang, kundi man gawa gawa lang din.
2. Ang gamot sa hika ay pagkain ng tuko
Una sa lahat, ang hika ay isang kondisyon na walang gamot. Ito ay panghabambuhay. May mga dapat iwasan kainin o gawin, ngunit walang gamot na tuluyang makakapagpawala nito. Kaya’t isipin mo na lang kung ano ang maidudulot kapag pinakain mo ng tuko ang iyong anak na may hika. Hindi mo alam kung saan nanggaling ang tukong ipapakain mo. Kawawang bata, at kawawang tuko.
Kung ikaw ay may hika, kailanganng alamin mo kung anu-ano ang mga bagay na nakapagpapalala ng iyong sakit. Para sa aking kapatid at nanay na parehong may malubhang hika noon, nakatulong ang paglipat at pagtira nila sa Canada, dahil mas gamay nila ang panahon duon, kaysa sa Pilipinas na sobrang init at dagdag pa ang alikabok at dumi ng hangin.
3. Kumain ng langgam kung gusto mong gumanda ang boses mo sa pagkanta
May mga pag-aaral na nagpapatunay na ang langgam ay nagbibigay ng formic acid na nakakamatay sa mga bacteria at tumutulong makagamot ng impeksiyon sa lalamunan, ngunit maski ito ay hindi pa tuluyang pinapagtibay ng mga doktor. Pero para pagandahin ang boses sa pagkanta, ay lalong hindi totoo.
4. Kapag may tinik ng isda sa lalamunan, ipahilot ito sa isang taong ipinanganak ng suhi
Kung ano ang kinalaman ng tinik sa isang ipinanganak ng suhi, ay hindi maipaliwanag ng kahit sino. Doktor ang dapat tawagin, dahil baka maubos ang oras sa paghahanap ng suhi, at hindi na makahinga ang pasyente. Wala kasing logic o scientific explanation ito.
Ang karaniwang payo na First Aid dito ay ang paglunok ng maliit na bundol ng kanin, o kaya’y tinapay, o kahit marshmallow, dahil ang mga ito ay makakatulak sa tinik para maalis sa pagkakabara sa lalamunan. Kailangan dalhin agad sa doktor kung nahihirapan na ang bata, lalo sa paghinga.
5. Pisilin ang ilong ng bata kung ito ay pango, para tumangos
Kahit araw-araw pang pisilin ang ilong ng isang bata, hindi ito tatangos kailanman. Noselift surgery lang ang makakapagpabago sa ilong ng isang tao. Ang tangos o pagkapango ng ilong, katulad ng kulay ng balat, buhok at mukha, ay genetic o nasa dugo at genes ng bawat tao. Mag-ingat sa pagpisil ng ilong ng sanggol o musmos, dahil makakasama ito sa paghinga.
6. Kung umiiyak ang bata o nagkasakit ng walang malamang dahilan, nausog ito o nabati
Kailangan daw lawayan ng nakabati o nakausog ang bata kapag ganito ang nangyari. Unang una, hindi ito malinis o sanitary. Biruin mong papahiran mo ng laway ang bata. Paano kung may sakit (sipon, o ubo o mas malala pa dito) ang magpapahid ng laway?
Sa isang paliwanag ng mga nagsasaliksik, maaaring ang usog ay simpleng pagkatakot o pangingilala ng bata sa mga hindi kilalang tao na bumabati at nagigiliw dito. Minsan kasi, kapag ang bumabati ay maingay o masyadong excited, naguguluhan ang bata at nagugulat, kaya’t nagiging sanhi ng pagkakasakit nito. Sensitibo ang mga bata lalo na ang mga mas bata. Psychological, ika nga. Hindi matibay ang paliwanag na ito, ngunit paniguradong walang gamot na makukuha sa laway ng ibang tao.
7. Kapag may pimples, ipunas ang dugo ng regla sa mga ito para mawala agad, at hindi ka na magkakataghiyawat pa kahit kailan
Ito na siguro ang isa sa pinaka-nakakadiri na paniniwala ng sinaunang panahon. Ang regla ay ang buwanang pagdurugo dahil sa regular na pagpapalit ng lining o pang-ibabaw na patong ng matres. Para ilagay mo ito sa iyong mukha, lalo sa taghiyawat ay hindi malinis na gawain.
Kumunsulta sa isang dermatologist kung may malalang kaso ng taghiyawat, at iwasang magpahid ng kung anu-ano ng walang payo ng doktor.
8. Huwag maligo ng isang linggo pagkapanganak
Mababaliw daw ang babaeng maliligo pagkapanganak. Ganito din ang babala kapag naligo ng may regla. Kung nanganak ng C-section, hindi ka dapat maligo dahil sariwa pa ang tahi at baka ito ay mabasa at maimpeksiyon.
Ngunit kung normal delivery, pinapayuhan ng mga doktor na maligo ang ina. Wala ring mangyayaring masama kung maliligo ka ng may regla. Hindi ba’t napakalansa at dumi ng pakiramdam kapag may regla? Kailangan mong panatilihing malinis ang sarili upang hindi mangamoy o magkasakit dahil sa germs o bacteria na dulot ng maduming pangangatawan.
9. Kapag nahulog ang pagkain sa sahig, maaari pa itong pulutin at kainin kung wala pang limang segundo
Nakakatawa, pero maraming naniwala dito. Kadalasan ay dahil lang para nga namang walang masama kung susundin, bagkus hindi pa maaaksaya ang pagkain. Kaysa itapon, bakit hindi na lang kainin?
Lalo kung bata ang kakain nito, hindi dapat panghinayangan, dahil delikado ang tiyan ng mga bata. Mahina pa ang immune system nila at kahit munting mikrobyo ay maaaring makasama ng lubusan.
Hindi natin alam kung ano ang mikrobyong nasa sahig, lalo’t nasa isang pampublikong lugar na hindi mo alam kung ilang sapatos na ang dumaan o kung anu-ano pa ang nahulog sa sahig nito. Huwag manghinayang sa pagkain, at baka mas malalang kapahamakan pa ang matiyempuhan.
10. Ipahilot kapag may sprain at pilay
Ang sprain ay nahila o napunit na ligament kaya’t sobrang sakit. Nakaugalian na nating mga Pilipino, lalo sa probinsiya, ang tumawag ng hilot para gamutin ang sprain at pilay. Lalagyan ng langis, dadasalan at hihilutin at gagaling na. Ang hindi natin naiintindihan ay ang pagmasahe at paggalaw sa punit na ligament ay maaaring makasama pa.
Payo ng mga doktor, ipahinga at huwag muna galawin lalo kapag maga o masakit pa. Yelo (ice pack) at benda (bandage) ang First Aid para dito. Kapag pinagalaw kasi ito, lalo kung hilot, baka may mahila o mapisil ang punit na ligament at lalo pa itong lumala. Dalhin sa doktor o Emergency Room kung nahulog, nadapa, o natapilok ang bata para makita agad kung saan ang damage, at malunasan ito kaagad.
Hindi naman masamang marinig ang mga binansagang myths na ito, na nagpapakilala sa kultura at kaugaliang Pilipino. Ngunit kapag may kinalaman sa kaligtasan at kalusugan natin, lalo na ng mga bata, kailangang alamin ang pinakamabuting paraan ng paggamot.
Ang pinakamabisang solusyon pa rin ay ang magpatingin sa doktor. May mga pamahiin na sinasabing wala namang masama kung susundin. Ngunit mayroon ding tahasang makakasama lalo sa kalusugan, katulad na nga ng mga nabanggit.
BASAHIN: Itanong kay Dok: Mga dapat na alamin kapag nagbubuntis