Karamihan sa atin ay nag-aral sa tradisyonal na eskwelahan mula pagkabata. Pero sa pagdaan ng panahon, at sa patuloy na pagsasaliksik at pag-aaral ng mga nasa akademiya, may mga nagtaguyod na rin ng mga programa at paaralan na tumutugon sa partikular na pangangailangan ng mga bata, sa aspeto ng pagkatuto.
Bawat programa ay may mga pagkakaiba din, depende sa pilosopiya ng mga educators, sa budget para sa programa, at sa mga batang tinuturuan. Para sa mga magulang, hindi madaling harapin ang komplikadong sitwasyon na ito.
Isa itong journey, sabi ng isang ina, at ang paghahanap ng eskwelahan na may programang babagay sa kanilang anak na may special needs, ay isa lamang sa mga unang hamon na haharapin ng mga magulang at pamilya.
Ang pagpili ng eskwelahan ay isang personal na desisyon, at delikadong proseso na kailangang pagtuunan ng pansin ng mga magulang para sa kanilang anak.
Oras, pagod, at pinansiyal na resources ang kakainin ng prosesong ito, at lahat ay para maintindihang mabuti ang dami at lawak ng educational options para dito.
Ano nga ba ang special needs school o programa?
Ang isang Special Education program ay nakatutok sa pagtuturo sa mga batang may learning, behavior, mental health, medical, o intellectual disabilities.
Ang mga programa ay pinag-aaralan at pinaghahandaan sa pamamagitan ng mga masusing training ng mga guro at espesyalista, para lubusang suportahan ang lahat ng batang mag-aaral.
Alinsunod sa Republic Act 8980o ang Early Childhood Care and Development Act (ECCD Act), na kumikilala at nagtataguyos sa “inclusion” nga mga batang may special needs at respeto para sa cultural diversity.
Sinasabi ng mga eksperto at educators na ang inclusion ay hindi lamang nakabubuti para sa mga batang may special needs, kundi nagtuturo din ng mahalagang aral tungkol sa tolerance at respeto, sa lahat ng bata.
Narito ang 4 na eskwelahan na may Special Education Program sa Maynila:
Community of Learners School for Children
1C Montessori Lane
Bgy. Addition Hills, San Juan City
721-0987; 998-2271 email: [email protected]
Kilala ang Community of Learners bilang pioneer pagdating sa Special Education at progressive education. Hindi dedicated o eksklusibong Special Needs school ang CL, pero matibay at pinag-aralang mabuti ang SPED program nila. Sa pamumuno ni Teacher Feny delos Angeles-Bautista, Executive Director at isa sa mga founder ng institusyong ito, mahigit sa 3 dekada nang nagtataguyod ng Inclusive SPED Program mula early childhood hanggang adolescence, ang Community of Learners. Itinataguyod ng CL ang “developmental interaction” at active engagement ng mga mag-aaral.
May integrasyon, kung saan isinasama ang mga batang may Special Needs sa regular classes; at mayron ding small-group at individualized sessions. Ang programa ay ipanapatupad ng grupo ng mga educators na nagsanay at patuloy na nag-aaral, na may diin sa Special Education at integration. Mayrong occupational, physical at speech therapy ang CL, para sa indibidwal na pangangailangan ng bata. Para sa mga batang may learning disabilities, may mga IEP o Individualized Education Program para mabigyan ng sapat at nababagay na learning opportunities at activities ang mga mag-aaral.
Naniniwala ang CL na ang bawat bata ay special at unique, at ipinanganak ng may kagustuhang matuto. Ang bawat bata ay may karapatang mabigyan ng pagkakataong matuto at mabigyan ng sapat na pag-aaruga. Nagiging positibo ang tingin at pagkilala ng mga bata sa pag-aaral at pagkatuto kung kasama sila sa learning process, exploration at discovery, at hindi nakaupo at nakikinig lamang maghapon sa sinsabi ng guro. “Hands-on” at age-appropriate ang pangunahing katangian ng programa sa CL. Pinapahalagahan at kinikilala ng CL ang Multiple Intelligences ng bawat bata.
Candent Learning Haus
859 D Tropical Ave.
BF Homes Las Piñas, Las Piñas City 1740
825-8757 email: [email protected]
https://candentlearninghaus.wordpress.com/
Ang Candent ay brainchild ng mag-asawang Benjie Santos at Joji Reynes-Santos. Bunga na rin ng mayamang karanasan nila sa pagtuturo at pag-aaral ng Special Education, itinayo nila ang eskwelahang ito para matugunan ang pangangailangan ng maraming pamilya at mga bata. Itinatag ang Candent Learning Haus noong Hunyo 2006, para makapagbigay ng may kalidad at accessible na individualised education at work training programs para sa mga bata at adolescents na may disability.
Ilang programa ng Candent Learning Haus ang mga sumusunod:
- Practical Life Skills para sa adolescents at adults
- Work Skills Training para sa adolescents at adults
- Special Individualized Education in Language, Reading, at Math
- Special Assistance para sa special needs children na naka-enrol sa regular schools
- Home School Partnership para sa mga magulang na may home-schooled children, na nangangailangan ng tulong sa implementasyon ng programa
- Life at Social Skills training workshops
- Reading at Writing workshops
- Outdoor camps (tulad ng Camp L.I.F.E.), interest clubs, at leisure activities
- Individualized Education Program Development at Monitoring
- Parent/Teacher/Caregiver/Sibling training seminars
Ang CLH ay may team ng facilitators na may maraming taong karanasan sa pamumuno ng camps at leisure activities para sa mga bata, kasama ang mga batang may special needs. Tuwing summer, mayron silang CAMP L.I.F.E., isang leisure camp para sa lahat ng bata.
The Raya School
Sorrento Street, Neopolitan Business Park, Brgy. Greater Lagro, Novaliches, Quezon City, 1118 Philippines
Landline: 978.2714 | 452.9850
Mobile: 0917.834.6516
https://raya.edu.ph/
Ang Raya School ay isang progressive school na layong tulungan ang mga batang makilala ang sarili at matuklasan ang kanilang sariling kakayahan. Ang salitang ‘raya’ ay galing sa salitang Malay na ‘rajah,’ na tawag sa mga nobility.
Ang programa ng Raya ay discovery-based, child-centered at play-oriented ang kanilang curriculum. Ito ang laboratory school ng Adarna House, isang pangunahing publisher ng educational children’s books sa Pilipinas.
And SPED Program ng Raya ay pinamumunuang ng mga gurong eksperto at may spesyalisasyon sa Special Education. Mayroon silang IEP, inclusion at SPED classes.
Create Learning and Paths School
Merville
48 Calcutta Street, Merville Park, Paranaque City
South Admiral
48 M. Roxas Street, South Admiral Village, Paranaque City
www.clpschool.com/
Ang CLP ay isang K-12 educational institution na nagtataguyod ng progressive education at inclusion para sa mga batang may ibang paraan ng pagkatuto. Layon ng CLP na makapagbigay ng isang multi-dimensional learning experience sa mga mag-aaral, para matugunan ang iba’t ibang pangangailangan ng mga ito, bilang isang indibidwal. Ang curriculum nila ay nakabase sa tinatawag nilang Peace Education.
Nagbukas noong 2001 bilang Create Learning Center ang CLP. Preschool lamang ito na may 24 na mag-aaral mula 2 hanggang 5 taong gulang. Ngayon, mayron nang ilang daang pamilya, mula preschool hanggang upper grade levels ang CLP, dagdag pa ang tutorials at intervention programs nila para sa mga special needs children.
Ang CLP ay may inclusion program para sa mga batang may special needs. Ang mga batang neurotypical (regular students) at atypically developing (special) children ay binibigyan ng “equal attention”, upang kapwa makatulong sa kani-kaniyang pagkatuto. Mayrong small class sizes, differentiated instruction at authentic assessment para sa kanila.
Ang bawat paaralan ay may kani-kaniyang katangian na babagay sa bata at pamilya na rin. Hindi madali ang proseso ng paghanap at pagpili kung ano ang nabagay sa inyo, ngunit mahalagang pag-aralan itong mabuti. Tandaan na iba-iba man ang mga paaralang ito, lahat ay may iisang adbokasiya at adhikain—ang makapagbigay ng masaya at positibong learning environment sa lahat uri ng bata.
Bisitahin ang eskwelahan, kasama ang inyong anak at tingnan kung ito ba ang environment na babagay para sa kaniya? Ang pilosopiya, pasilidad, mga guro at staff, classroom set-up at daily structure, ang ilan sa mga pangunahing basehan at makakatulong sa desisyon ng pamilya.
Magtanong din sa mga kapwa magulang na may anak na nag-aaral sa eskwelahang iyon, tungkol sa karanasan nila.
READ: 7 Things you should never say to a parent of a special needs child
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!