Mico Palanca pumanaw na sa edad na 41-anyos.
Mico Palanca, pumanaw na
Isang nakakagulat na balita ang gumimbal sa showbiz industry matapos lumabas ang mga report sa pagkasawi ng aktor na si Mico Palanca. Ayon sa mga ulat, tumalon umano si Mico Palanca sa isang building sa San Juan.
Bagamat, wala pang kumpirmasyon mula sa pamilya ng aktor ay bumuhos na ang pakikiramay at panghihinayang sa maagang pagkasawi niya. Isa na nga sa nagpaabot ng pakikiramay ay ang batikang TV host na si Boy Abunda. Sa closing spiels ng kaniyang programa kagabi na “Tonight With Boy Abunda” ay ipinaabot nito ang pakikiramay sa pamilyang naulila ni Mico Palanca.
“Mga kapamilya kami’y taos pusong nakikiramay po sa pamilya Revilla sa pagpanaw ni Mico Palanca. Itong balitang ito ay nanggaling po sa kanyang manager, ang aking kaibigang June Rufino. Lets continue to pray for the soul of Mico Palanca.”
Ito ang pahayag ni Boy Abunda sa kaniyang programa.
Sa pamamagitan naman ng isang Facebook post ay nakiramay rin at nagpakita ng pagdadalamhati ang Film Academy of the Philippines sa biglaang pamamaalam ng aktor.
Dahil ng pagkamatay ng aktor
Ayon naman sa isang report mula sa ABS-CBN Push, December 8 pa ng ideklarang nawawala si Mico Palanca. At noong December 9, huli umano itong nakita sa CCTV na paakyat sa isang mall sa San Juan.
Base naman sa police report, walang pagkakakilanlan ang bangkay ng lalaking tumalon umano sa rooftop ng mall. Ang tanging dala lang nito ay kaniyang cellphone.
Natukoy lang na siya ang aktor na si Mico Palanca matapos itong kilalanin ng kaniyang pamilya.
Ayon sa ilang ulat, ang tinuturong dahilan upang magawa umano ng aktor na kitilin ang sarili niyang buhay ay depresyon dulot ng kaniyang lovelife. Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin kinukumpirma ng pamilya ang kaniyang cause of death.
Si Mico Palanca ay kapatid ng aktor na si Bernard Palanca. Nakilala at napasama siya sa ilang ABS-CBN TV program tulad ng Tabing Ilog, FPJ’s Ang Probinsyano at Nang Ngumiti Ang Langit. Siya rin ay dating nakarelasyon ng aktres na si Bea Alonzo.
Matatandaan rin na noong bata pa lamang ay pumanaw rin ang ama ni Mico na si Bernard Palanca Sr., dahil sa suicide.
Depression is not a joke.
Dahil sa nangyari sa aktor ay matunog na naman ang mga katagang, “Depression is not a joke.” At hindi ito dapat isinasawalang bahala. Ngunit paano ba matutukoy kung ang isang tao ay nakakaranas na ng nakakabahalang kondisyon na ito? At ano ang mga paraan na maaring gawin upang maiwasang mauwi ito sa nakakalungkot na katapusan?
Ayon sa American Psychiatric Association, ang depresyon o major depressive disorder ay isang seryosong sakit na nakakaapeko sa pakiramdam at pag-iisip ng isang tao. Pero ito naman daw ay malulunasan. Ngunit kung mapabayaan, ang kondisyong ito ay maaring magdulot ng labis na epekto sa physical at mental state ng isang tao na maaring mauwi rin sa kaniyang pagkasawi.
Sintomas ng depresyon
Samantala, ang mga sintomas ng depresyon na mapapansin sa taong nakakaranas nito ay ang mga sumusunod:
- Pagiging malungkutin
- Kawalan ng interes sa mga bagay o activity na ginagawa niya noon
- Hirap sa pagtulog
- Biglang pagbabago sa katawan tulad ng biglaang pagpayat o pagtaba
- Kawalan ng energy o madaling mapagod
- Mabagal na kilos o pagsasalita
- Pakiramdam na siya ay worthless o guilty sa isang bagay
- Hirap mag-isip o gumawa ng desisyon
- Madalas na pagsakit ng ulo
- Pag-iisip na kitilin ang sarili niyang buhay
Dahilan at lunas
Ang depresyon ay iniuugnay sa iba pang mental health problems na ang tinuturong dahilan ay biological differences, brain chemistry, hormones, inherited traits, personality at ang environment ng isang tao. Ngunit, ito ay malulunasan unang-una sa pamamagitan ng tulong ng mga taong nasa paligid ng nakakaranas ng depresyon.
Kaya naman kung sakaling mapapansin ang isang kaibigan o kaanak na nakakaranas ng mga nasabing sintomas mas mabuting kausapin agad ito. Dahil sa mga ganitong sitwasyon ang pagkakaroon ng taong makakausap at makakasama ay magpapagaan sa bigat na kanilang nararamdaman.
May mga medical treatments rin ang isinasagawa sa mga taong nakakaranas ng depresyon. Tulad ng pagbibigay ng medikasyon o antidepressants. Pagsasagawa ng psychotherapy o talk therapy na kung saan isang espesyalista ang kakausapin ang taong depressed upang malaman at tulungan siyang magcope-up sa nararamdaman niya. Mayroon ding tinatawag na electroconvulsive therapy o ECT na isinasagawa sa mga nakakaranas ng severe major depression.
Ang depresyon ay hindi isang biro. May mga pagkakataong sa panglabas ay hindi mo mapapansin na nakakaranas na ang isang tao nito. Ngunit para sa kanilang nagdurusa sa kondisyon na ito, ang simpleng “hello” o “kumusta” na may kasamang ngiti ay isang bagay na magpapagaan at magpapabago na ng pakiramdam nila.
Source: ABS-CBN Push, Psychiatry Org
BASAHIN:
Kylie Padilla may mensahe sa mga nakakaranas ng depression