Normal na sa ating mga Pilipino ang uminom ng mga malalamig na inumin, lalong-lalo na kung summer. Ito rin ang dahilan kung bakit usong-uso sa atin ang pag-inom ng milk tea. Ngunit sino ba naman ang mag-aakala na posible palang maging sanhi ng pagkasunog ng tiyan at lalamunan ang pag-inom nito?
Ayan ang nangyari sa isang ginang mula sa China kung saan bigla siyang nakaramdam ng pagkasunog sa lalamunan at tiyan matapos inumin ang tea. Paano kaya ito nangyari, at dapat bang mag-alala ang mga magulang na baka mangyari ito sa kanilang pamilya?
Milk tea, naging sanhi ng chemical burns sa tiyan at lalamunan
Ayon sa biktima, umiinom raw sila ng tea sa isang fastfood branch sa loob ng Fuzhou Changle International Airport, sa China. Unang tikim pa lang raw niya sa tea ay napansin na niyang parang may kakaiba itong lasa.
Dahil dito, tinanggal ng kaniyang asawa ang takip ng baso, at inamoy ang inumin. Sabi niya, mayroon raw itong matapang na amoy, na para raw disinfectant o panlinis. Ilang minuto matapos nito, nagsimula nang magsuka at sumakit ang tiyan ng kaniyang asawa.
Lumapit raw sila sa isang staff ng fastfood, at inamoy raw ng staff ang inumin. Pagkatapos ay dali-dali raw nitong itinapon ang baso habang hindi sila nakatingin. Ngunit napansin ito ng mister ng biktima, at simpleng kinuha ang baso mula sa basurahan upang ipasuri.
Napag-alaman na nagkaroon raw ng injury sa lalamunan, at tiyan ang babae dahil sa kaniyang nainom na contaminated milk tea.
Pinasuri rin nila ang laman ng baso, at nakita na mayroon nga itong laman na disinfectant. Sabi pa ng mga doktor na posible raw magkaroon ng pinsala ang atay at kidneys ng biktima dahil sa kemikal na ito.
Nang mabalitaan ang mangyari ay nagpresentang tumulong ang fastfood chain. Ayon sa kanila, nangyari raw ito dahil sa staff error, at sisiguraduhin raw nila na hindi na mauulit ang insidente.
Dapat bang mabahala ang mga magulang?
Bagama’t nakakatakot ang nangyaring insidenteng ito, hindi naman dapat mabahala ang mga magulang. Ito ay dahil kadalasan, mga isolated o hindi karaniwang nangyayari ang mga ganitong bagay.
Ngunit mahalaga pa rin sa mga magulang ang maging maingat, lalo na kung sumusubok ng bagong pagkain o kaya inumin. Heto ang ilang mga tips na dapat tandaan ng mga magulang:
- Huwag bumili ng inumin o kaya pagkain sa mga tindahan na mukhang marumi, o kaya ay hindi mukhang katiwa-tiwala.
- Kapag mayroong kakaibang lasa o amoy ang pagkain o inumin, ay huwag na itong kainin o kaya inumin.
- Kapag mayroong naramdamang kakaiba, tulad ng sakit ng tiyan o pananakit ng ulo matapos kumain, ay magpatingin agad sa doktor.
- Nakakatulong rin ang pagbabasa ng mga reviews at balita tungkol sa iba’t-ibang mga restaurants o tindahan.
- Kailangan ay nakapaskil ang mga business permits ng negosyo, pati na rin ang health permit nito upang makasigurado sa kalinisan.
Source: Asia One
Basahin: Warning: Fake milk tea pearls made from old tires and shoes