Ang pagkamatay ng 4 na taong gulang na si Lacey Pollock ay isang malaking trahedya para sa isang pamilya. Hindi lang dahil mahal na mahal siya ng magulang at kaniyang mga kapatid, ngunit dahil rin siya na ang ika-5 anak ng mag-asawa na namatay dahil sa misteryosong sakit.
5 bata na ang namatay dahil sa misteryosong sakit
Ang batang si Lacey Pollock ay ipinanganak na mayroong developmental issues, tulad ng 4 pa niyang kapatid.
Hindi niya kayang kumain nang mag-isa, at kinailangan pang gumamit ng tubo para pakainin siya. Mayroon din siyang breathing problems, at hindi siya natutong maglakad, o kaya magsalita.
Siyam na araw nasa loob ng ICU si Lacey. At bago siya mamatay, sinigurado ng kaniyang mga magulang na masasaya ang kaniyang nalalabing mga araw.
Napakahirap mawalan ng anak para sa mag-asawa, dahil matapos pumanaw ni Lacey, 5 anak na nila ang namatay dahil sa misteryosong sakit.
Hindi malaman ng mga doktor kung bakit namamatay ang kanilang mga anak
Ang panganay ng mag-asawa, si Jordan, ay pinanganak noong 2001. 11 na buwan lamang siya nang siya ay pumanaw. Namatay rin ang kanilang mga anak na si Jamie-Lee na namatay sa edad na 13, Ellie na namatay sa edad na 6, at Lexi na namatay matapos ang siyam na linggo.
Naranasan din nila ang mga sintomas na mayroon si Lacey, at hanggang ngayon ay walang maisip na paliwanag ang mga doktor. Mahigit isang dekada na raw nila inaalam, pero wala silang makitang sakit.
Mayroon pang apat na anak ang mag-asawa, na lahat ay mga lalaki. Wala sa kanila ang nagkaroon ng misteryosong karamdaman, at normal ang kanilang naging paglaki.
Nalulungkot ang pamilya sa bagong kawalan sa kanilang pamilya, ngunit pinipilit nilang maging malakas para sa isa’t-isa. Dagdag ng mag-asawa, habangbuhay nilang dadalhin ang alaala hindi lang ni Lacey, ngunit pati na rin ng kanilang iba pang mga anak.
Kami sa theAsianParent Philippines ay nakikiramay sa naulilang pamilya ni Lacey.
Source: News Letter
Basahin: 6 na sa sakit sa mata ng bata na dapat malaman ng mga magulang