Momo challenge ang usap-usap ngayon hindi lamang sa Pilipinas kung hindi pati narin sa buong mundo.
Ito ay matapos kumalat ang mga balita tungkol sa Momo suicide challenge na dahilan diumano ng pag-su-suicide ng ilang bata sa Colombia, Mexico, Argentina at Russia.
Nakarating na rin ang challenge na mayroong ganitong tema sa Pilipinas. Hindi man tiyak kung Momo challenge in particular ang sinalihan ng 11-anyos na batang Pilipino na si Clyde Jasper Santos, hinihinala ng magulang nito na sumali ang bata sa isang suicide challenge.
Clyde Santos
Si Clyde Jasper Santos ay nasawi nito lamang nakaraang February 21, matapos uminom ng 20 pirasong tablets ng gout medicine at tuluyang malason dahil dito.
Ayon sa magulang ni Clyde ay wala silang nakikitang dahilan upang mag-suicide ang anak lalo pa’t mabait ito at hindi napapagalitan.
Ang tanging natatandaan lang daw ng ina ni Clyde ilang araw bago ito nasawi ay ang kuwento nito tungkol sa isang classmate niyang naglaslas sa loob ng kanilang classroom.
Nang tingnan ang Facebook ni Clyde ay nakita ng ina nitong si Paula ang palitan ng suicide videos ng kaniyang anak at isa nitong kaklase.
Dito naisip ni Paula na maaring biktima ng suicide challenge ang anak na si Clyde. Dahil narin sa ipinakitang mga pagbabago nito sa ugali bago nag-suicide. Gaya nalang napapadalas na patutulog ng late at panonood ng horror movies.
Ang isa pa nga raw sa kumumbinsi sa mga magulang ni Clyde na maaring suicide challenge ang dahilan ng pagkamatay ng anak ay ang mga huling salitang sinabi ng bata bago ito tuluyang malagutan ng hininga.
Ang sinabi niya ay ““I will follow my master and I will kill them all.”
Sa isang kuwento naman ng isa pang ina na pinangalanang si Emily Valcarel ay sinabi niyang tinawag ng kaniyang 4-years old na anak ang momo icon na kaniya raw teacher.
Momo Challenge fake?
Dahil sa nangyari kay Clyde at sa mga kuwentong patuloy na kumakalat sa internet ay maraming Pilipino ang nataranta at nag-panic dahil sa nakakatakot na online sensation na ito.
Karamihan nga sa mga ito ay mga magulang na nag-aalala na baka matulad kay Clyde ang kanilang anak lalo pa’t ang mga kabataan ngayon ay nahihilig na sa online games at social media.
Samantala sa ibang bansa, ang Momo Challenge ay nagsimula diumanong kumalat sa WhatsApp bago pa man ito naging trending sa Facebook at mga Youtube videos.
Bagamat ilang bata na ang sinabing nagpakamatay dahil sa viral na Momo suicide challenge na ito, sinasabi naman ng mga fact-checkers na ito raw ay isang fake news lamang.
Ayon sa research charity group na Samaritan ay wala daw reports ng kahit sino na nakatanggap ng messages sa WhatsApp mula sa babaeng may malalaking mata na kilala sa tawag sa online world na si Momo.
Wala rin daw ebidensya silang nakalap na may mga bata o kahit sinumang sinaktan ang kanilang sarili dahil sa Momo challenge na ito.
Masyado lang daw sinensationalize ng media ang kuwento tungkol sa Momo challenge para matakot ang mga tao.
Mas nagdudulot nga raw ito ng kapahamakan dahil binibigyan ng ideya ng mga nagpapakalat ng balita ang mga taong vulnerable na saktan ang kanilang sarili.
Ayon naman sa UK charity group na NSPCC o National Society for the Prevention of Cruelty to Children ay wala daw confirmed evidence na ang Momo challenge ay nagbibigay kapahamakan sa mga British children. Mas nakakatanggap pa nga raw sila ng mas maraming tawag mula sa mga member ng media kesa sa mga concerned parents na gustong kumpirmahin ang issue.
Para sa UK Safer Internet Centre ang mga claims daw tungkol sa Momo challenge ay mga “fake news” lang.
Ayon naman sa Youtube ay wala silang nakitang ebidensya ng mga videos na nagpro-promote o nagpapakita ng Momo challenge sa kanilang platform.
Para naman sa fact-checking website na Snopes, ang Momo challenge story daw ay isa lamang hoax o hype at hindi raw makatotohanan.
Ngunit nagbigay sila ng warning na ang imahe ng nakakatakot na babaeng si Momo ay maaring makapagdulot ng distress sa mga bata.
Bagamat nakakatakot tingnan, ang imahe daw na ito ay walang kinalaman sa kahit anong suicide story. Ito daw ay isang larawan lamang ng isang sculpture na ginawa ng Japanese artist na si Keisuka Aisawa para sa special-effects company na Link Factory. Ito ay kasalukuyang nakadisplay sa Vanilla Gallery sa Tokyo, Japan.
Ayon nga pop-culture website na Know Your Meme ay una na itong nakakuha ng atensyon noong 2016 ng i-post ang larawan nito sa Instagram.
Mga paalala sa mga magulang
Fake man o hindi ay sinasabi ng mga awtoridad at experts na sana ang Momo challenge ay magsilbing wake-up call sa mga magulang na bantayan at limitahan ang paggamit ng internet at gadgets ng kanilang mga anak.
Ayon nga sa IT expert na si Jerry Liao ay dapat daw mag-exert ng oras ang mga magulang sa kanilang anak sa real world pati narin online.
Hindi daw dapat gamiting “pacifier” ang mga gadgets para patahimikin ang kanilang anak at hayaan lang itong manood ng videos at maglaro ng games para hindi sila guluhin.
Para naman sa isa pang IT expert na si TJ Dimacali ay dapat daw i-explore ng mga magulang ang paggamit ng mga filtering at monitoring software tools sa internet.
Isa na raw rito ang parental control na maari nilang i-activate at i-set para mag-filter ng mga hindi kaaya-ayang content sa mga bata.
Ayon parin kay Dimacali, ang pinakasimpleng paraan raw para protektahan ang mga bata mula sa dangers ng online trends ay ang pagbibigay ng oras sa kanila at pag-alam sa kung ano ang kanilang pinagkakaabalahan o ginagawa online.
Maari raw subukang manood sa tabi nila ng mga Youtube videos na kinahihiligan nila para ma-check kung ano talaga ang nilalaman nito at maiiwas agad ang bata sa content na hindi karapat-dapat sa kanilang edad.
Ayon naman sa DepEd ay dapat mag-maintain ng open communication ang mga magulang at guardians ng mga bata sa kanila. Dapat din daw ay turuan silang maging responsable sa kanilang online behavior at i-monitor kung ano ang kanilang ina-access online.
Dapat din daw ay ipaintindi sa mga bata na ang mga magulang o kanilang guardians ang unang mga taong puwede nilang pagsabihan ng mga bagay na nagpaparamdam sa kanila ng uncomfortably o feeling ng pagiging unsafe.
Pinapaala naman ng mga kapulisan sa mga magulang na ipaintindi rin sa mga bata ang kahalagahan ng hindi pagbibigay ng kanilang personal information sa mga taong hindi naman nila kilala.
Dapat din daw ay ipaliwanag sa kanila na walang sinuman ang may karapatang magsabi sa kanila na gawin ang mga bagay na hindi nila gustong gawin.
Pero higit sa lahat ang paglalaan ng oras at pakikipag-usap sa mga bata ang isang mabisang paraan para magabayan sila at maiiwas sa mga bagay na maaring ikapahamak nila gaya ng suicide challenge na ito sa real world man o online.
Basahin: DICT, hindi mapigilan ang Momo Suicide Challenge, pero ito ang magagawa ng mga magulang