15 MRT employees positibo sa COVID-19. Pero ayon sa namamahala sa MRT, mga commuters wala dapat ipag-alala dahil ligtas pa rin ang mga tren nila.
MRT employees positibo sa COVID-19
Nitong Hunyo 14, isang MRT personnel ang lumabas na positibo sa COVID-19. Ito ay base sa pahayag na nagmula sa DOTr o Department of Transportation.
Image from Official Gazette
Sa ngayon ay hindi pa tukoy kung paano nakuha ng naturang empleyado ang virus. Ngunit ng magsagawa ng contract tracing sa 32 taong nakasalimuha niya sa mga lumipas na araw, lumabas na 14 sa mga ito ang nag-positibo rin sa sakit. Ang kompirmasyon na ito ay inilabas ng DOTr, dalawang linggo matapos magbalik operasyon ang MRT.
Sa kabila nito, pahayag ng DOTr wala umanong dapat ikatakot o ika-panic ang mga MRT commuters. Lalo na ang mga sumasakay sa MRT-3 na kung saan naka-destino bilang maintenance workers ang 15 empleyadong nag-positibo sa sakit. Dahil ayon sa kanila, ang mga ito ay naka-base naman sa depot station ng istasyon ng tren sa North Avenue. Wala umanong interaskyon ang mga ito sa mga mananakay na pasahero.
Napakaliit rin umano ang tiyansa o pagkakataon na magkaroon ng interaksyon ang mga ito sa station personnels na humaharap sa publiko. Ito ay ayon kay MRT-3 director for operations Michael Capati.
“From depot via ano na kami radyo na ang communication namin sa station, hindi na by personnel. Dati-rati personnel ang pumunta doon, ngayon radyo na lang para at least wala nang interaction na mangyayari from the depot.”
Ito ang dagdag pang pahayag ni Capati.
Aksyon na isinasagawa ng MRT-3
Pero para makasigurado ay sasailalim sa rapid antibody testing ang lahat ng personnel ng MRT-3. At sa oras na lumabas na positibo ang isang empleyado sa rapid testing ay sasailalim ulit ito sa confirmatory test at saka magseself-quarantine.
Dinisfect narin umano nila ang depot na kung saan naka-destino ang mga empleyadong nag-positibo sa sakit. Pati na ang mga istasyon at tren na sinasakyan ng mga commuters. Hindi umano ititigil ang operasyon ng tren at naka-lockdown lang sa ngayon ang area kung saan nanggaling ang mga nag-positibo sa COVID-19 na pasyente. Dahil malayo naman ito sa istasyon ng tren at hindi dapat makaapekto sa mga byahe nito.
“Ang ni-lockdown lang namin ‘yung area nu’ng quality kasi doon nanggaling ‘yung primary patient natin, ano? And then the rest okay naman kasi malayo naman siya, isolated naman siya sa production areas atsaka sa maintenance area natin. Wala ‘tong connection doon sa ating stations. They are very very far”, pahayag pa ni Capati.
Kaugnay nito ay mas pahihigpitin ang health at safety protocols sa mga depot at istasyon ng MRT. Ito ay upang makasigurado na hindi na kakalat ang sakit at wala ng mahahawa pa rito.
“And at the same time, nandoon pa rin ‘yung ating frequent, of course, ‘yung wearing ng mask, ‘yung frequent hygiene natin. and ‘yung thermal scanner natin, and the- keep on reminding the people, especially ‘yung social distancing din sa work.”
Ito ang dagdag pang pahayag ni Capati.
Kaso ng COVID-19 sa Pilipinas
Samantala, patuloy naman ang isinasagawang contract tracing sa mga taong nakasalimuha ng 14 pang empleyadong nag-positibo sa COVID-19. Habang ang iba pang nakasalimuha nila ay inabisuhan ng magself-quarantine at sumailalim sa RT-PCR testing bago bumalik sa kanilang trabaho sa MRT-3 depot.
Paglilinaw pa ni Capati, ang 15 MRT employees positibo sa COVID-19 ay mga manggagawa mula sa Sumitomo-Mitsubishi-TESP. Ito ang maintenance provider ng MRT-3.
Sa ngayon ay mayroon ng 27,799 kumpirmadong kaso ng sakit na COVID-19 dito sa Pilipinas. At nasa 1,116 na ang naitalang nasawi dahil sa sakit. Habang nasa 7,090 na ang naitalang naka-recover dito.
Paano maiiwasan ang pagkalat ng COVID-19?
Kaya patuloy na nagpapaalala ang mga awtoridad sa publiko na sumunod at obserbahan parin ang safety protocols laban sa COVID-19. Ito ay ang sumusunod:
- Ugaliin ang maayos at madalas na paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig. O kaya naman ay sa pamamagitan ng 70% alcohol-based sanitizer.
- Lumayo ng hindi bababa sa 3 metro sa isang taong umuubo o umaatsing.
- Iwasang hawakan ang iyong mukha ng hindi pa naghuhugas ng kamay. Ito ay upang maiwasang pumasok sa iyong mata, ilong at bibig ang virus.
- Ugaliing mag-disinfect ng mga bagay at surfaces sa iyong paligid.
- Kung galing sa labas ay agad na magpalit ng damit. Huwag ng gamiting muli ang mga jeans at jackets. Dahil maaring kumapit sa mga ito ang virus.
- Magtakip ng tisyu o panyo sa tuwing uubo o babahing. O kaya naman ay itakip ang iyong braso o manggas ng damit sa tuwing uubo.
- Manatili lang sa bahay kung masama ang makiramdam.
- Agad ng magpakonsulta sa doktor kung makaranas ng sintomas ng coronavirus na ubo, lagnat at hirap sa paghinga.
- Makinig sa balita at umiwas sa mga lugar na may nailulat na kaso ng coronavirus.
- Kung hindi makakaiwas na magpunta sa matataong lugar ay mag-suot ng mask. At mag-baon ng alcohol na madaling mailalagay sa kamay sa oras na hahawak sa mga bagay o surfaces.
Source:
GMA News, CDC, Manila Bulletin, Inquirer
Basahin:
STUDY: Mababa ang chance na magkaroon ng COVID-19 ang mga may O blood type
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!