MRT positive cases ng COVID-19 umabot na sa 172 as of July 5. Ilan sa pinakabagong nag-positibo sa sakit, ticket sellers at train driver ng istasyon.
MRT positive cases ng COVID-19
Matatandaang noong Hunyo 14 ay may isang MRT personnel ang lumabas na positibo sa COVID-19. Kaya naman agad na nagsagawa ng contact tracing at isinailalim sa COVID-19 testing ang mga nakasalimuha niya.
Sumunod nito ay may 14 pang personnel ng MRT 3 ang lumabas ngang positibo sa sakit. Lahat ay mga empleyado ng maintenance provider ng MRT 3 na Sumitomo-Mitsubishi-TESP. Ang mga empleyado ay nagtratrabaho sa depot ng tren umano at walang contact sa mga pasahero at iba pang empleyado.
Pero sa pagdaan ng mga araw, habang isinasailalim sa COVID-19 testing ang lahat ng empleyado ng MRT-3 ay nadagdagan ng nadagdagan ang lumabas ng positibo sa sakit. Kahapon, base nga sa pinakalatest na report ng MRT-3 management team umabot na sa 172 cases ang lumabas na positibo sa sakit sa istasyon. Karamihan sa mga ito ay mga depot personnel, habang ang mga pinakabagong nadagdag sa kaso ay 4 na ticket sellers, 1 train driver at 1 nurse.
Hakbang na isinasagawa ng MRT-3
Ayon kay Department of Transportation Assistant Secretary Goddess Libiran, 2 sa mga ticket seller na nagpositibo sa sakit ay naka-istasyon sa Cubao Station. Habang ang isa ay sa North Avenue station naka-destino at ang isa pa ay nasa reserve status.
Ang mga empleyado ng MRT-3 na lumabas na positibo sa sakit ay naka-quarantine na umano sa mga government facilities. Habang patuloy rin ang pagsasagawa ng contact tracing sa lahat ng nakasalimuha ng mga empleyadong nag-positibo sa sakit.
“Aside from RT-PCR testing, the MRT-3 management also conducts contact tracing within one to three days of the release of the RT-PCR tests. The identified primary contacts for those who tested positive for COVID-19 will be placed in quarantine and will be given priority in RT-PCR testing.”
Ito ang pahayag mula s MRT-3 management team.
Pagbabago sa byahe ng tren at safety protocols sa MRT-3
Bunsod rin ng dumadaming bilang ng MRT positive cases ng COVID-19 ay magbabawas ng bumabyaheng tren ang istasyon simula ngayong Lunes. Mas hihigpitan narin ang COVID-19 protocols sa istasyon.
Lahat ng MRT-3 personnel sa depot, istasyon at mismong tren ay required ng magsuot ng personal protective equipment. Kabilang dito ang face masks, face shields, gowns at gloves.
Sila ay kailangan naring mag-submit ng health declaration forms dalawang beses araw-araw. Ang MRT-3 depot ay i-didisinfect narin 2 beses araw-araw. Habang ang mga tren ay dadaan sa 5-minute disinfection sa mga end stations nito sa North Avenue at Taft Avenue.
Para sa mga train commuters at personnel, ay mga disinfectants na ipinamimigay sa mismong istasyon ng MRT-3 at sa MRT-3 Depot.
May mga markers rin na inilagay sa kung saan maaring maghintay ang mga pasahero sa byahe o parating na tren.
Para masunod ang physical distancing sa loob ng istasyon at tren ay mga transport marshals ang mag-iikot at istriktong magpapatupad ng mga COVID-19 measures at protocols.
May mga nurses ring available sa istasyon na maaring tumalima sa pangangailangan ng mga pasahero at personnels ng tren.
COVID-19 sa Pilipinas
Samantala, sa buong Pilipinas ay patuloy rin namang nadadagdagan ang bilang ng kaso ng sakit na COVID-19. Kahapon nga lang July 5 ay naitala ang pinakamataas na single-day increase ng sakit na umabot ng 2,434 infections. Ito ang bumuo sa 44,254 na kabuuang bilang ng kaso ng sakit sa bansa. Ayon sa Department of Health, 1,147 sa mga ito ang fresh cases o na-detect sa nakalipas na 3 araw. Habang ang 1,287 ay late cases o kabilang sa backlog ng ahensya.
Ayon parin sa DOH, 1,069 sa bagong kaso ay nagmula sa Metro Manila. Nasa 602 ang mula sa Central Visayas, 756 mula sa iba’t-ibang rehiyon sa bansa at ang 7 ay OFW na kababalik lang sa Pilipinas.
Umabot naman na sa 1,297 ang kabuuang bilang ng mga nasawi dahil sa sakit sa bansa. Habang may 11, 942 ang naka-recover at tuluyang gumaling na sa sakit.
Paano maiiwasan ang pagkalat ng COVID-19?
Kaya patuloy na nagpapaalala ang mga awtoridad sa publiko na sumunod at obserbahan parin ang safety protocols laban sa COVID-19. Ito ay ang sumusunod:
- Ugaliin ang maayos at madalas na paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig. O kaya naman ay sa pamamagitan ng 70% alcohol-based sanitizer.
- Lumayo ng hindi bababa sa 3 metro sa isang taong umuubo o umaatsing.
- Iwasang hawakan ang iyong mukha ng hindi pa naghuhugas ng kamay. Ito ay upang maiwasang pumasok sa iyong mata, ilong at bibig ang virus.
- Ugaliing mag-disinfect ng mga bagay at surfaces sa iyong paligid.
- Kung galing sa labas ay agad na magpalit ng damit. Huwag ng gamiting muli ang mga jeans at jackets. Dahil maaring kumapit sa mga ito ang virus.
- Magtakip ng tisyu o panyo sa tuwing uubo o babahing. O kaya naman ay itakip ang iyong braso o manggas ng damit sa tuwing uubo.
- Manatili lang sa bahay kung masama ang makiramdam.
- Agad ng magpakonsulta sa doktor kung makaranas ng sintomas ng coronavirus na ubo, lagnat at hirap sa paghinga.
- Makinig sa balita at umiwas sa mga lugar na may nailulat na kaso ng coronavirus.
- Kung hindi makakaiwas na magpunta sa matataong lugar ay mag-suot ng mask. At mag-baon ng alcohol na madaling mailalagay sa kamay sa oras na hahawak sa mga bagay o surfaces.
Source:
ABS-CBN News, Inquirer News, CNN News, PNA
Basahin:
2-month old baby nag-positibo sa COVID-19, kasalukuyang asymptomatic
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!