Trending ngayon sa social media ang programang Korean TV show na My Golden Kids. Ang nasabing programa may hatid na aral at realizations para sa mga magulang. Alamin dito kung ano ang mga aral na ito.
Mababasa dito ang mga sumusunod:
- My Golden Kids Korean TV show.
- Mga aral para sa mga magulang mula sa My Golden Kids.
My Golden Kids Korean TV show
Trending ngayon sa social media ang Korean reality TV show na My Golden Kids. Ang naturang programa ay umeere sa Channel A sa Korea. Layunin ng programa na maipakita ang modern parenting styles at ano ang nagiging epekto nito sa mga bata.
Maraming netizens ang na-hook sa programa lalo na sa episode kung saan tampok ang kuwento ng apat na taong bata na si Geum Ji Eun.
Sa isa sa mga video ay makikita ang batang si Geum Ji Eun na nag-dradrawing. Nasa harapan niya ang kaniyang ina na sinasabihan niya na gusto niya sanang makalaro. Pero ito ay nagsasabi ng “no” na agad. Maririnig rin sa parehong video na tinatanong si Geum Ji Eun ng kaniyang ina kung gusto ba nitong maging artist. Ang sagot ng bata ay oo, pero ang ina agad na ni-reject ang ideya na ito ni Geum Ji Eun. Paliwanag niya, kung gusto nitong maging artist ay kailangan good-looking siya. At wala daw silang sapat na pera para masuportahan ang bata sa gusto niya.
Ang batang Geum Ji Eun tumitingin lang sa kaniyang ina habang pinapatuloy ang kaniyang ginagawa. Pero sa mata ng bata makikita na nalulungkot siya sa mga narinig mula sa ina.
Mga aral para sa mga magulang mula sa My Golden Kids
Sa isa pang viral video ng batang si Geum Ji Eun, siya naman ay maririnig na ininterview. Ang unang naitanong sa kaniya ay kung ano ang mga bagay na gusto niya. Mabilis na sagot ng bata ay ang kaniyang ama, ina at kaniyang lola.
Ang sunod na tanong sa kaniya ay kung sino sa mga sinabi niyang miyembro ng kanilang pamilya ang pinaka-gusto niyang kalaro.
Ang sagot ng bata ay hindi niya alam sapagkat lagi siyang naiiwang mag-isa sa kanilang bahay at wala sa mga ito ang nakikipaglaro sa kaniya. Dagdag pa na laging pagod na daw sila sa tuwing umuuwi ng bahay.
“I don’t know because they are always tired. I am alone at home and no one plays with me.”
Ito ang naging sagot ni Geum na isinalin sa salitang Ingles mula sa Korean language.
Nang tanungin naman si Geum sa kung anong tingin niya sa kaniyang ama, sinagot ng bata na nakakatakot ito kapag nagagalit. At hiling niya na sana sa susunod ay tawagin ng ama ang pangalan niya na may lambing o mas nice.
Habang ini-interview si Geum ay hindi niya alam na nakikinig rin ang kaniyang mga magulang. Ang kaniyang ama napaluha ng marinig ang sinabi ng bata.
Ang sunod na tanong kay Geum ay tungkol sa kaniyang ina. Dito na hindi napigilan ng bata ang kaniyang luha matapos sabihing, tingin niya ay hindi siya gusto ng kaniyang ina.
“I think she doesn’t like me.”
Ito ang sabi ni Geum na sinundan na ng pagtulo ng luha ng bata.
Ang ina ni Geum ng marinig at makita ang reaksyon ng anak ay hindi rin napigilan na maiyak. Lalo pa’t dagdag pa ng bata, hindi niya ito masabi sa ina dahil alam niya namang hindi ito makikinig sa kaniya. Kung mayroon nga daw hiling si Geum sa ina, ito daw ay ang makipaglaro lang ito sa kaniya.
Sa isa pang episode ng My Golden Kids ay makikitang nagkaroon ng heart-to-heart talk ang mag-ina. At mensahe ng ina ni Geum sa kaniya ay ito.
“I’m sorry for making you think Mom hates you even though I don’t. I will love you more and play with you.”