Isang nanay ang nagbahagi ng kaniyang pagdadalamhati matapos bawian ng buhay ang kaniyang 13-month old na anak na si Hank. Nabulunan ang baby sa kinakain nitong muffin.
Baby na nasawi matapos mabulunan
Hindi makapaniwala ang isang ina mula sa North Carolina, USA, na mawawala nalang ng ganoon kabilis ang kaniyang anak dahil lang sa ordinary muffin na bumara sa lalamunan nito.
Ayon sa ina ay nakain na ng kaniyang anak lahat ng pagkain na maaring hindi niya kayang tunawin. Kaya naman hindi niya lubos na inakala ng dahil lang sa maliit na piraso ng muffin ay kukunin ito sa kaniya ng ganoon na lang.
Kuwento pa ng ina na si Ashton Zager sa kaniyang Facebook post ay naitakbo pa nila sa ospital ang kaniyang isang taong gulang na anak na si Hank. Naisagawa rin dito ang heimlich o ang abdominal thrust para matanggal ang bumarang muffin sa lalamunan nito ngunit hindi rin ito umubra.
Hindi rin nawalan ng malay ang kaniyang anak kaya naisip niyang magiging ok rin ito, ngunit nagkamali siya. Sa loob ng 3 oras ay ginawa ng doktor ang lahat para mailigtas ang anak niyang si Hank pero hindi parin ito naging matagumpay. Hanggang sa sumuko na ang puso ni Hank at tuluyan na itong namatay.
Kaya naman nagluluksa si Ashton ngayon na gulong-gulo rin sa nangyari. Dahil hindi niya akalain na ang maliit na piraso lang ng muffin ang kukuha sa makulay at mahaba pa sanang buhay ng kaniyang anak na si Hank.
Noong nakaraang araw, nag-post ang ama ni Hank at klinaro na mayroong bean na nakain ang bata na bumara sa daluyan ng hangin papuntang baga. Ito ang naging dahilan kung bakit hindi nakahinga nang maayos ang bata.
First aid tips kapag nabulunan ang baby
Para maiwasan ang hindi inaasahang pangyayari ay dapat alam ng mga magulang ang dapat gawin kapag nabulunan ang baby. Narito ang first aid steps na dapat isaisip ng mga magulang.
Sa oras na mabulunan ang isang baby ay dapat tumawag agad sa emergency services at magsagawa ng first aid habang naghihintay ng kanilang pagdating.
Importanteng mabigyan ng first aid agad ang nabulunan na baby lalo na kung nakakaranas siya ng sumusunod:
- Walang malay
- Hindi makahinga dahil may nakabara sa kaniyang airway
- Nahihirapan o may maingay na tunog ang paghinga
- Hindi makaiyak, makapagsakita o gumawa ng ingay
- Humahawak sa kaniyang lalamunan
- Mukhang nagpapanic o natutuliro
Sa pagsasagawa ng first aid sa nabulunang baby ay isaisip ang sumusunod na hakbang:
Kung ang bata ay walang malay agad na magsagawa ng CPR. Ihiga muna ang bata sa flat na sahig at tanggalin ang bumabara sa kaniyang lalamunan kung ito ay iyong nakikita.
Kung ang bata naman ay mas bata sa isang taong gulang, may malay ngunit hindi humihinga ay padapain siya sa iyong braso habang sinusuportahan ng iyong binti ang bigat niya.
Saka tapikin ng limang beses na may pwersa ang kaniyang likod gamit ang matigas na bahagi ng iyong palad.
Iharap sa iyo ang sanggol upang makita kung lumabas na ang bumarang pagkain sa kaniyang lalamunan.
Chest thrust
Kung hindi parin natatanggal ang bumarang pagkain ay isagawa ang chest thrust. Gawin ito sa pamamagitan ng pagpapahiga sa bata sa isang firm surface. Saka ilagay ang dalawa o tatlo mong daliri sa gitna ng breastbone niya at saka itulak ito ng may pwersa at mabilis ng hanggang limang beses.
Pagkatapos ay tapikin ulit ang likod ng baby hanggang sa lumabas ang bumarang pagkain sa kaniyang lalamunan.
Kung hindi humihinga ang bata ay buksan ang kaniyang bibig gamit ang iyong hinlalaki para itulak pababa ang kaniyang panga.
Huwag subukang sundutin ng iyong daliri ang lalamunan ng baby lalo na kung hindi mo nakikita ang bumarang pagkain dahil maari mo itong matulak na mas magpapalala pa ng sitwasyon.
Abdominal thrust
Para naman sa mga batang nabulunan na lagpas isang taong gulang ay isagawa ang abdominal thrust o heimlich maneuver. Maisasagawa ito sa pamamagitan ng pagtayo sa likod ng bata saka ilagay ang iyong braso sa ilalim ng kaniyang braso at sa paligid ng upper abdomen niya.
Isara ang isa sa iyong kamao saka ilagay sa gitna ng kaniyang pusod at tadyang. Saka ipatong ang isa mo pang palad para may pwersa saka itulak ng papasok at pataas ng limang beses ang tiyan ng bata.
Siguraduhing huwag maglalagay ng labis na pressure sa lower ribcage ng bata dahil ito ay maaring magdulot ng damage at delikado.
Tandaan ang mga nabanggit na hakbang ay first aid lamang. Para makasigurado ay kailangan parin ang tulong ng mga eksperto na mas alam ang dapat gawin at mas makakabuti para mailigtas ang buhay ng anak mo.
Source: WebMD, Mayo Clinic, NHS
Photo: Pexels, Ashton Zager’s Facebook account
Basahin: Paano maiiwasang mabulunan si baby habang umiinom ng gatas?