Para sa kahit sinong magulang, nakakatakot makitang nabubulunan si baby matapos uminom ng gatas. Kaya’t mahalagang alamin upang hindi mabulunan si baby.
Hindi mo kailangan ng kahit anong special na bote o kung anu-ano pa. Ang kailangan mo lang ay sundin ang mga steps dito, at siguradong hindi ka na mag-aalala kay baby kapag umiinom siya ng gatas!
Ano ang dapat gawin upang hindi mabulunan si baby?
Source: Flickr.com
1. Gumamit ng tsupon na angkop para sa edad ng iyong baby
Alam niyo ba na ang tsupon o nipple ng mga bote ay hindi iisa ang size? Nagbabago ito depende sa edad at laki ng iyong baby. Kaya’t siguraduhin na angkop ito sa kaniyang edad.
Bukod dito, silipin rin mabuti na maayos pa ang tsupon at walang crack o malaking butas. Patak-patak lang dapat ang labas ng gatas dito. Kapag tingin mo masyadong malakas ang paglabas ng gatas, mabuting palitan na ang tsupon ni baby.
2. Hawakan ng diretso at mabuti ang ulo ni baby
Dapat nakaangat ng kaunti at diretso ang posisyon ng ulo ni baby kapag umiinom ng gatas. Importante na hindi gumigilid ang kaniyang ulo dahil kapag patagilid siya uminom ng gatas ay posibleng mabulunan si baby.
Siguradihin ding hawakan ng patayo ang bote, at huwag mo itong itagilid o ipahiga habang pinapainom si baby.
3. Siguraduhing komportable si baby habang umiinom
Huwag mong ipilit ang bote sa bibig ni baby. Hayaan mo siyang isubo ng maayos ang bote at siya na ang bahala na uminom mula dito. Kapag napansin mong lumulunok si baby, posibleng senyales ito na nahihirapang uminom si baby.
Kapag ganito ang nangyari, posibleng masyadong malakas ang paglabas ng gatas sa tsupon, kaya dapat na itong palitan.
4. Kapag nabulunan si baby, paupuin siya agad
Hindi maiiwasan na minsan nahihirapang uminom si baby ng gatas. Normal lang na mabulunan si baby at hindi mo ito agad dapat ikatakot.
Kapag nangyari ito, tanggalin mo agad ang bote, at dahan-dahang paupuin ng diretso si baby. Antayin mong ilabas niya ang gatas sa kaniyang lalamunan bago mo siya ulit painumin ng gatas.
5. Alamin kung busog na si baby
Mahalagang malaman mo kung busog na si baby. Kapag napansin mo na hindi na siya umiinom o kaya ay niluluwa na niya ang gatas, tanggalin mo na ang bote sa kaniyang bibig.
Kapag iniwan mo lang ang bote sa bibig ni baby ay posible siyang mabulunan.
6. Kung makatulog si baby, tanggalin mo na ang bote
Hindi maiiwasang makatulog si baby habang umiinom ng gatas. Kaya’t kung mangyari ito, mabuting tanggalin mo na ang bote upang hindi siya mabulunan.
Kung mapansin mong sinusubukan pa ring humigop ng gatas ni baby, pwede mo siyang bigyan ng pacifier, o gamitin ang iyong daliri kapalit ng bote.
Sobrang simple lang ng mga steps upang maiwasan na mabulunan si baby. Kaya’t palaging tandaan ang mga ito kapag feeding time na!
Source: Live Strong
Basahin: Sanggol patay dahil sa maling paraan ng pagpapasuso
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!